ni Princess Joy C. Ragsac
Birthmark. Sa tuwing maririnig niyo ang salitang ito, ano ang puumapasok sa isip niyo? Hindi ba’t ito yung palatandaan ng isang nilalang? Yun bang pinakatumatak sakanya. Di lingid sa ating kaalaman na ang bawat nilalang ay may kanya-kanyang birthmark, ngunit, pumasok na po ba sa isip niyo na maaari itong makita sa isang grupo? Opo, sa isang grupo. Ang birthmark po kasi ay maihahalintulad natin sa pagkakakilanlan. Hindi ba’t bahagi na ng kultura ang mga tradisyon at pagkakakilanlan ng bawat bansa? Bawat isa sa mga ito ay tila may tumatak na kaisipan o di kaya’y katawagan na siyang inihahalintulad natin sa isang birthmark. Ito ang nagiging simbulo ng kanilang pagiging tanyag. Kayo, bilang isang Pilipino, alam niyo ba ang pagkakakilanlan ng isang pinoy?
Bahagi na ng ating buhay ang pagkakaroon ng mga bisita, kung minsan nga’y walang araw na nakalipas na meron tayo nito. Naranasan niyo na po ba na magtago ng inyong gamit sapagkat halos ayaw mo itong gamitin o di kaya’y ipagamit maging dun na mismo sa mga taong kasama mo sa bahay? Ngunit, pag mayroon kang bisita, halos naghihikahos ka sa kakahanap nito may ipagamit ka lamang sa kanila. Eh yung tipong kinakailangan ng bisita mo na makitulog muna sa inyo ngunit wala kang kwarto para sa mga bisita kaya kwarto ng pamilya mo na lamang ang ipagagamit sa kanila kung saan ibibigay mo ang inyong malambot na kutson, papalitan ng bagong punda ang mga unan at maglalabas ng kumot na halos mag-amoy aparador kakatago. Nariyan pa ang pagkakataon kung saan tinitipid ninyo ng pamilya mo ang araw-araw niyong kinakain ngunit pag may paparating ng bisita, gagawin pang mangutang may masarap lang na ipakain sa kanila. Kung naranasan mo na ang kaugaliang ito, tiyak may dugo kang pinoy! Ang pag-iistima sa mga bisita o mas kilala sa katawagang “hospitality” ay tatak na kasi ng mga Pilipino. Kung susumahin nga marami ng mga dayuhan ang nagsabi na talaga nga namang hospitable ang mga pinoy. Isa nga yan sa mga dahilan kung bakit marami sa ibang bansa ang nagnanais na magkaroon ng Pilipinong makakasama nila sa bahay.
Bahagi na rin ng tatak pinoy ang paggalang. Sa Pilipinas nga lang ata natin maririnig ang pagsambit ng “po” at “opo” sa tuwing may kausap tayo na mas nakatatanda sa atin. Natural din sa atin ang pagmamano sa mga magulang bilang pagpapakita rin ng ating paggalang. Sa katunayan, kung papansinin ang mga pamilyang pinoy saan man dito sa Pinas, tiyak di ka mabibigong makakita na ang ilan sa kanila ay nagpapakita mg mga ganitong kaugalian.
Di rin maipagkakaila na bahagi na ng buhay natin ang pagngiti. Pagngiti di dahil masaya ka, kundi pagngiti kahit may problema na. Yan ang pinoy, masayahin. Gaano man kabigat ang problemang dinadala, di mawawala ang ngiti sa kanilang labi. Pansinin ang inyong paligid, di mawawala ang mga taong nakangiti, kasama na kasi ito sa ating kaugalian, kaya kung isa kang palangiti, pinoy ka!
Ako, bilang Pilipino ipagpapatuloy ko ang kaugaliang ito na tumatak na sa atin. Tunay ngang wala nang hihigit pa sa edukayon bilang tagapagligtas ng tao sa kamangmangan at ito rin ang mag-aangat sa atin sa mataas na estado ng buhay ngunit, pakatandaan na mahalaga din ang mabuting asal sa pagkamit ng tagumpay. Ipagpatuloy natin ang markang ito na kumikilala sa pinoy. Ipagmalaki na tayo ay Pilipino. Ako, ikaw, tayo ay mga Pinoy na may iisang marka.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento