Noong hayskul pa lamang ako, nagpasya na akong pagiging arkitekto ang tatahakin ko, dahil sa hilig at interes ko sa pagguhit at pakiramdam ko, ito ang tinitibok ng puso ko. Nabuo na sa isipan ko na magiging magiginng mahusay akong arkitekto. Ako ang magdidisenyo ng matataas na gusali, mahahaba at magagandang mga tulay at maging ang aking titirhan balang araw. Naniwala ako na magiging matagumpay ako sa buhay dahil sa pagiging arkitekto.
Subalit gumuho ang pangarap ko nang hindi ako napasama sa kursong nais ko, ang BS Architecture dahil nauubusan na ako ng pwesto. Ang sakit. Nanlumo ako. Nalungkot. Pakiramdam ko wala na akong pag-asa. Nakayuko, nakasimangot at walang imik nang biglang may lumapit sa akin, isang lalaking hindi katangkaran, inabutan ako ng isang maliit na piraso ng papel kung saan malaking nakasulat ang Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya (Bachelor of Arts in Filipinology). Sa pagkakataong ‘yon AB Theatrical Arts at BS Education nalang ang iba ko pang pagpipilian bukod sa ABF. Napaisip ako at napatanong sa sarili, “ito nab a?” Dahil paborito ko naman ang asignaturang Filipino noong nasa elementary at hayskul pa lang ako, napagdesisyunan kong ang kursong ito nalang ang pipiliin ko. Mababaw na dahilan pero ito lang ang nagging daan upang makumbinsi ko ang sarili ko na tama ang nagging pasya ko.
Nang sinimulan ko nang pag-aralan ang kurso, nasabi ko sa sarili ko na “ang hirap palang pag-aralan ang kursong dindi mo mahal”. Sa panahon kasing iyon, kumbaga sa bunga, bubot pa lang ako, baguhan, hindi pa namumulat. Ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ng wika. At ito ako ngayon, nasa ikalawang taon na. Nagising na ang damdamin. Mula na. Mahal ko na ang kurso hindi lang dahil may mga tunay at tapat na kong kaibigan kundi dahil na rin ganap ko nang natanto ang layunin ng kursong ito. Salamat sa aking mga dalubguro na nagbukas ng aking isipan. Gayundin sa mga kapwa ko ABF na nagging inspirasyon ko para ipagpatuloy ito.
Binago ako ng kursong ito. Dahil ditto, mas minahal ko ang Pilipinas, ang bansang umaruga sa akin. Marami akong natutunan. Naging bukas ang aking isipan sa mga kulturang Pilipino. Nakilala kong lubos ang bansang aking sinilangan. Sa wakas, napansin ko na ang Inang Bayan na matagal nang nagpapapansin sa mga anak niya… mga anak niyang nalimutan na siya dahil nahuhumaling sa mga kumikinang na gintong inaalok ng ibang MAUNLAD na bansa na patuloy nilang tinitingala at hinahangaan.
Kasama ang mga kapwa ko ABF, isusulong namin at itataguyod ang paggamit ng sarili nating wika sa lipunang unti-unti nang nilalamon at inaagaw ng ibang lahi. Tutulungan naming ang mga taong may malalang karamdaman na kung tawagi ay “colonial mentality”. Tutulungan naming baguhin ang mangmang na pananaw ng maraming Pilipino na ang wikang Ingles ay wika ng mga matatalino samantalang ang wikang Filipino ay wika ng mga indio. Ipababatid naming sa kanila na higit ka pa sa indio kung mismong sarili mong wika ay hindi mo kilala.
Sa pag-aaral ko sa kurong ito, napagtanto ko na maaari pa rin akong maging arkitekto; subalit sa pagkakataong ito ay higit pa sa mga gusali, tulay at bahay ang ididisenyo ko, ito ay ang pagbabago ng mga Pilipino. Magdidisenyo ng mataas na pagtingin ng mga Pilipino sa sarili nating bansa. Magdidisenyo ako ng maka-bansang Pilipino na magiging tulay ng ating pagsulong. At magdidisenyo ako ng magandang kinabukasan ng Pilipinas. Magiging arkitekto ako ng pagbabago.
Naniniwala ako na kalooban ng Diyos ang pagpasok ko sa mundo ng ABF. Anak N’ya ako, alam kong walang amang kapahamakan ang nais para sa anak n’ya. May magansang dahilang ang Diyos kung bakit kabilang ako ngayon sa ABF.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento