Ni: Judy A. Belleza
Sa aking Ina na nagluwal sa akin sa mundong ito bilang isang Pilipino, mabuhay ka. Nang dahil sa iyo ako ay naging isang natatanging mamamayan mo at ang aking tinatangi ay ikaw lamang at wala ng iba. Ang Nagkalinga sa amin at nagbigay ng masisilungan sa tuwing ang panahon ay hindi maipinta, ang kumupkop sa aking sa kabila ng pagiging hindi tapat at pag-iwan sa iyo.
Nariyan ka lamang tahimik na nagmamasid at nagbabantay sa aming mga anak mo. Isinilang mo ako sa mundong hindi patas ang pagtingin sa buhay, bilang isang Pilipino, matatag, matalino, masayahin at higit sa lahat ay may mabuting loob. Lumaki ako sa piling mo na masipag at matiyaga upang mabuhay, dahil itinuro mo sa akin na walang karapatang mabuhay ang mga taong tamad, kaya naman kailangan ay maging kayod kalabaw kami.
Hindi ko pinagsisihan ang kulay na ibinigay mo sa akin sa halip ay taas noo kong ipinagmamalaki ang kulay na ito, dahil ang kulay na ito ay ang kulay ng taong matagumpay sa buhay, ang kulay na ito ay kulay din ng mga kapatid ko na nagligtas sa iyo laban sa mga mananakop at naging dahilan kung bakit kami ay malayang kang nakakapiling.
Ikaw ang nagturo sa akin ng ating sariling wika, ang unang wikang natutunan ko, ang unang wikang ginamit ko upang maipahayag ang aking mga saloobin at hinaing sa buhay, ang wikang minamahal ko noon at ngayon, ang Wikang Filipino. Sa piling mo rin ako natutong manalig sa Diyos, ang magdasal bago matulog, pagkagising at kapag nakatatanggap ng biyaya ay magpasalamat sa dakilang Maykapal.
Sa mahal kong Ina na nagturo sa akin na huwag maging mapili at maarte na naging dahilan kung bakit may ugali ako ngayong nagkakamay habang kumakain at nagturo sa akin na kapag humihingi ng tulong ang aking kapwa ay huwag mag-alintana na siya ay tulungan na naging dahilan kung bakit ngayon tayo ay may kaugalian na tinatawag nating Bayanihan.
Sa mahal kong Ina na kahit na napakaraming problema ay nariyan pa rin para sumuporta at ang dahilan kung bakit kahit ako ay may problema ay tinatawanan ko lamang dahil alam ko naman na may bukas pang naghihintay sa akin at tutulong na matapos ang mga problema. Sa mahal kong Ina na pinalaki ako bilang isang Pinoy na walang katulad, sa mahal kong Ina na sinilangan ko, sa mahal kong Ina, ang Perlas ng Silangan, ang pinakamalaki at pinakamahalagang perlas sa buhay ko. Salamat at Minamahal kita....INANG PILIPINAS!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento