ni: Princess Joy C. Ragsac
Bilang isang Pilipino na nakatira sa iisang bansa at patuloy na nagkakaisa sa mga hangarin, responsibilidad nating alamin ang anumang may kinalaman sa atin. Di na maitatanggi na namulat tayo sa iba’t ibang mga bagay at pangyayari ng ating bansa. Habang tayo ay lumalaki, namumulat tayo sa kasaysayan ng bansang ating kinabibilangan.
Sino ba naman ang hindi nakakaalam ng ating pambansang sagisag? Hindi ba’t habang tayo ay lumalaki, ipinaaalam ito sa atin? Sapagkat ang bawat sagisag na ito ay syang nagpapaalala sa atin ng nakaraan. Kung mapapansin, ang mga katangian ng ating mga pambansang sagisag ay sumisimbulo din sa bawat isa sa ating mga Pilipino. Kung saan ipinakikita nito ang pagkakailanlan ng bawat isa sa atin.
Unahin na natin ang pambansang hayop na kalabaw kung saan kilala sa pagigigng masipag at matiyaga. Kung iisipin, ang kalabaw at ang mga Plipino ay may magkakatulad na pag-uugali, un na nga ang pagiging masipag at matiyaga sa kanilang mga gawain. Di alintana ang mga paghihirap na pagdaraanan maging matagumpay lang sa inaasam. Kung ang kalabaw ay nagsusumikap mag-araro matulungan lang ang kaniyang amo, ang mga Pilpino nama’y may sipag at tiyaga sa pagtatrabaho para sa sarili niya o di kaya’y para sa pamilya.
Sumunod, ang mga pambansang kasuotan. Ang Baro’t saya na sa itsura nito’y di maipagkakaila na ang mga Pilipina ay konserbatibo. Tila balot na balot at halos di na makita ang buong katawan ng magsususot nito. Sa haba ng saya ay maging ang talampakan ay di na matanaw. Ang Barong Tagalog naman na para sa mga lalaki ay nagbibigay dangal rin sa atin sapagkat sa tuwing isinusuot ito, naipapakita ang paggalang sa sarili. Ang mga disenyo ng ating pambansang kasuotan ay di maitatangging gawa ng mga Pilipino. Kung titignan ang anyo nito, magugunita na taglay nating mga Pinoy ang pagiging malikhain sapagkat naisip nating gumawa ng maisususot mula sa hinabing pinya at iba pang mga kagamitan na nagbunga ng isang magandang likha. Kabana-banaag sa mga disenyo nito ang puspusang paghihirap na binuwis ng mga taong nasa likod ng pag gawa nitong ating pambansang kasuotan.
Dako naman tayo sa ating pambansang puno, ang Narra. Matibay. Sing tibay ng punong Narra ang kalooban ng bawat isa. Anumang pagsubok ang dumating tiyak ito’y ating kakayanin. Malakas at matibay ang loob ng mga Pilipino na siyang maihahalintulad sa ating pambansang puno. Sa tuwing may dumarating na sakuna, ang narra ay nananatili pa ring matibay at matatag, gayundin naman ang mga Pinoy, gaano man kalaking pagsubok ang harapin, magagawa natin ‘tong lutasin. Isa pang katangian ng puno ng narra ang pagiging kapaki-pakinabang. Hindi ba’t sa punong ito madalas nagmumula ang ating mga upuan, lamesa, at iba pang kagamitan? Masasabi kong kapaki-pakinabang din ang mga Pinoy, kung tutuusin kayang kaya nating ang anumang gawain. Magampanan ang anumang naka-atas sa atin sapagkat taglay natin ang pagsusumikap para sa ikauunlad ng sarili. Flexible nga kung tawagin, yung tipong kahit di iyon ang nakasanayan mong mga gawain, magagawa mo pa rin sapagkat iyon ang iyong mithiin.
Mataas ang aking pangarap. Alam kong ganun din ang sa inyo. Kaya gusting-gusto kong inihahalintulad ang isang agila sa ating mga Pilipino, dahil alam ko at naniniwala ako na gaya ng isang agila, darating ang araw na lilipad tayo ng napakataas at unti unti nating maabot ang rurok ng ating tagumpay. Ngunit, sa pag-abot ng ating tagumpay, tulad ng ating pambansang ibon, di pa rin natin nalilimutang umapak sa lupa kung saan mayroon pa rin tayong taglay na pagiging mapagpakumbaba na siyang susi sa patuloy na pagkamit ng ating mga pangarap.
Hindi ba’t nakatutuwang isipin na ang mga pambansang sagisag ang syang sumisimbulo sa atin? Natitiyak kong na sa tuwing maaalala ninyo ang mga sagisag na ito e magugunita din sa isipan ninyo ang mga katangiang taglay nating mga Pilipino. Kaya’t sikaping ipagmalaki ang ating mga pambansang sagisag sapagkat sa tuwng ginagawa natin ito ay parang tayong mga Pilipino na rin ang ating ikinararangal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento