Sabado, Oktubre 8, 2011

Ganito kita Pinaikot

Ni Leonilyn Palaran

Ganito na sana ang Pilipinas na iyong maaabutan
Sa pagmulat ng iyong mga mata sa Perlas ng silangan
Mga nagkalat Sanggano’t magnanakaw
Sa Quiapo at Cubao,
Wala ka nang makikitang
May trabahong disente at matino ang paraan ng pamumuhay
Ang bawat Pilipino.

Ganito na ang Pilipinas na iyong maabutan
Sa pagsamyo sa ganda ng kalikasan
Kapag umulan, bumabaha agad sa metropolitan
Malawak na polusyon ang bumabalot sa buong kalunsuran
Wala ka nang matatamansang
Puno at halamang tunay, hindi artipisyal
Nakapalibot sa buong kapaligiran

Ganito na ang Pilipinas na iyong maabutan
Sa pag-abot ng rurok ng tagumpay ng isang kabataan
Pinapatay ang pangarap ng kanilang kamusmusan ng bagong Pilipino
Na mga taong ang hilig ay hilahin pababa ang mga progresibo
Wala ka nang matatanaw
Mga pilipinong naghahabi ng sariling pangarap
Nagpapanatili ng kaisipan ng pagiging tunay na makabayan
Ang bawat Pilipino

Ganito ang Pilipinas na iyong maabutan
Sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng ating sintang Pilipinas
Mga gahaman, monopolyo ang negosyo sa lahat ng lalawigan
Mga mapang-mata, hindi binibigyang pagkakataon na gumanda ang buhay ng iba
Wala ka nang maoobserbahan na
Pinapaunlad ang sarili, gayundin ang pamumuhay ng kababayan
Umuusbong ang bagong ideya at kaisipan
Sa bansang pagkakaisa ang pangangailangan


Ganito na ang Pilipinas na iyong maaabutan
Walang maipagmamalaki ang sariling pagkatao,
Walang kwenta ang pagiging Pilipino
Sapagkat wala nang pilipinong nagsasambit na
“Pilipino ako! Pilipinas ang Pinagmulan ko!”
Ganito ang ating pinagsisigawan
Habang tayo mismo’y umuunlad sa sarili nating bayan

Ganito kita pinaikot
Pumasok sa iyong bibig, nginuya at inibig
Hanggang sa ang puso mo, ito’y umabot
Paunti-unti hanggang ika’y masuka at tiyan mo’y kumirot
Kailangang baligtarin ang pagbasa mula sa huli hanggang unang taludtod
Ang tulang ito na aking hinabi sa isip at damdamin
Ganito kita pinaikot

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento