Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SANAYSAY para sa Politikong nangangampanya. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SANAYSAY para sa Politikong nangangampanya. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Oktubre 8, 2011

Pilipino tungo sa Tagumpay

Ni: Judy A. Belleza


Alam naman nating lahat na tayong mga Pilipino ay likas na matiyaga at masipag. tayo rin ay matatalino at magagaling, biniyayaan tayo ng Maykapal ng maraming katangian, ilan lamang doon ang aking mga nabanggit kanina, upang paunlarin ang ating mga sarili, upang paunlarin ang ating bansa at upang ipakilala sa buong mundo na tayo ay mga Pilipino, PILIPINO na matagumpay.


Ang mga katangian nating ito ang tutulong sa atin, kaya naman ating paunlarin at gamitin ang mga ito. Hayaan ninyong maging isa ako sa mga taong tutulong sa inyo upang paunlarin ang mga katangian nating ito, upang sabay-sabay nating mapaunlad ang ating bansa at makilala tayo sa buong mundo bilang isang maunlad na mamamayan na may maunlad na bansa.


Nasabi ko kanina na likas sa ating mga Pilpino ang pagiging magaling at matalino, totoo po ito. Kaya naman nais kong tumulong na paunlarin pa ang likas na katangian nating ito sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga gusali sa ating mga pampublikong paaralan. Nais ko ring mapaunlad ang ating katalinuhan sa pamamagitan ng pagdodoneyt ng mga libro at pagpapatayo ng mga silid-aklatan na tiyak kong makatutulong sa ating mga kabataan na nag-aaral.


Sa ating mga kabataan na hindi makapag-aral dahil sa kahirapan, inihahandog ko po sa inyo ang aking programa para sa mga Iskolar ng bayan, sa pamamagitan ng programang ito ay makapag-aaral na ang mga kabataan na salat sa yaman ngunit mayaman naman sa katalinuhan. Sa ating mga kababayan na masisipag at matitiyaga tulad ng ating mga magulang na namo-mroblema dahil sa pagkakatanggal sa trabaho inihahandog ko po sa inyo ang mga bagong trabaho na tiyak na makatutulong hindi lamang sa inyong pamilya kundi pati narin sa ekonomiya ng ating bansa.


Napakarami ko pa pong mga plano tungo sa ikauunlad ng ating bansa at ng ating mga sarili, ngunit hindi po nating makakamit ang mga ito at ang tagumpay kung hindi po tayo magtu-tulungan. Kaya naman po nandito ako ngayon, humihingi ng tulong sa inyo sa pamamagitan ng inyong mga boto sa susunod na eleksyon, dahil ang susi ng ating tagumpay ay ang pag-tutulungan, kaya naman po ngayong eleksyon pairalin po nating ang ating paguugali na bayanihan. Iyon lamang po, mabuhay tayong mga Pilipino at maraming salamat sa inyo.

Huwebes, Setyembre 29, 2011

Nang Mamatay ang Pilipinas

Ni Leonilyn C. Palaran

Namamatay ang Pilipinas sa tuwing hindi natin inaalagaan ang kanyang likas na yaman.

Namatay ang Pilipinas nang pinabayaan nating maka-apekto sa ating kaugalian ang masasamang katangian ng kultura ng mga mananakop na dayuhan.

Namatay ang Pilipinas nang kinukurakot ng mga pulitikong Pilipino ang edukasyon para sa bagong Kabataan.

Namatay ang Pilipinas nang ikahiya ito at ipinagsigawan sa buong mundo ang sirang katangian nito sa buong mundo ng mga taong inaruga at pinasilong nito.


Wala nang matitira sa Pilipinas higit pa kung wala na ito. Ngayon pa lamang ay ramdam na natin ang bagsik ng ganti ng inang kalikasan sa simpleng pagsikat ng araw ay maaari kang mag kakanser, sa simpleng pag-ulan ay bumabaha agad sa Metro Manila. Masagana sa Likas na yaman ang Pilipinas bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas ay hinangad na ng mga ito ang ating kalikasan sa paniniwalang dito nila matatagpuan ang Moluccas o ang lupain ng mga pampalasa upang maging rekado sa kanilang mga putahe. Noon ay itinuturing na mahal ang halaga ng mga pampalasa. Sa katunayan, dito sumikat si Peter Piper o Pierre Poivre na isang horticulturist.Sa paghahangad ni Peter Piper na maging mura para sa mga ordinaryong mamamayan ang pampalasa ay pinakyaw niya ang mga pampalasa sa mga pamilihan, pinalago sa kanyang halamanan at ipinamahagi sa mga mamamayan.

Gayun din, bago pa man dumating ang mga kastila ay nakikipagkalakal na ang ating mga ninuno ng perlas sa mga dayuhan mula sa katimugang bahagi ng ating bansa, ang Sulu. Naging tanyag ang Sulu sa mga mangangalakal mula sa Borneo, Kambodya, Tsina , Haba at Sumatra. Hindi ko nga rin akalain na ganito pala kayaman ang Pilipinas kung hindi lamang sa pagbabasa ko ng libro ng kasaysayan ni G. Teodoro A. Agoncillo. Nakakalula palang dati ay tinitingala tayo ng ibang bansa pagdating sa yamang mahuhugot natin mula sa ating mga lupain idagdag mo pa iyan ang Spratly’s group of isle. Kung sabagay, noong panahon ni Panguong Marcos ay nagkaroon din tayo ng masagananang ani ng mga bigas at ini-export pa natin sa bansang tulad ng Vietnam na kagagaling lang sa giyera. Bago pa man ito, sa Panahon ni presidente Diosdado Macapagal ay nagkaroon ng kakulangan sa ani ng bigas ngunit umangat ang ating bansa sa termino ni P.Marcos. Subalit kung titinignan mo ang kasalukuyang sitwasyon, bakit nagkaganoon? Tayo na ngayon ang nagpapa-import ng bigas dahil sa sinasabing kakulangan ng mga lupang sakahan, binhi, magasaka at pananalasa ng sama ng panahon. Tila ang bansa ng Vietnam na giniyera ng amerika 25 taon na kamakailan lamang ay higit na maunlad higit pa sa ating bansa na tila lalong nalulugmok sa dusa na ginyera 5 dekada na ang nakararaan. Tila mabagal ang pag-usad,subalit kung nakaya natin noon, bakit hindi natin gawing posible muli ngayon?
Idinadahilan ng ilan na mahirap na itong gawing makatotohanan sapagkat malupit na ang hagupit ng inang kalikasan. Paanong hindi lulupit, eh kung makaputol ng puno sa kagubatan at makapagmina ay walang habas ilegal, basta kumita lamang ng salapi, bahala na ang evacuation center kapag bumagyo kinabukasan. Kung magiging responsible lamang sana tayo sa ating kapaligiran, kung nagnanais tayong bumuti ang pamumuhay sa ating pamayanan, tayo’y magkakaisa sa muling pagbuhay sa namatay nitong kalikasan.
Wala nang natirang Pilipino sa Pilipinas. Ang iba ay umaalis, karamihan nama’y ikinahihiya ang lahing kanilang pinagtubuan. Hindi raw sila Pilipino at patuloy ang pagyakap sa kultura ng ibang bansa gayung sila ay ang inaayawan na nito. Narito sa Pilipinas ang giyera. Pilipino laban sa Pilipino, naguungasan, mga ipokrito, hindi patriotiko. Nawa’y mawala na sa Pilipinas ang mga Pilipino subalit hindi pagka-Pilipino ang tumubo sa kaisipan nang sa gayon ay hindi na nasasaktan ang bansang kanilang sinilangan .Sila ay yaong isinuka na ang kanilang nasyonalismo, naumay na sa sistemang papogian ng mga pulitiko at sawa na sa hatakan pababa ng kapwa nila Pilipino. Kung tayo-tayo mismo ang magsisiraan sa tuwing nakikita natin na umuunlad ang isa nating kababayan, bakit hindi natin asikasuhin ang ating sarili para tayo rin ay umunlad at ipagmalaki ng bansang Pilipinas?
Higit pa sa ating pamilya, ang bansang ito ang nag-aruga sa atin noong tayo ay musmos pa lamang. Kung wala ang mga mamamayan nito ay hindi maaaring maging buo ang ating pagkatao. Kung wala ang kalikasan nito ay mahihirapang tayong maghanap ng paghuhugutan ng makakain sa araw-araw nating mamuhay. Kung wala ang mga taong nagturo sa atin upang mabuhay ng mapayapa sa bansang ito ay hindi lalago ang ating kaisipan ukol sa mundo.

Subalit halos lahat ng bihasa sa iba’t ibang larangan ay nangingibang bansa kaya naman ang mga natitira ay yaong mga wala pang kasanayan at wala nang natira upang magturo sa kabataang dapat sanayin upang maging produktibong mamamayan. Walang masama sa paghahangad ng pansamantalang mangibang bayan. Aminin mo man o hindi, lahat tayo ay naghahangad na umunlad sa aspetong pinansyal para sa ating pamumuhay. Oo, may pag-asang umunlad dito sa Pilipinas subalit matatagalan lalo pa sa mga hindi gaanong mataas ang edukasyong nakamtan samantalang kung ikaw nga naman ay mangingibang bayan ay mas malaki ang sweldo kahit ikaw ay domestic helper lamang. Walang masama kung ikaw ay isang OFW na naghahangad ng pag-unlad para sa iyong pamilya ang mahalagang anggulo ng pangingibang bayan ay maiambag ng mga ito ang kanilang natutunan sa mga naging karanasan at pakikisalamuha mula sa ibang lahi. Maaaring makasagap tayo ng kultura ng ibang bansa. Ngnit wala namang masama kung makakuha man tayo ng kulura at kaugalian ng ibang lahi sa katunayan, maaaring sa panggagaya ay makabuo ng bagong malikhaing kultura. Subalit marapat pa rin nating alalahanin na higit na mahalaga ang pamantayan ng mga Pilipino para sa mabubuting kaugalian natin

Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon para sa isang matinong edukasyon. Sa ating bansa, ang edukasyon ay opurtunidad para sa may sapat na salapi, para sa may mga nakatayong paaralan sa kanilang pamayanan. Kung minsan, nakakainis ang sistema ng pagbibigay ng budget para sa edukasyon ng ating bansa. Isa sa matibay na patunay nito ay ang budget cut noong nakaraang taon kung saan higit na malaki ang halaga na nakukuha ng militar subalit kapag tinanong mo ang mga sundalo na ipinadadala sa mga liblib na lugar at nagbubuwis ng buhay ay kakatiting lamang ang sweldo at kulang ang insentibo. Patunay kasi ng mas mataas na budget sa militar ang pagiging kasunod lamang ng edukasyon bilang prayoridad ng ating estado.Subalit kung lahat ng Pilipino ay diplomatiko, edukado at may sapat na impormasyon para sa pakikitungo sa kapwa at pambansang pagkakaisa, hindi na kinakailangan pang magbarilan ng Pilipino sa kapwa Pilipino.Hindi na kailangang mag-aksaya ng gobyerno ng bala para patayin ang mga subersibong kababayan,.Hindi na kinakailangan pang magtungo sa ibang bansa para hanapin ang mabuting kapalaran,sa Pilipinas ay sapat ang trabaho para sa mga mamamayan nito.

Ang mga british dictionaries ay naghahayag na ang katumbas na kahulugan ng salitang Filipina ay Domestic Helper bunga na rin ng pagdami ng mga Pilipinang ini-export para sa dolyares. At isa ang kakulangan ng matinong edukasyon ang dahilan.
Wala sa ibang bansa ang laban para sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Hindi ibang lahi ang magtatanggol sa ating sariling bayan.
Kung ang tayo ay aalis, kung ating ikahihiya ang ating lahi, kung ating isusuka ang ating kultura, sino pa ang matitira? Upang itaboy ang mga mapanirang kaugalian? Upang ipagtanggol ito sa mga mananakop na dayuhan? Upang pagyamanin ang kanyang ekonomiya, at kultura?Upang pangalagaan ang kalikasan?

Nasa ating kamay ang pag-asa. Kung lahat lamang ng Pilipino ay magkakaisa sa pagbuo ng matatag na pundasyon ng ating kalikasan, kultura at ekonomiya paniguradong hindi na kailangan pang mangibang bayan ng ibang Pilipino, ibuwis ang buhay para sa kakarampot na kita sa ibang bansa.

Miyerkules, Setyembre 28, 2011

OPO, Pilipino ako!





Ni: Karen Fababeir




Mga kababayan, narito PO ako sa inyong harapan, tumatayo bilang isang tapat na tagapaglingkod ninyo, nangangako na magsisilbi ng buong puso at paglilingkuran kayo hanggang sa abot ng aking makakaya.


Magkakasama PO nating hinarap at haharapin ang kahirapan ng ating bansa. Pare-pareho PO nating naranasan ang mga problema at sakuna na dumating sa ating bansa. At ngayon, narito PO ako upang ialay ang aking buhay upang simulan ang pagbabago at ang pag-unlad natin mula sa putik ng kahapon.


Mga minamahal kong kababayan, ngayon nap o ang simula, ako, ikaw at tayong lahat. Magsama-sama PO tayo sa pag-unlad.


Tayong mga Pilipino PO ay likas sa pagiging magalang. Tinuruan PO tayo ng ating mga ninuno ng mga paraan ng pagiging magalang at ito ay ang paggamit ng PO at OPO. Ito po ay isa sa tanda ng paggalang natin sa mga nakatatanda. OPO, Pilipino ka, kung gumagamit ka ng PO at OPO. Isa pa PO ay ang pagmamano sa mga nakatatanda. Ito PO ay mahalagang turo n gating mga ninuno, mga Lolo at Lola, at mga nanay at tatay.


Ako PO ay tinuruan ng aking Lola ng ganitong asal. Tinuruan PO nya ako na gumamit ng PO at OPO kapag nakikipag-usap sa mas nakatatanda. Ang katapatan ay isa din PO sa mahahalagang turo ng aking Lola. Huwag manlamang sa kapwa at ang maging isang tapat na lingcod ng Diyos. Mga minamahal kong kababayan, kailanman PO ay hindi ko magagawang manlamang sa iba. Tumatayo PO ako sa inyong harapan bilang isang tapat at magalang na mamamayan. Masasabi ko PO na isa ito sa mga bagay na aking maipagmamalaki at isa ito sa mga bagay na maaari kong ipantapat sa aking mga kalaban. Isa akong purong Pilipino, taglay ko ang mga bagay na ito. Hindi tulad ng aking mga kalaban.


Ang kabutihang-asal at ang magagandang gawi ay ang una dapat nating tinitignan sa isang tao. Makikilala PO natin ang isang tao sa kanyang paraan ng pananalita. Ang mabuting ugali PO ay replika ng pagiging mabuting tao. Isang taong tapat, magalang at may pakialam sa bayan ang kailangan ng bansang ito. Kaya’t sama-sama po tayo sa pag-unlad at pag-angat bilang isang bansang may pagkakaisa at may galang at respeto sa isa’t-isa.




Kumilos ka!


Ni Princess Joy C. Ragsac


                Nahuhubaran at panipis na ng panipis ang lantay na pagkalahi ng mga Pilipino. Sa pagdating ng mga mananakop sa ating bansa, marami itong mga naiwang latak na kinagisnan na nating mag Pinoy. Kung tutuusin, may mga iniwan itong kaugalian na makabubuti sa atin, ngunit di maipagkakaila na may masasamang dulot din ito lalo na sa paghubog ng ating pagkatao. Mga di mabubuting kaugalian ang sumakop at unti-unting nadedebelop sa ating sarili. Tila nababalot na ng maitim na imahe na nagmula sa mga mananakop ang lahing Pilipino.

          Di na maitatanggi na laganap na sa atin ang pagiging ningas kugon. Iyong tipong maalab sa pagsimula subalit habang tumatagal nawawala ang ating sigla. Patunay na nga dito ang buhay ng estudyante. Dumarating ang pagkakataon na sa paggawa ng proyekto, sa  simula ay masipag at habang tumatagal ay nawawalan na ng gana. Wala pong pagkakaiba ang kaugaliang ito sa tulad kong pulitiko. Opo, alam kong tumatak na sa isipan ninyo ang ganitong pagtingin sa katulad ko. Dumarating kasi ang pagkakataon na ang mga platapormang inihahain sa inyo ng mga kandidato ay tila sa umpisa lang maganda at kapag nakaupo na sa pwesto tila nakalimot na.
          Isa rin sa nakasasama sa atin ay ang pagigiing utak kolonyal kung saan magpasahanggang ngayon nananatili pa rin sa atin. Mas higit nating pinahahalagahan ang likha ng iba imbis na ang sarili nating gawa. Kung mapapansin, karaniwan itong makikita sa mga kabataan ngayon na tila manghang-mangha sa produkto ng ibang bansa. Gayundin naman ang iba, mas nanaisin pang tangkilikin ang mga produktong ika nga nila e imported ngunit di napapasin ang produktong Pinoy. Dapat susugan  ng ating gobyerno ang ganitong pagiisip. Kung patuloy nating mas higit na tatangkilikin ang produkto ng iba, paano na aangat ang ating bansa?

          Pilipino! Gumising ka! Ang mga kaugaliang ito ay di natin dapat ipagpatuloy. Maging mulat sa pagkakamaling ginagawa mo. Bilang isa sa aking mga pangako, hindi ko nanaisin ang mga ganitong kaugalian na atin nang nakasanayan. Di po ito makatutulong sa paghubog ng ating pagkatao. Asahan ninyo na di ko bibiguin ang aking pangako sapagkat pangunahing layunin ng aking pagtakbo ang paunlarin ang bansang ito.

          Sisimulan ko ito sa simpleng pagbabago. Iiwasan ko ang pagiging ningas kugon at gayun na din ang utak kolonyal.  Ang pag iwas sa pagiging ningas kugon ay unti- unting makapagpapaunlad ng ating pagkatao gayundin ng ating bansa. Mananatili akong masigla sa pagbibigay serbisyo sa inyo kung hahayaan ninyo akong maging parte ng pagpapaunlad sa bansang ito. Susuportahan ko din ang anumang gawa ng pinoy. Taas noo kong tatangkilikin ang produktong gawa natin. Alam ko na sa paguumpisa kong ito, unti-unting uunlad ating bansa. Kaya suportahan ninyo ako sa pagtakbo kong ito, at sa simpleng pagbabagong gagawin ko, tiyak uunlad din tayo.