Linggo, Setyembre 11, 2011

Sino-sino nga ba ang mga Pilipino?

Ni: Carina G. Nocillado
Maaaring pumasok sa isang timpalak ng talumpatian

Madaling sambitin ang mga katagang “Ako ay Pilipino”. Ang pakiwari nga ng halos lahat ng tao sa mundo ay matatawag ka ng Pilipino kapag ipinanganak ka sa bansang Pilipinas na kung matamang iisipin ay hindi sapat.

            Ikaw ay isang Pilipino kung ang dugong dumadaloy saiyo ay dugong Pilipino. Sa madaling sabi, ang isa sa mga magulang mo ay isang Pilipino.

            Ngunit mga kaibigan, mga kapatid……

            Sino nga ba ang mga Pilipino?

            Ang mga tao bang ang balat ay kayumanggi?

            Ang mga tao bang ang ilong ay pango?

            O ang mga taong katamtaman lamang ang taas?

            Maraming katangian ang mga Pilipino na kung susubukan mong ikumpara sa ibang lahi ay tunay na makaaangat. Sapat na mga pananda na kahit saanmang dako ng mundo magtungo ang mga Pinoy ay nakakabit pa din ang kaniyang tatak Pilipino.

            Pagiging Asyano. Ang mga tinatawag na Asyano ay ang mga taong naninirahan sa mga bansang kabilang sa teritoryo ng Asya. Kung pagtutuunan ng pansin, ang teritoryo ng Pilipinas ay matatagpuan sa Timog Silangan ng Asya. Sapat na dahilan upang itaguri sa mga Pilipino ang pagiging tunay na Asyano.

            Pacific Islander. Ang mga taong matatawag sa ganitong pangalan ay iyong mga naninirahan saanman sa mga sub-region ng Oceania. Ang Oceania bilang pagpapaliwanag ay binubuo ng mga lupa na halos lahat ay mga isla na matatagpuan sa Karagatang Pasipiko. Kung matamang iisipin, masasabing ang mga Pilipino ay matatawag ding Pacific Islander dahil ang bansang Pilipinas ay makikita din sa bandang Kanluran ng Karagatang Pasipiko at malapit sa karagatan ng Timog Tsina.

            Ang kulturang Pilipino ay malawak. Tulad ng isang karera, may malawak na sakop ang kulturang Pinoy na binubuo ng mga ethno-linguistic cultural na kasanayan at norms. Nangangahulugang kinakailangan ng isang taong may interes na mapag-alaman muna ang mga rehiyon na bumubuo sa Pilipinas at ang kani-kanilang mga kultura. Sa tanang sabi, ang Pilipinas ay pulo-pulo na may iba’t ibang kulturang nakasanayan ang bawat tao. Gayunpaman, magkakaiba man, mayroon pa din itong pagkakatulad. Na nararapat sabihin, na ito ay tatak Pinoy.

            Family Oriented. Tinataglay ng mga Pilipino na masasabing dahilan kung bakit patuloy na pinagpapala ng Poong Maykapal ang ating bansa. Pamilya na tumutukoy hindi lamang sa sariling pamilyang pinangarap na mabuo kundi maging sa kinalakihan mong pamilya o ang tinatawag na extended family. Halimbawa, ay ang pag-aasawa mo na sana’y bumubukod ka na at may sarili ng tahanan ngunit mas pinipili mo pa ding magkasama sa iisang bubong ang iyong pamilya at naunang pamilya; nanay, tatay at mga kapatid na gayundin ang magiging gawi sa oras na sila’y mag-asawa na din. Lubos ang pagmamahal sa kinalakihang pamilya na hindi magawang iwan kahit kinakailangan. Masayang nagsasama at nagtutulungan. Ika nga “the more, the merrier”.  

            Relihiyoso. Nakakambal na sa ating mga Pilipino ang pagkilala sa Dakilang Lumikha. Bago pa man dumating ang mga Kastila ay napag-alaman na natin ang kaalaman tungkol sa pagsamba ng ating mga ninuno sa araw, buwan, mga bituin, karagatan at halaman at maging  mga bato na kanilang isinasagawa bilang pagkilala sa mga bagay na ito na para sa kanila ay natatangi, iginagalang, at nirerespeto. Ang pagiging relihiyoso nating mga Pilipino ay nananatili pa rin hanggang sa kasalukuyan. Umunlad at Lumawak. Ang mga Pilipino ay masasabing relihiyoso anuman ang mga paniniwalang kanilang isinasagawa at patuloy na pinaniniwalaan.

            Ang wika ng Pilipino ay Filipino. Ang Pilipino ay binubuo ng maraming pulo. Bawat pulo ay binubuo ng mga taong may iba’t ibang dayalektong gamit. Upang hindi mawala ang pagkakaisa at tatak Pinoy ay nagkaroon ng isang wikang gagamitin ng lahat ng Pilipino saanmang sulok ng Pilipinas. Ang wikang Filipino ay nararapat alam, kayang isalita at ginagamit. Sa usaping ito, hindi isinasantabi ang ibang dayalektong nakilala na rin sa ating bansa; Kapampangan, Bikolano, Bisaya, Hiligaynon at marami pang iba. Wikang Filipino, tunay na tatak Pilipino.

            May pagpapahalaga sa Pakikisama, Utang na Loob at Pakikipagkapwa Tao. Pakikisama. Malimit naipapakita ng isang Pilipinong nalayo sa kaniyang pamilya. Sisikapin niyang makasundo ang mga taong nasa kaniyang paligid. Kahit na may mga bagay na hindi mo gusto sa isang particular na tao ay pipilitin mo pa ding makaagapay sa kanila. Utang na Loob. Ang isang Pilipinong natulungan ay kahit kailan ay hindi makalilimot na ibalik ang kabutihang nakamit niya galling sa taong tumulong sa kaniya. Pakikipagkapwa Tao. Nasa isipan sa tuwi tuwina na lahat ng taong nakasasalamuha mo ay may kaugnayan o may maidudulot saiyo. Importante sa mga Pilipino ang magandang pakikitungo at pagmamahal sa kapwa dahil sa paniniwalang ito ang isang bagay na maibabahagi nila na hindi kailanman kukupas.

            Hospitable. Tayong mga Pilipino ay may ugaling hindi maitatanggi. Subukan mong bumisita sa bahay ng Pilipino at matitikman mo ang pag-aasikasong hindi mo mararanasan sa ibang bahay na ang namamalagi ay ibang lahi. Kahit ang mga pagkaing minsan lamang inihahanda at kinakain ng pamilya ay walang pag-aalinlangang inihahanda at ipinapakain sa mga bisita. Maging  ang bagong higaan na hindi pa nagagamit sa loob ng bahay ay ipinapagamit sa bisita maging komportable lamang. Hindi sa pagyayabang. Iyan talaga ang mga Pilipino.

            Masiyahin. Ang mga Pilipino ay hindi nahihiyang ibahagi ang kanilang ngiti sa harap ng mundo. Kaya nga, hindi mo mababanaag sa isang Pinoy na siya ay may mabigat na palang suliranin dahil siya’y nakangiti. Tumatawa. Humahalakhak. Kaya madalang magkasakit. Matagal kung tumanda.
            Matatalino. Katangiang natural na hindi kinakailangang pag-aralan bagkus ay gisingin, paunlarin at pagyamanin. Maraming mga Pilipino ang kilala sa pagiging imbentor na talaga namang hindi lang pang nasyonal kundi maging sa internasyunal. Ang kanilang mga imbensyon na hindi lamang sa Pilipinas ginagamit at tinatangkilik ngunit higit sa ibang bansa. Hindi malayong yumaman ng husto ang ating bansa dahil sa mga bagong teknolohiyang napag-alaman at matutuklasan pa kung magiging matibay at buo an gating pagsuporta.

            Tunay na ang mga Pilipino ay kakaiba sa ibang mga lahi sa mundo. Liban sa pisikal na aspeto kundi higit sa kultural, sosyal, ispiritwal, emosyonal at intelektwal na katangian. Kaya naman, walang dahilan upang ang ating lahing Pinoy ay hindi ipagmalaki. Maging isang Pilipino hindi lamang sa salita kundi higit sa gawa. Kaya mo ba?

            Ngayon, muli ko kayong tatanungin, Sino nga ba ang mga Pilipino?

            Ako, Kayo, Tayo ba ay Pilipino?

            Maninindigan ka ba sa pamamagitan ng salita?

            O patutunayan na lamang sa  paggawa?    


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento