Hindi pa man ganap ang liwanag sa buong bayan
Sinisimulan na nilang tahakin ang bagong araw
Bago nilang araw na di lang laan sa kanilang pamilya
Kundi sa kanilang buong sambayanan
Mga magsasakang hatid ay biyaya sa ating mesa
Mga taong di alintana ang mabilad sa araw
O ang pagyuko ng matagalan
Ang malubog ang mga paa sa putikan
Ang masugatan ang buong katawan
At kahit ang pagkalam ng sikmura ay maranasan
Kaagapay nila ang kanilang itim na alaga
Na tinuturing na pambansang hayop ng Pilipinas
Sa pag-aararo ng kanilang bukirin
Pagsisigurong maganda ang kanilang pananim
Sa pagkakaroon ng magandang ani
Ngunit kahit anong sipag at tiyaga
Ang kanilang ipamalas sa araw-araw
Hindi pa rin mawawala ang sila’y maalipusta
Malugmok sa putikang kinalulubugan nila
Mapaalis sa bukirin kahit anong oras pa
Lahat ng hirap ay kanilang kakayanin
Mapatapos ang kanilang mga anak
Sa paniniwalang sila ang kanilang pag-asa
Upang makaahon sa putikan ng kanilang buhay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento