ni: Rachelle Rangasajo
Ang mga Pilipino ay tulad rin naman ng ibang lahi sa daigdig. Ang kanilang mga katangian ay hinubog ng mga karanasan sa pagsakop ng mga dayuhan. Ang kanilang pagdating at paglisan, maging ano man ang layunin ay tiyak na nagpayaman sa lahing Pilipino.
Lulan ng barko narating ng mga Espanyol ang Pilipinas at sa kanilang pagdaong dala nila higit sa malalakas na armas ay mga kaugaliang ibang-iba na ika nga ay fresh from the west. Pinangungunahan ito nang pagtaklob ng relihiyong pagano sa pamamagitan ng pagpapakilala ng relihiyong kristiyanismo. Naging bunga nito ang pagsisimula ng pagiging romantiko, relihiyoso, mabait at mapag-mahal sa pamilya ng mga Pilipino. Sa mga kastila rin nagmula ang pagkakaroon ng apelyido upang magkaroon ng pagkakakilanlan. Nagbago ang lahat mula sa pananamit, mga tradisyon hanggang sa alpabeto. Napasok ng pamahiin ang mundo ng mga nananahimik na indiyo. Tuluyang ikinubli si Juan sa mga dati nitong pag-uugali at ginawang kahalintulad at kahambing ng larawan ng isang dayuhan.
Matapos ang napakahabang panahon nang pagdurusa sa rehas ng mga mestisong mananakop. Isang kasunduan naman ang nagpatuloy sa mga Amerikano sa bansa. Pinasok sa sistema ng mga Pilipino ang kung tawagin ay colonial mentality. Sinubok na supilin ang diwang makabansa sa pamamagitan ng pagpapatikim ng mansanas ni Uncle Sam na naglalaman ng lason na siyang unti-unitng kumikitil sa ugaling Pilipino. Nilasap ng mga Pilipino ang salitang Ingles nang dumulas ito sa kanilang mga dila. Aminin man at hindi hinayaan ang dayuhang ito na magdesisyon sa kung ano man dapat na maging itsura ng kolonyang Pilipino. Ang dating mahahabang saya ay unti-unting nabawasan ng tela hanggang sa maging kapiraso na lamang. Ang larong kalye na dati-rati ay palaging nakikita, napalitan na ng mga larong ginagamitan ng bola. Itago man kita ang pagnanais na mapantayan ang pamumuhay ng mga puting dayuhan.
Ang Pilipinas na noon ay kilala bilang Nag-iisang Kristiyanong Bansa sa Asya ay tila nadagdagan ng titulo bilang Bansang may Pinakamalaking Impluwensya ng mga Kanluranin. Hindi nga masama ang kinahinatnan ng mga Pilipino sa paggaya ng mga kulturang nagdaan sa bansa. Napayaman ang mga kaugaliang natutunan mula sa kanila, inangkin ito at nilagyan ng rekadong pang-Pilipino, ngunit hindi ba’t nakalulungkot isipin na wala ni isa man ang matatawag na sariling atin dahil sa halos lahat kung hindi hiram ay ginaya lamang natin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento