Ni: Judy A. Belleza
Ating bisitahin ang tahanan ni Juan..., doon makikita ang buong pamilya, si lolo, si lola, si tito at tita, si pinsan, si inay at itay, si ate at kuya pati na rin si bunso. Kaya nga kadalasan ay tinatawag silang "The Extended Family", siguro kasi paborito nila ang kasabihang "The more, the merrier", kaya natitiyak kong magugustuhan mo ang pagbisita sa kanila, dahil sa mainit na pagtanggap nila sa iyo.
Nandiyan yung labis-labis kung pagsilbihan ka, ang walang humpay na pagbigay ng merienda at "bottomless" na panulak. Nandiyan din yung sa kabila ng pagkakaroon ng masikip na tahanan, pinapatuloy ka pa rin at binibigyan ng komportableng mauupuan kahit sa lapag na lang sila nauupo, laging nakatapat sa iyo ang "Electric Fan" kahit nagkakandahirap silang magpaypay sa kanilang mga sarili dahil mainit.
Madasalin din ang pamilya ni Juan, kaya nga sa loob ng tahanan nila ay may makikita kang maliit na altar o kung hindi naman ay maliliit na pigurin ng Birheng Maria at ni Hesukristo na may mga nakasabit na bulaklak ng sampaguita at rosaryo. Tuwing linggo naman ay sabay-sabay na magsimba ang buong pamilya, malakas kasi ang pananalig ng pamilya ni Juan sa Diyos.
Kapag may okasyon naman, kaarawan , anibersaryo, pasko o bagong taon, sobrang ingay naman sa tahanan ni Juan. Dahil sa mga kalalakihang hindi lang nag-iinuman kundi nagkakantahan pa gamit ang pinakamalakas na "volume" ng kanilang karaoke o kung hindi naman ay bidyoke. Mahilig kasing kumanta ang pamilya ni Juan, kahit wala na sa tono, eh... tuloy parin sa pagbirit buong magdamag.
Puno din ng masayahing tao ang tahanan ni Juan, dahil kahit bagyuhin man sila ng sangkatutak na problema, bayuhin man sila ng unos ng kahirapan at bahain ng pagsubok sa buhay ay may makikita ka pa ring ngiti sa mga labi nila. Buhay na yata nila ang pagtawa kahit nasa gitna man sila ng nag-uumpugang problema. Tulungan din sila sa paglutas ng mga problema, walang solohan, kaya naman napagtatagumpayan nila ang lahat ng mga pagsubok na dumarating, kaya rin siguro malapit sila sa isa't isa parang kapag may umalis na isa sa miyembro ng pamilya ay sobra ang pangungulila nila.
Ito ang tahanan at pamilya ni Juan, sigurado ako na aaraw-arawin mo ang pagbisita sa kanila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento