Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SANAYSAY na para sa klase at kay mam Apigo. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SANAYSAY na para sa klase at kay mam Apigo. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Oktubre 8, 2011

Ang Pagka-Pilipino ay tulad ng Pagka-ABF

Ni Leonilyn Palaran
Tulad ng ilang Pilipino, noon ay ikinahihiya natin ang kursong ating pinasukan.
Nahihiya tayong sabihin na tayo napasok sa larangang nagsasagawa ng pag-aaral sa ating pambansang wika, ang Filipino, nahihiya sa pagiging Pilipino. Bukod pa sa minsang nakabubulol ang pagbanggit ng “ Filipinology” at pagsagot sa bawat taong nagtatanong kung ano ang aming kurso at nakahihingal na paglalahad ng maikling deskripsyon nito sa kasunod na tanong nila na “ano yon?” na tila awtomatiko na pagbinanggit ang nakabubulol na kataga. Hindi rin natin batid kung ano nga ba ang kahalagahan kung bakit kailangan pang pag-aralan ang iba’t ibang dinamiko sa wikang Filipino at kung ano ang maaari nitong maging tulong sa pag unlad ng pamumuhay ng  ating lipunan.
Tunog walang kwenta kasi ito sa tainga ng mga kaklase natin noong highschool lalo na sa mga hindi nakababatid sa larangan  ng linggwistika. Gayundin ang pagka-pilipino. Noong bata ako, palagi kong naririnig sa mga Tita ko na mas maganda ang naging pamumuhay nila habang nasa Amerika. Kaya naisip kong higit na malakas pantawag atensyon kung ang nasyonalidad mo ay Amerikano. At sa tuwing naglalaro ako ng mga laruang galing sa Amerika, mas maraming kalaro ang nagpupunta sa bahay para makilaro ng Polly house, Spaghetti dolls at Disney princesses na uwi ng mga tita ko mula sa abroad. Kaya napagtibay ko na tunog may kwenta kung pagiging amerikano ang pag-aralan ko. Americanology kumbaga. Subalit habang lumalago ang aking kaalaman, nagkaroon ng isang tanong sa aking isipan kung bakit natin kinakailangang pag-aralan ang pagiging amerikano kung mismong sa kanilang bansa ay walang isinasagawang pag-aaral para sa sarili nilang identidad?
        Sa aking pagtugon sa Americanology ay napag-alaman kong melting pot ng iba’t ibang lahi ang Amerika. Irish, German, Spanish, Jews at humahabol pa sa kanilang populasyon ang mga Pilipino. Subalit tila sapat na sa kanila ang kaalamang ito at nagtutulongtulong bilang iisang lahi para sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay sa sarili nilang bansa. Karamihan sa kanila  ay hindi nagpipilit na bumili ng damit na mamahalin, hindi nais manggaya ng ibang lahi. Praktikalidad, orihinalidad at kumpiyansa sa sariling pagkatao ang pinaiiral .
Ubusan ng Slot. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nabuo ang ABF 2-1 sa kasalukuyan. Hindi natin akalain ang eksistens ng kursong ito liban na lang nang mabasa ito sa SIS  para makapamili ng kursong gustuhin. Maski ang aking kilay ay napa-angat at nasambit ang mga katagang “ Hala, meron palang ganun!?” sabay kamot ng buhok ,tanda ng pagkagulat. At hindi akalain na sa programang ABF pala mapapadpad. Tulad ng isang Pilipino habang nasa sinapupunan pa lamang ng ating ina, hindi natin alam ang takbo ng kapalaran. Hindi natin batid kung ano ang magiging nasyunalidad natin pag tayo na’y isinilang at hindi pa natin alam kung ano ang dahilan ng pagbibigay buhay sa atin ng Diyos at ang misyon na ating gagampanan sa kanyang kaharian.
          Nakapasa tayo ng PUP kung kaya’t murang matrikula at de kalibreng edukasyon ang inaasahan. Ayaw nating biguin ang ekspektasyon ng ating mga magulang. Lalo na ang mga kabataang nais makapagtapos ng pag-aaral ngunit utak lamang ang puhunan upang magtagumpay, PUP ang pag-asa upang may magandang kahantungan sa buhay. Wala nang slot nang tayo na ang kakapanayamin sa kolehiyong nais nating pasukin. Mayroon tayong pagkakataong pumili, ang isugal ang kinabukasan at tumalikod na lamang sa hamon ng pamantasan o di kaya’y isugal ang ating mga papeles sa kung anong kurso ang mapag-disketahan.
Sa pag-ayaw na biguin ang mga magulang na pagmamanuan pagdating sa bahay at sa takot na walang kahantungan sa buhay, mas mabuti na desisyong ating ginawa na harapin ang hamon ng pamantasan. Sayang din naman kasi ang murang matrikula at de kalibreng edukasyon na alay ng PUP kung ipagpapalit sa kilalang kurso sa isang pribadong paaralan kung saan paniguradong mahal ang matrikula ang babayaran ng ating mga magulang.
                Maaari tayong umalis sa programang ABF subalit ang mga alaala at leksyon sa buhay ay mananatili pa ring nakaaapekto sa ating pamamaraan ng pamumuhay. Gayundin ay maaari nating tanggalin sa ating birth certificate at visa na Filipino ang ating nasyonalidad sa pamamagitan ng paggawa ng mga legal na aksyon at pagpetisyon sa naturalisasyon sa ibang bansa. Subalit hindi mo pa rin matatanggal sa dugong nananalaytay sa iyong mga ugat na Pilipino ang lahing pinagmulan mo.
              Masasabi kong ang pagiging ABF ay pagpapaka-Pilipino. Sapagkat isinalang-alang natin ang praktikalidad sa buhay at pinansyal na kakayahan ng ating pamilya. Orihinalidad, Marami nang akda sa larangan ng Linggwuistika kung kaya’t mas matindi na rin ang isinasagawang pag-aaral ng mga linggwista dito dahil sa  bolyum ng bawat akda ay hinahanap ang orihinalidad na isinagawa ng awtor Iba’t ibang lugar ang aming pinagmulan, iba’t ibang paniniwala ang dinadasalan subalit nagkakaisa sa mga Gawain.. Orihinal ang ABF sapagkat magkakaiba ang aming pananaw sa buhay subalit nagkakaisa sa pagkamit ng pangarap na tagumpay .At marami pang brilyanteng akda ang maiaambag ng mga magsisipagtapos ng AB Filipinolohiya sa larangan ng Linggwistika at pagdaloy nito sa lipunan bilang pangunahing wikang ginagamit ng mga Pilipino.
Ang  kumpiyansa sa sarili ang higit nating dapat hubugin sa pagsasanay dito sa ating pamantsan gayun din ng mga Pilipino sa sarili nilang pagkatao Nang sa gayon ay hindi tayo nagkakahiya ng ating pagkatao. Ikinahiya man namin noon ang aming kurso, subalit habang tumatagal ay nagkakaroon na rin ng puwang sa ating puso ang linggwistika at pamayanang Pilipino. Ganito rin ang Pilipino, pinaiiral ang praktikalidad, orihinalidad at kumpiyansa sa sariling pagkatao. Hindi mahalaga kung anong uri lahi sa Pilipinas ang pinagmulan, ang mahalaga ay naka-aambag tayo sa higit na mabuting pamumuhay ng susunod pang henerasyon ng Pilipino.

Simulan mo ABF!

ni: Princess Joy C Ragsac


Sa patuloy na pagsayaw ng aking panulat, muling nanumbalik sa akin ang mga simpleng karanasan na nakapagpatunay na isa nga akong Pilipino. Nasasariwa ko ang mga pangyayari kung saan di man sadyain, naipapakita ko ang mga tatak ng bawat Pilipino. Alam ko na hindi ako nag-iisa, naramdaman ko na kayo din, kasama ko kayo sa patuloy na pagsasagawa ng mga kaugalian kung saan kilala tayong mga Pilipino.

Naaalala niyo pa ba yung panahon na nasa hayskul pa lamang tayo? Iyong panahon kung saan kinakailangan na nating maghanap ng mga unibersidad na maaari mapasukan sa pagtungtong natin sa kolehiyo. Nagtiyaga ang bawat isa sa atin na maghanap ng mga iba’t ibang paaralan na maaari nating mapasukan. Hanggang sa dito nga tayo napunta, sa unibersidad na ating kinabibilangan ngayon, ang PUP.

Sino ba naman ang makakalimot sa napakahabang pila na ating napagadaanan. Mula sa pagpasa ng mga kahingian para makakuha ng permit sa pag-eexam o yung tinatawag na PUPCET hanggang sa pagpasa ng mga kahingian na kinakailangan upang ganap na na makapasok sa unibersidad na ito. Ang lahat ay nagsumikap na mag-aral at muling sariwain ang mga napag-aralan sa simula pa lamang na maaaring lumabas sa nasabing exam. Natitiyak ko na ang lahat sa atin ay lubusang natuwa nang malaman na tayo ay maaari ng pumasok sa isa sa pinakapinagmamalaking pamantasan dito sa ating bansa, ang PUP. Napagdaanan natin ang napakahabang pila na tila walang hangganan dahil sa napakaraming mag-aaral ang nagnanais makasama dito. Naaalala ko noong araw na kinakailangan ng ipasa ang mga kahingian upang ganap na mapabilang na sa paaralang ito, napakahabang pila ang napagdaanan ng bawat isa sa atin ngunit nagtiyaga pa din tayo at di natin alintana ang mga paghihirap na ito dahil bawat isa sa atin ay minimithi ang makapasok dito. Yan ang pinoy, may tiyaga at nagsususmikap sa anumang gawain para lng sa inaasam na mithiin.

Naalala ko rin yung araw na tinanggap ko ang kursong ito. Aminado ako na napilitan lang ako sa ginawa ko, kaya sobrang nalungkot ako noong araw na yon sapagkat hindi talaga ito ang nais kong kurso. Maluha-luha akong umuwi sa aming bahay at nang tanungin ako ng aking mga magulang, nalaman nilang di ko nakamit ang nais kong kurso, ngunit nariyan pa rin sila para suportahan ako. Dito ko naramdaman ang matibay na pagbubuklod buklod ng pamilya kung saan nariyan pa din ang ka-pamilya mo, susuportahan at kalian man di ka iiwan. Alam kong ilan sa inyo ganito rin ang naramdaman sa araw na iyon. Ganito na rin ang nananatili sa ating silid. Para na tayong isang pamilya, magkakapatid, at ang mga guro naman ang nagsisislbing mga magulang na nagtuturo ng mga dapat nating taglayin. Sama-samang nating hinaharap ang mga problema na darating. Bagamat di tayo magkaka-dugo, tila pamilya pa rin tayo kung maituturing. Ang ganitong pag-uugali na kilala sa tawag na mahigpit na pagbibigkis ng pamilya ay kilala na sa ating mga Pilipino.

Isa rin sa mga di ko malilimutang pangyayari ang unang araw ng klase. Ang lahat ay maingay masayang nagtatawanan, at tila lahat ay may gusto ng kursong ito. Ngunit, sa tuwing dumarating ang mga guro na nagtatanong kung ito ba talaga ang nais naming kurso, bakas sa mukha ng lahat ang kalungkutan. Nangangahulugan lang ito na talagang masiyahin ang mga pinoy. Anumang pagsubok o problema na darating, nakukuha pa ring ngumiti at magsaya. Isa pa sa mga pangyayaring makapagpapatunay nito ang minsang makakuha ng mabababang marka sa pagsusulit, o di kaya’y mababang marka sa buong semester. Sa umpisa ay lubusang nalulungkot dahil sa pangyayaring ito ngunit maya-maya lamang ay makikita na ang mga ngiti sa bawat labi at sasambitin na lamang ang katagang, “babawi na lang ako sa sususnod”. Talaga nga namang malalakas ang loob ng bawat isa sa atin at kailanman di nawawalan ng pag-asa.

Bilang mag-aaral ng kursong Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya, tayo ang nangungunang magpalaganap ng wikang Filipino, ang ating native language. Darating ang araw at tayo naman ang magtuturo sa ibang henerasyon ng mga ganitong kaugalian, magiging matagumpay gaya ng gurong nagtuturo sa atin ng kursong ito. Sa pagtatapos ng semester, mahihiwalay nanaman tayo sa isang guro na nagbahagi ng kaalaman niya sa atin. Parang isang magulang na hahayang tumayo sa sariling paa ang mga anak niya matapos turuang maglakad.

Yan ang mga simpleng bagay na di man sadyain, naipapakita pa din natin ang mga kaugaliang tumatak sa bawat isa sa atin. Kaya patuloy nating isapuso ang mga kaugaliang ito at gayun na din ang mga itinuro ng ating guro na nagsilbing ating magulang. Dito pa lamang, naipapalaganap na natin ang mga identidad ng ating lahi. Ipinagmamalaki natin ang bagay na mayroon tayo. Nakatutuwang isipin na ang mga mag-aaral na nasa loob ng silid na ito ang siyang nagbibigay daan upang di tuluyang makalimutan ang mga kaugaliang pinoy na nagmarka sa bawat isa. Ipagpatuloy natin ang landas na ito. Ipagmalaki na tayo ay ABF! Mga mag-aaral na kailanman di kalilimuatan ang mga pagkakakilanlan ng pinoy.. ABF, simulan natin! Ang itinuro sa atin ay wag nating kailanman kalimutan. Tayo ang magunguna!

Huwebes, Setyembre 29, 2011

PANLILIGAW NG PINOY

Ni: Karen Fababeir


Isang pagbati ng magandang umaga, para sa mga minamahal kong kamag-aral at dalubguro. Narito ako ngayon upang talakayin ang isa sa mga identidad nating mga Pilipino .

Alam nyo ba na hinahangaan tayong mga Pilipino sa pamamaraan natin ng panliligaw? Dahil tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal, lahat ay gagawin natin para sa ating mga minamahal. Sino ba namang hindi nakakaalam ng kasabihang ito. “Ang pag-ibig nga naman kapag pumasok sa puso ninuman hahamakin ang lahat masunod ka lamang”.


Totoo nga ito sa ating mga Pilipino, lalo na sa mga manliligaw na Pilipino. Ang sarap talaga magmahal ng isang Pilipino. Alam nyo ba noon o siguro ay may mangilan-ngilan paring gumagawa nito ngayon sa mga probinsya. Ang mga manliligaw na lalaki, bukod sa panghaharana ay marami pang pagsubok na pagdadaanan bago makuha ang matamis na OO ng kanyang irog. Ang mga pagsubok na ito ay kinakailangan niyang mapagtagumpayan bilang patunay ng kanyang pagiging tapat sa minamahal at upang mapanalunan ang puso ng minamahal.


Alam nyo ba na bago pa maging magkasintahan ang dalawang nagmamahalan ay marami munang pinagdadaanang pagsubok ang lalaki. Sa umaga pa lamang , kailangan na niyang ipag-igib ng tubig ng tubig sa poso o kaya ay sa balon ang pamilya ng kanyang sinta. Mula sa malayong balon o poso maka-ilang beses siyang iigib ditto at hindi pa ditto natatapos ang kanyang kalbaryo, pagkatapos mag-igib ay kinakailangan pa niyang magsibak ng kahoy na gagamitin na panluto. Hindi lang yan, marami pa siyang bagay na dapat gawin bilang patunay ng kanyang pagmamahal sa kanyang sinta. At hindi lamang ito isahng araw, sapagkat hangga’t hindi niya napapabilib ang ama ng kanyang sinta ay patuloy niya itong gagawin.


Tunay nga na para sa pag-ibig ay gagawin natin ang lahat. Nawa ay hindi mawala sa atin ang ganitong konsapto. Nawa ay mayroon pa ring mga Pilipino na nagpapatuloy ng ganitong tradisyon. Masakit at nakalulungkot lang isipin na hindi na ito ginagawa ng karamihan sa ating mga kalalakihan sa panahon ngayon. Ngayon, TEXT na ang ginagamit na pamamaraan ng panliligaw at hindi na nagpapakita ng pagpupursigi sa panliligaw. Kapag hindi agad sinagot ay susuko na kaagad. Nawawala na ang pagiging matiyaga at nagiging mainipin na at hindi na marunong maghintay.

Miyerkules, Setyembre 28, 2011

Ipinagbibili: IMPORTED NA IDENTIDAD

Ni: Judy A. Belleza


Tayong mga Pilipino, hindi natin maipagkakaila na
mahilig tayo sa mga bagay na imported. Mapa-damit
man yan , sapatos, mga gamit na pampaganda ng mukha
at katawan, mga gamit na de kuryente, mga gamit na de
baterya, mga aksesorya at pangkolorete, pabango,
alahas, pagkain, maging sa ating mga sipilyo at toothpaste.
gusto natin brand new, gusto natin branded at higit sa
lahat yung Imported.


Imported, yung mga bagay na gawa sa ibang bansa at may
pangalan, yung bang puwedeng ipagmayabang sa iba na
kapag sinabi mong made in U.S.A, made in Japan, made in
London, made in.... etc. ay biglang mapabubulalas ng
"WOW" ang mga taong kausap mo. Iyan ang alam at gasgas
na pakahulugan nating mga Pilipino sa mga Imported na
bagay.


Pero bakit nga ba? Bakit nga ba tayong mga Pilipino ay
mahilig sa mga bagay na Imported? Para sa ano?
Para masabing sosyal ka kapag nakita ng iba na
Imported ang gamit mo? Para ipangalandakan na
marami kang pera at kaya mong bilhin ang mga bagay
na mahal tulad ng branded at Imported na gamit?
O para lamang magmayabang? O baka naman may mas
malalim pang dahilan?


Lingid sa ating kaalaman na habang tinatangkilik natin
ang mga Imported na bagay, habanng ginagamit natin
ito sa ating katawan mula ulo hanggang paa ay tinatabunan
natin ang ating tunay na pagkatao, inililibing natin ang ating
tunay na Identidad. Habang bumibili tayo ng mga Imported
na bagay ay bumibili rin tayo ng bagong pagkatao at Identidad
na pamalit sa ating tunay na Identidad.


Ang mga Locally made na gamit, na sinasabi ng karamihan sa atin
na "Cheap" at ang iba naman ay diring-diri na parang may dalang
epidemya ang mga bagay na ito, na kung dustahin natin ay ganoon
na lamang. Parang hindi pinaghirapan ng kapwa natin Pilipino, parang
hindi galing sa atin. Ang mga bagay na ito ay SARILING ATIN. Hindi
ba natin maisip na habang dinudusta natin ang mga produkto na
SARILING ATIN ay parang dinusta na rin natin ang ating mga sarili,
kaya nga tinawag natin itong SARILING ATIN, dahil ito ang represen-
tasyon ng ating mga sarili, ng ating pagkatao, ng ating katalinuhan, ng
ating kagalingan at higit sa lahat ang mga bagay na ito na tinatawag nating
"cheap" ay representasyon ng ating sariling Identidad. Kaya ang resulta
ng walang humpay na pagdusta at 'di pagtangkilik sa mga produktong
sariling atin ay... Presto!.. ang patuloy na paglaho nito... ang patuloy
na paglaho ng ating Identidad.


Sadyang napakalaki ng naging impluwensya ng mga Imported
na bagay. Nilalason nito ang ating mga pag-iisip, nililinlang nito
ang ating mga mata, nilalamon nito ang ating mga sarili, nginu-
nguya, tinutunaw ang bawat himaymay ng ating pagkatao at
isinusuka tayo.
Isinuka tayo na iba na ang ating pagkatao, iba na ang ating Identidad,
iba na ang ating mga sarili. Iba na dahil, kapag humarap ka sa
salamin , hindi na natin kilala ang repleksyon na ating nakikita, at
wala man lang maaninag na pagaalinlangan sa mukha ng repleksyon
na iyon, dahil ginusto nating magiba, ginusto nating maging katulad
nila, ginusto natin bumili ng Imported na Identidad.