Tulad ng ilang Pilipino, noon ay ikinahihiya natin ang kursong ating pinasukan.
Nahihiya tayong sabihin na tayo napasok sa larangang nagsasagawa ng pag-aaral sa ating pambansang wika, ang Filipino, nahihiya sa pagiging Pilipino. Bukod pa sa minsang nakabubulol ang pagbanggit ng “ Filipinology” at pagsagot sa bawat taong nagtatanong kung ano ang aming kurso at nakahihingal na paglalahad ng maikling deskripsyon nito sa kasunod na tanong nila na “ano yon?” na tila awtomatiko na pagbinanggit ang nakabubulol na kataga. Hindi rin natin batid kung ano nga ba ang kahalagahan kung bakit kailangan pang pag-aralan ang iba’t ibang dinamiko sa wikang Filipino at kung ano ang maaari nitong maging tulong sa pag unlad ng pamumuhay ng ating lipunan.
Tunog walang kwenta kasi ito sa tainga ng mga kaklase natin noong highschool lalo na sa mga hindi nakababatid sa larangan ng linggwistika. Gayundin ang pagka-pilipino. Noong bata ako, palagi kong naririnig sa mga Tita ko na mas maganda ang naging pamumuhay nila habang nasa Amerika. Kaya naisip kong higit na malakas pantawag atensyon kung ang nasyonalidad mo ay Amerikano. At sa tuwing naglalaro ako ng mga laruang galing sa Amerika, mas maraming kalaro ang nagpupunta sa bahay para makilaro ng Polly house, Spaghetti dolls at Disney princesses na uwi ng mga tita ko mula sa abroad. Kaya napagtibay ko na tunog may kwenta kung pagiging amerikano ang pag-aralan ko. Americanology kumbaga. Subalit habang lumalago ang aking kaalaman, nagkaroon ng isang tanong sa aking isipan kung bakit natin kinakailangang pag-aralan ang pagiging amerikano kung mismong sa kanilang bansa ay walang isinasagawang pag-aaral para sa sarili nilang identidad?
Sa aking pagtugon sa Americanology ay napag-alaman kong melting pot ng iba’t ibang lahi ang Amerika. Irish, German, Spanish, Jews at humahabol pa sa kanilang populasyon ang mga Pilipino. Subalit tila sapat na sa kanila ang kaalamang ito at nagtutulongtulong bilang iisang lahi para sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay sa sarili nilang bansa. Karamihan sa kanila ay hindi nagpipilit na bumili ng damit na mamahalin, hindi nais manggaya ng ibang lahi. Praktikalidad, orihinalidad at kumpiyansa sa sariling pagkatao ang pinaiiral .
Ubusan ng Slot. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nabuo ang ABF 2-1 sa kasalukuyan. Hindi natin akalain ang eksistens ng kursong ito liban na lang nang mabasa ito sa SIS para makapamili ng kursong gustuhin. Maski ang aking kilay ay napa-angat at nasambit ang mga katagang “ Hala, meron palang ganun!?” sabay kamot ng buhok ,tanda ng pagkagulat. At hindi akalain na sa programang ABF pala mapapadpad. Tulad ng isang Pilipino habang nasa sinapupunan pa lamang ng ating ina, hindi natin alam ang takbo ng kapalaran. Hindi natin batid kung ano ang magiging nasyunalidad natin pag tayo na’y isinilang at hindi pa natin alam kung ano ang dahilan ng pagbibigay buhay sa atin ng Diyos at ang misyon na ating gagampanan sa kanyang kaharian.
Nakapasa tayo ng PUP kung kaya’t murang matrikula at de kalibreng edukasyon ang inaasahan. Ayaw nating biguin ang ekspektasyon ng ating mga magulang. Lalo na ang mga kabataang nais makapagtapos ng pag-aaral ngunit utak lamang ang puhunan upang magtagumpay, PUP ang pag-asa upang may magandang kahantungan sa buhay. Wala nang slot nang tayo na ang kakapanayamin sa kolehiyong nais nating pasukin. Mayroon tayong pagkakataong pumili, ang isugal ang kinabukasan at tumalikod na lamang sa hamon ng pamantasan o di kaya’y isugal ang ating mga papeles sa kung anong kurso ang mapag-disketahan.
Sa pag-ayaw na biguin ang mga magulang na pagmamanuan pagdating sa bahay at sa takot na walang kahantungan sa buhay, mas mabuti na desisyong ating ginawa na harapin ang hamon ng pamantasan. Sayang din naman kasi ang murang matrikula at de kalibreng edukasyon na alay ng PUP kung ipagpapalit sa kilalang kurso sa isang pribadong paaralan kung saan paniguradong mahal ang matrikula ang babayaran ng ating mga magulang.
Maaari tayong umalis sa programang ABF subalit ang mga alaala at leksyon sa buhay ay mananatili pa ring nakaaapekto sa ating pamamaraan ng pamumuhay. Gayundin ay maaari nating tanggalin sa ating birth certificate at visa na Filipino ang ating nasyonalidad sa pamamagitan ng paggawa ng mga legal na aksyon at pagpetisyon sa naturalisasyon sa ibang bansa. Subalit hindi mo pa rin matatanggal sa dugong nananalaytay sa iyong mga ugat na Pilipino ang lahing pinagmulan mo.
Masasabi kong ang pagiging ABF ay pagpapaka-Pilipino. Sapagkat isinalang-alang natin ang praktikalidad sa buhay at pinansyal na kakayahan ng ating pamilya. Orihinalidad, Marami nang akda sa larangan ng Linggwuistika kung kaya’t mas matindi na rin ang isinasagawang pag-aaral ng mga linggwista dito dahil sa bolyum ng bawat akda ay hinahanap ang orihinalidad na isinagawa ng awtor Iba’t ibang lugar ang aming pinagmulan, iba’t ibang paniniwala ang dinadasalan subalit nagkakaisa sa mga Gawain.. Orihinal ang ABF sapagkat magkakaiba ang aming pananaw sa buhay subalit nagkakaisa sa pagkamit ng pangarap na tagumpay .At marami pang brilyanteng akda ang maiaambag ng mga magsisipagtapos ng AB Filipinolohiya sa larangan ng Linggwistika at pagdaloy nito sa lipunan bilang pangunahing wikang ginagamit ng mga Pilipino.
Ang kumpiyansa sa sarili ang higit nating dapat hubugin sa pagsasanay dito sa ating pamantsan gayun din ng mga Pilipino sa sarili nilang pagkatao Nang sa gayon ay hindi tayo nagkakahiya ng ating pagkatao. Ikinahiya man namin noon ang aming kurso, subalit habang tumatagal ay nagkakaroon na rin ng puwang sa ating puso ang linggwistika at pamayanang Pilipino. Ganito rin ang Pilipino, pinaiiral ang praktikalidad, orihinalidad at kumpiyansa sa sariling pagkatao. Hindi mahalaga kung anong uri lahi sa Pilipinas ang pinagmulan, ang mahalaga ay naka-aambag tayo sa higit na mabuting pamumuhay ng susunod pang henerasyon ng Pilipino.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento