Sabado, Oktubre 8, 2011

Lovely Polyn Supsup para Mayor


NI : Lovely Polyn R. Espina
                Magandang umaga po mga kapwa ko Batangueño’t Batangueña. Alam ko pong marami na sa inyo ang nakakikilala sa akin. Sa mga hindi pa po, hayaan po ninyong ipakilala ko ang aking sarili.
                Ako po ay si Lovely Polyn Supsup na tunay na Batangueña, hindi po kagaya ng ibang kandidato na pupunta lang dito kapag nangangampanya. Ako po ang nag-iisang anak ng gobernador, Gob. Manuelito Supsup. Alam ko pong maraming humanga/humahanga sa aking ama pagdating sa larangan ng pamumuno at inaamin ko po, isa ako sa “dying fan” niya.
                Sa nakalipas po na tatlong taon na pamumuno ng ating mayor ay masasabi ko pong marami akong nakitang kakulangan --- kakulangan sa seguridad laban sa mga masasamang loob, kakulangan sa pinansyal na suporta sa edukasyon at medisina, at marami pang iba. Gayundin, marami din po akong nakitang kapabayaan --- kapabayaan sa kalusugan ng mga kababayan natin sa bawat baranggay, kapabayaan sa mga taong patuloy na gumagawa ng ilegal na aktibidad gaya ng pagpapatayo ng pasugalan at sabungan, at higit po sa lahat ang kapabayaan sa mga lugar na madalas na binabaha.
                Sa mga kamalian po na nakita ko ay nagdesisyon po ako na tumakbo bilang mayor ng ating nagdurusang bayan. Nais ko pong magbigay ng seguridad gaya ng pagtatalaga ng kapulisan sa bawat barangay upang magbantay sa mga magnanakaw lalo na po sa gabi’t madaling-araw. Sa pinansyal naman po na suporta sa medisina partikular sa ating mga lolo’t lola, 5% po sa tubo na kikitain ng aming kumpanya ang ibibigay ko. Nais ko din pong magtayo ng “Health Center” at ospital na 75% lamang ang sisingilin sa inyo. Pagdating naman po sa ilegal na aktibidad, asahan ninyo pong gagawin namin ang lahat makulong lamang ang mga taong nasa likod nito. Sama-sama po nating buwagin ang mga ilegal na pasugalan at sabungan dito sa ating bayan. Ipinangangako po ng aming partido na basta gumawa ng katiwalian ay siguradong mananagot sa batas, wala pong kama-kamag-anak. Kung edukasyon naman po ang inyong pinoproblema ay huwag na po kayong mangamba sapagkat sa isang linggo po’y sisimulan na ang paggawa ng paaralan malapit sa ating simbahan. Sinadya ko pong ipatayo iyon doon upang sa tuwing matatapos ang klase ng mga estudyante ay makadadan man lamang sila sa ating simbahan. Marami na kasing kabataan ang bihira nalang pumunta sa simbahan. Sa usapan naman po ng kalamidad magbibigay po ako sa bawat barangay ng mga “lfe vest”, “lubid”, “ rescue boat” at maging “flashlight”. Maglalagay din po ako ng “bell” sa mga barangay na madaling bahain partikular na sa mga lugar na malapit sa ilog/dagat nang sa gayon po ay alam ninyo kung dapat na ba kayong lumikas. Huwag po kayong mangamba sapagkat magtatayo din po ako ng “evacuation center” sa bawat barangay.
                Mga kababayan, pagod na ba kayo sa paghihintay sa pagbababago? At ngayon ay ipinangangako ulit? Alam ko pong hindi kayo bulag para hindi makita ang mga katiwalian ng dating pinuno at maaaring gawin muli nila/niya. Panahon na po para sa pagbabago! Atin na pong iboto Lovely Polyn Supsup para mayor pati na rin po ang aking mga mapagkakatiwalaang konsehal ng bayan. “Bumuto po tayo dahil alam nating sila’y mapagkakatiwalaan at hindi puro daldal.”
                Tandaan po natin, hindi sa kasarian ng tao masusukat ang kanyang kagalingan. Minsan kung sino pa ang inaakala nating walang kakayahan ay iyon pa ang nakagagawa ng mga bagay na para sa atin ay mahirap. Babae man po akong ituring ay kaya ko pong pantayan o higitan pa ang mga nagawa ng ating dating pinuno.  Huwag na po tayong magpadala sa mga mabubulaklak na salita nila na wala naman pong nagawa kundi ang mangako.
                Muli po magandang umaga sa inyong lahat, Lovely Polyn Supsup para mayor.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento