Ni Princess Joy C. Ragsac
Nahuhubaran at panipis na ng panipis ang lantay na pagkalahi ng mga Pilipino. Sa pagdating ng mga mananakop sa ating bansa, marami itong mga naiwang latak na kinagisnan na nating mag Pinoy. Kung tutuusin, may mga iniwan itong kaugalian na makabubuti sa atin, ngunit di maipagkakaila na may masasamang dulot din ito lalo na sa paghubog ng ating pagkatao. Mga di mabubuting kaugalian ang sumakop at unti-unting nadedebelop sa ating sarili. Tila nababalot na ng maitim na imahe na nagmula sa mga mananakop ang lahing Pilipino.
Di na maitatanggi na laganap na sa atin ang pagiging ningas kugon. Iyong tipong maalab sa pagsimula subalit habang tumatagal nawawala ang ating sigla. Patunay na nga dito ang buhay ng estudyante. Dumarating ang pagkakataon na sa paggawa ng proyekto, sa simula ay masipag at habang tumatagal ay nawawalan na ng gana. Wala pong pagkakaiba ang kaugaliang ito sa tulad kong pulitiko. Opo, alam kong tumatak na sa isipan ninyo ang ganitong pagtingin sa katulad ko. Dumarating kasi ang pagkakataon na ang mga platapormang inihahain sa inyo ng mga kandidato ay tila sa umpisa lang maganda at kapag nakaupo na sa pwesto tila nakalimot na.
Isa rin sa nakasasama sa atin ay ang pagigiing utak kolonyal kung saan magpasahanggang ngayon nananatili pa rin sa atin. Mas higit nating pinahahalagahan ang likha ng iba imbis na ang sarili nating gawa. Kung mapapansin, karaniwan itong makikita sa mga kabataan ngayon na tila manghang-mangha sa produkto ng ibang bansa. Gayundin naman ang iba, mas nanaisin pang tangkilikin ang mga produktong ika nga nila e imported ngunit di napapasin ang produktong Pinoy. Dapat susugan ng ating gobyerno ang ganitong pagiisip. Kung patuloy nating mas higit na tatangkilikin ang produkto ng iba, paano na aangat ang ating bansa?
Pilipino! Gumising ka! Ang mga kaugaliang ito ay di natin dapat ipagpatuloy. Maging mulat sa pagkakamaling ginagawa mo. Bilang isa sa aking mga pangako, hindi ko nanaisin ang mga ganitong kaugalian na atin nang nakasanayan. Di po ito makatutulong sa paghubog ng ating pagkatao. Asahan ninyo na di ko bibiguin ang aking pangako sapagkat pangunahing layunin ng aking pagtakbo ang paunlarin ang bansang ito.
Sisimulan ko ito sa simpleng pagbabago. Iiwasan ko ang pagiging ningas kugon at gayun na din ang utak kolonyal. Ang pag iwas sa pagiging ningas kugon ay unti- unting makapagpapaunlad ng ating pagkatao gayundin ng ating bansa. Mananatili akong masigla sa pagbibigay serbisyo sa inyo kung hahayaan ninyo akong maging parte ng pagpapaunlad sa bansang ito. Susuportahan ko din ang anumang gawa ng pinoy. Taas noo kong tatangkilikin ang produktong gawa natin. Alam ko na sa paguumpisa kong ito, unti-unting uunlad ating bansa. Kaya suportahan ninyo ako sa pagtakbo kong ito, at sa simpleng pagbabagong gagawin ko, tiyak uunlad din tayo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento