Sabado, Oktubre 8, 2011

Jeepney=)

NI: J. A. Luis

Ihip ng hangin na dumadampi sa aking mukha. Malakas na tugtog na aking naririnig. Mga tawanan na siyang gumising sa akin. At may biglang tumabi sa aking kanan… nasa dyip nga pala ako.

Tuwing umaga ako’y mag-isa at iba’t-iba ang nakakasama. Mga kasama na hindi ko naman kilala. Sa dyip, iba’t-iba ng klase ng tao ang makakasama mo. May mga mukhang mabait, masungit, at walang pakialam.

Ang nasa harapan ko.. emo. Bakit? Itim na itim eh. Yung nasa kanan ko… saleslady. Ang ayos ng buhok at ang kapal ng make-up (natural lang yun). Ang nasa tabi naman ng driver… call center agent. Naka-jacket kahit medyo maiinit, tulog at may headphone. Sa bandang dulo naman ng dyip… PUPian. Naka-P.E. kasi eh. Makikita na sa simpleng pananamit at ayos ay makikilala mo sila, malalaman ang kanilang propesyon at ito ang kanilang mga pagkakakilanlan.

May dalawa ulit na sumakay. Ang lalaki…matangkad, matangos ang ilong, maputi, at maganda ang mga mata. Ang babae naman, tama lang ang tangkad, matangos ang ilong at blonde ang buhok. Ano sila sa tingin mo? Mga Amerikano. Isa pang patunay ay noong nagsalita sila, ibang-iba kapag Pilipino ang nagsalita.

Marami na ang bumaba at sumakay. Medyo malayo pa ako. Pero may napansin ako sa driver… paborito si Justin Bieber. Paano ba naman, mula ng sumakay ako hanggang ngayon ay puro sa kanya ang kanta. Hindi mo naman masasabi na sa radyo yun kasi tuloy-tuloy ang kanta.

Habang tumatakbo ang dyip, lumilipad naman ang aking isip. Hindi ko alam kung dahil sa wala lang akong kasama o… inaantok lang. mahilig akong tumingin sa labas ng dyip kahit na araw-araw ay paulit-ulit lang ang aking nakikita. Ang napapansin ko lang, unti-unti ng nawawala ang mga pagkakakilanlang Pinoy. Hindi mismo sa tao dahil kahit anong mangyari ay hindi na ito mawawala. Kung hindi, sa mga bagay na nakapaligid sa tao. Mga bagay na hindi naman natin pagkakakilanlan.

Ang byahe sa dyip ay isa sa mga byahe na dapat mong maranasan. Byahe na magpapakita ng mga bagay na dapat mong malaman. Ang dyip na pagkakakilanlan mismo ng mga Pilipino. Tayo na’t sumakay at maglakbay kasama ang dyip ni Juan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento