ni Karen F. Fababeir
Maalalahanin, mapag-aruga at palangiti ang ilan sa mga palatandaan ng pagiging Pilipino, taglay ko ang mga ito. Samakatuwid Pilipino ako!.
Maalalahanin, mapag-aruga at palangiti ang ilan sa mga palatandaan ng pagiging Pilipino, taglay ko ang mga ito. Samakatuwid Pilipino ako!.
Isang simpleng pahayag ngunit punong-puno ng kahulugan. Tayong mga Pilipino ay hinahangaan sa ating hindi matatawarang mga katangian. Isa na ditto ang pagiging mapag-aruga at maaalalahanin. Isang patunay ditto ay ang magiliw nating pagtanggap sa mga bisita kapwa Pilipino man o banyaga. Hindi ba’t kapag mayroon tayongbisita ay magiliw natin silang pinapatuloy sa ating mga tahanan? Inilalabas ang mga magaganda at magagarang kagamitan na pinakatatago-tago pa natin ng pagkatagal-tagal sa ating mga baul. Ginagamit ang mga bagong bili na gamit at dahil mga Pilipino nga tayo ay ayos lang kahit hindi tayo ang unang gumamit o ika nga nila e kahit hindi tayo ang magbinyag ng mga ito. Madalas ding nagyayari na kapag nataon na tuyo at talbos ng kamote lamang ang nakahain sa hapag-kainan ay maghahagilap pa tayo ng masarap na pagkain sa tindahan maihain lamang sa mga bisita ang pinakamasarap na ulam.
Naaalala ko pa ang kwento ng aking guro nung ako ay nasa unang taon sa kolehiyo. Naikuwento niya na kapag daw ang mga bisita ay nakitulog sa tahanan nating mga Pilipino ay ipapagamit natin ang pinakamagandang kumot at unan bukod pa doon ay ipapagamit pa natin sa kanila ang malambot na higaan at tayo ay magti-tyaga na lamang sa matigas na papag.
Isa pang katangian na hinahangaan sa atin ay ang pagiging palangiti. Likas sa ating mga Pilipino ang laging nakangiti. Ewan ko ba, malalaman agad na Pilipino ang isang tao kasi laging nakangiti, kahit may problemang kinakaharap gaano man ito kabigat ay nakukuha padin nating ngumiti. Naaalala ko pa nung minsan akong ipahamak ng pagiging palangiti ko. Nung High School kasi ako inutusan ako ng teacher ko na maningil at sa hindi malamang dahilan ay pinagalitan nya ko at habang pinapagalitan nya ko ay nakangiti ako. Hindi ko kasi alam na seryoso pala sya na pinapagalitan ako. Akala tuloy nya ay binabastos ko sya. Kaya ayun lalo syang nagalit sakin. Ewan ko ba kung bakit pero masarap kasi sa pakiramdam ang laging nakangiti. Bukod sa napagaganda mo ang pakiramdam mo, napagaganda mo rin ang araw ng mga taong ngingitian mo.
Nakatutuwang isipin na nakikilala tayo sa ganitong mga katangian at tumatatak na ito sa isipan ng mga taong ating nakakasalamuha higit sa lahat ay sa ibang mga lahi. Ang sarap isipin na mayroon tayong ganitong mga katangian na maaari nating ipagmalaki at ipagmayabang. Nawa ay magpatuloy ang ganitong katangian nating mga Pilipino at sama-sama nating ipagmalaki na PILIPINO tayo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento