Linggo, Oktubre 2, 2011

Masaya sa aming Baryo

ni: Carina G. Nocillado
Isang Sanaysay na malaya 

            May banda ng musikong lumilibot sa buong baryo nang umaga. Maraming kabataan ang nasa paligid ng kalsada na tila may mga hinihintay. Puno ang mga palengke ng mga mamimiling hindi magkamayaw at halos ubusin na ang buong pamilihan. Lahat ay abala sa paghahanda, lahat ay may handa sa mesa. Ano kayang selebrasyon ang kanilang pinaghahandaan?

            Sinasabing ito ang paraan ng pasasalamat ng mga tao sa kanilang mga pinaniniwalaang santo dahil sa magandang nangyari sa kanilang bayan sa loob ng isang taon. Ito ay ang piyesta na talaga namang hindi mawawala sa taunang okasyong idinadaos ng mga Pilipino taon-taon. Kung minsan nga ay katatapos pa lamang ng piyesta ay mag-iisip na muli ang mga Pilipino ng bagong ipalalabas sa susunod nilang piyesta sa susunod na taon.

            Dahil talaga namang maraming preparasyon, kasiyahan at nagaganap sa isang bayang nagdaraos ng kanilang kapistahan.

            Mga magarbong handaan sa bawat tahanan. Ang bawat tahanan ay tila nagpapaligsahan sa mga pagkaing kanilang ihahanda sa mesa at gagawin nila ang lahat may maihanda lamang, pag-iipunan o kung hindi naman ay mangungutang. Hindi mawawala sa handaan ang mga bila-bilaong kakanin tulad ng biko, ube, letche plan, cassava at puto. Sa kadahilanang kumakain ang mga Pilipino para mabusog hindi din makaliligtaan ang kanin na sinamahan ng iba’t ibang putahe gaya ng adobo, mechado, menudo, afritada, sisig at ng pambidang letsong baboy, manok at isda. At upang maging kumpleto na ang lahat ng pagkain ay sasamahan pa ito ng panghimagas na minatamis o di kaya’y  ang malamig na fruit at buko salad.

            Siyempre kung may pagkain may kakain.

            Pagbisita ng mga kamag-anak at mga kaibigan. Bawat tahanan ay may bisita na kung minsan ay nagpaparamihan pa. Ngunit sa lahat ng bumibisita at nakikikain mas marami pa rin ang bilang ng mga kaibigan at kapamilyang kung minsan nga ay nanggaling pa sa malalayong lugar. Ika nga nila ito ang kanilang nagiging “reunion”. Sa tuwing may piyesta nagiging bukas ang bawat tahanan sa lahat ng taong bumibisita maging kakilala man o hindi.

            Dahil nga maraming bata sa isang bayan imposibleng sila ay malimutan.

            Maraming palaro para sa mga bata. Halos lahat ng bata ay lumalahok sa mga palaro dahil sa kaakibat nitong premyo. Basagan ng palayok, stop at paper dance, trip to Jerusalem, calamansi relay, ang madulas na agawang buko at ang sinaunang palo sebo. Lahat ay masaya sa panonood sa mga kabataang masaya sa paglalaro. Hindi lang sila natututo na laruin ang mga naturang laro kundi higit dito ay ang pagkakaroon nila ng kaibigan at malakas na pangangatawan.

            Ang pagsapit ng gabi ang pinakamasaya sa selebrasyon  dahil sa dami ng ilaw at tanawin.

            Bukod sa pagsali o di kaya’y panonood sa mga tumatagay na mga tao, bakit di subukan ang ibang magagawa sa gabi ng kapistahan tulad  ng panonood. At mauuna nga sa mga tanawing makikita ang parada ng mga kababaihan.

            Pagkakaroon ng Santacruzan o di kaya’y Flores De Mayo. Naging panata na ito sa tuwing sasapit ang buwan ng Mayo na kadalasan ding buwan ng mga kapistahan sa isang lugar. Gayunpaman, kahit hindi Mayo basta’t may piyesta siguradong mayroon nito. Pabonggahan sa mga makukulay at magagandang kasuotan ang mga dalagita at kanilang mga lakan. Ang mga taong araw-araw mo ng nakikita ay mapapansin mong nag-iba ang hitsura dahil sila ay mas gumanda dahil sa pintura sa kanilang mukha. Ito rin ang panahon ng pagiging mayaman nila dahil sa mga makikinang na alahas na nakasuot sa kanilang katawan. Higit sa lahat, nakatutulong din sa isang dalaga upang mas maging kapansin-pansin ang anyo ng kanilang arko na maaaring pinagtagpi-tagping kahoy at kawayan. Basta’t ang mahalaga ay hindi ito mahalata kaya’t ito’y binabalutan ng makukulay at makikinang na papel at mga bulaklak.

            At kung natapos na ang parada ngunit nais pang magsaya. Mayroon pa namang ibang panooran.

            Mga paligsahan na talaga namang pinaghandaan. Bukod sa mga palarong inihahain sa mga bata mayroon ding mga palaro para sa mga isip bata. May “singing contest” o kundi man ay “dance contest” ngunit kung nagsasawa na ay mayroon din namang “beauty contest” at “gay contest”. Ito ang isa sa mga inaabangan ng mga tao tuwing gabi dahil hindi mawawala ng kaniya-kaniya nilang mga pambato. Mga kalahok na pare-parehong naghahangad na manalo. Ngunit kung tutuusin sa pagsali pa lamang at paghahanda ng gagawing talento ay natatawag na silang panalo. Panalong hindi man pangmateryal kundi higit sa paghubog sa katauhan.

            Ngunit may mga tao din naman na ayaw ng paligsahan sa pagsayaw kundi gusto lamang ang umindak.

            Gabi ng sayawan. Halos lahat ng mga tao ay dumadalo kapag sinasabing mayroong sayawan. Dito kasi ay hindi kailangang mag-ensayo at magaling ka sa pagsayaw kundi nais lamang gumalaw. Ang lugar na madalas pagdausan nito ay sa plasa na dinedekorasyunan ng makukulay na papel at makikintab na mga palamuti. Hindi mo kailangang sumayaw ng may grupo sapat na ang mag-isa dahil dito mo masusubukan ang iyong sarili pagdating sa pakikitungo sa kapwa.

            Kung pagod na sa pagsasayaw bakit hindi subukan ang mamangha at ma-relax naman.
            Pagkakaroon ng mga perya. Kakaiba ang mga peryang ito sa ibang mga perya dahil ito ay hindi permanenteng nakikita sa kanilang lugar kundi sa mga araw lamang  na may kapistahan. Sakay ng isang malaking trak ang mga larong bida sa isang perya at lumilibot sa iba’t ibang lugar. Ngunit bukod sa pagsakay sa kilalang “ferries wheel” at “merry go round” marami pa ding mga bagay na magagawa at mapaglilibangan dito. Maaari kang bumaril ng mga bote o ng mga laruan para makakuha ng mga regalo, hulaan kung saang kulay titigil ang roleta at tayaan ito, bumunot sa mga numero upang makakuha ng premyo, maghagis ng barya para dumoble, bumili ng card at magbinggo at magbayad ng barya upang makakit ng mga kakaiba gaya ng sirena. Kapag marami ka  ng perang napanalunan maaari ka ng bumili ng makukulay na sisiw, malilikot na mga dagang kosta, pato o kung ayaw mo ng may buhay ay maaaring lobo. Kung nagutom man ay sa peryahan makabibili ka din ng cotton candy, sorbetes, mani at popcorn.

            Sa piyesta makararanas ng mga karanasang hindi malilimutan dahil sa dulot na kasiyahan.

            Ngunit hindi naman hinihintay at kailangang hintayin ng mga Pilipino ang kapistahan ng kanilang lugar upang makaramdam at magbigay ng kasiyahan.

            Dahil ang totoo ang mga Pilipino ay likas na maalalahanin, masayahin, talentoso at magaganda na hindi na kailangang i-ensayo at paghandaan pa para lamang lumabas.

            Sabihin na lang natin na pandagdag na lamang ang piyesta dahil sa may respeto at pagpapahalaga ang mga Pilipino sa kasaysayan, sa mga bayani at santong pinaniniwalaan nilang nanirahan sa kanilang bayan kaya nagkakaroon ng parangal at iyon nga ay ang Piyesta.           

1 komento:

  1. kung hindi ako nagkakamali...ay F imbes na P kng tumutukoy sa NATIONALITY AT WIKA...FILIPINO dapat(syensya na, nangati lng ako)

    TumugonBurahin