Ni: Judy A. Belleza
Nagising ako isang umaga, gulat at hindi makapaniwala. Akala ko nananaginip lamang ako, akala ko tulog pa rin ang daiwa ko. Pero hindi pala, totoo pala..., totoo pala ang nakikita ng aking mga mata. Noong una akala ko nasa sa ibang bansa na ko, ang akala ko ibang tao na ang mga dati kong kilala, at ang akala ko wala na ko sa Pilipinas, pakiramdam ko noong mga sandaling ako'y nahihimlay at nagpapahinga, nagslipwok ako at pagdilat ng aking mga mata ay.... BOOM!!! Nag-iba na lahat, nag-iba na sila at nag-iba na ang mundong dati kong ginagalawan.
Oo, tama, hindi ako nanaginip at hindi rin tulog ang aking diwa kundi gising, gising na gising at gulat na gulat. Habang ako'y naglalakad sumagi sa aking isipan na baka nabuhay ang lumang kaisipan ng pananakop sa modernong panahon na aking ginagalawan, ngunit sa panahong ito sabay-sabay sila sa pagsakop sa bansang Pilipinas. Dahil kahit saan ako tumingin, kahit saan ako lumingon, maraming tao ang bago sa aking paningin, may mukhang amerikano at amerikana, may mukhang koreano at koreana, may mukhang hapon, may mukhang italyano at italyana at kung anu-ano pa.
Nagpatuloy ako sa aking paglalakad, habang tinititigan ang mga taong bago sa aking paningin, napansin ko na sila pala ang mga taong dati kong kakilala iba lamang ang kanilang mga kilos at kasuotan. Kaya naman nilapitan ko sila sa pag-asang may makapagpapaliwanag sa akin kung ano ang nangyari sa Pilipinas, ngunit hindi nila ko maintindihan at hindi ko rin sila maintindihan sapagkat iba ang mga salitang namutawi sa kanilang mga labi. Wala... wala talaga akong maintindihan. nagpatuloy pa rin ako sa aking paglalakad at sinubukang lumapit at magtanong sa iba, ngunit ganoon at ganoon pa rin ang nangyayari... hindi kami nagkakaintindihan.
Magdidilim na nang muli akong mapatingala sa kalangitan. Naisp kong magpahinga na lamang, ipahinga ang aking hapong-hapong katawan at isipan sa paghahanap ng mga kasagutan kung ano ba talaga ang nangyari sa Pilipinas at sa mga Pilipino.
Ipinikit ko ang aking mga mata, ngunit hindi pa rin mawaglit sa aking isipan ang mga pangyayari, lalo na sa mga taong kakilala ko noon ngunit ngayon ay hindi na. Ipinikit ko ang aking mga mata at humiling na sana bukas ay bumalik na sa dati ang lahat, na sana isang panaginip lamang ang lahat ng ito at sa pagsigaw ko ng HOY GISING!!! ay magising na ang mga Pilipino sa katotohanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento