Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SANAYSAY na para sa ispiker ng isang porum. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SANAYSAY na para sa ispiker ng isang porum. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Oktubre 8, 2011

HOY....GISING!!!

Ni: Judy A. Belleza


Nagising ako isang umaga, gulat at hindi makapaniwala. Akala ko nananaginip lamang ako, akala ko tulog pa rin ang daiwa ko. Pero hindi pala, totoo pala..., totoo pala ang nakikita ng aking mga mata. Noong una akala ko nasa sa ibang bansa na ko, ang akala ko ibang tao na ang mga dati kong kilala, at ang akala ko wala na ko sa Pilipinas, pakiramdam ko noong mga sandaling ako'y nahihimlay at nagpapahinga, nagslipwok ako at pagdilat ng aking mga mata ay.... BOOM!!! Nag-iba na lahat, nag-iba na sila at nag-iba na ang mundong dati kong ginagalawan.


Oo, tama, hindi ako nanaginip at hindi rin tulog ang aking diwa kundi gising, gising na gising at gulat na gulat. Habang ako'y naglalakad sumagi sa aking isipan na baka nabuhay ang lumang kaisipan ng pananakop sa modernong panahon na aking ginagalawan, ngunit sa panahong ito sabay-sabay sila sa pagsakop sa bansang Pilipinas. Dahil kahit saan ako tumingin, kahit saan ako lumingon, maraming tao ang bago sa aking paningin, may mukhang amerikano at amerikana, may mukhang koreano at koreana, may mukhang hapon, may mukhang italyano at italyana at kung anu-ano pa.


Nagpatuloy ako sa aking paglalakad, habang tinititigan ang mga taong bago sa aking paningin, napansin ko na sila pala ang mga taong dati kong kakilala iba lamang ang kanilang mga kilos at kasuotan. Kaya naman nilapitan ko sila sa pag-asang may makapagpapaliwanag sa akin kung ano ang nangyari sa Pilipinas, ngunit hindi nila ko maintindihan at hindi ko rin sila maintindihan sapagkat iba ang mga salitang namutawi sa kanilang mga labi. Wala... wala talaga akong maintindihan. nagpatuloy pa rin ako sa aking paglalakad at sinubukang lumapit at magtanong sa iba, ngunit ganoon at ganoon pa rin ang nangyayari... hindi kami nagkakaintindihan.


Magdidilim na nang muli akong mapatingala sa kalangitan. Naisp kong magpahinga na lamang, ipahinga ang aking hapong-hapong katawan at isipan sa paghahanap ng mga kasagutan kung ano ba talaga ang nangyari sa Pilipinas at sa mga Pilipino.


Ipinikit ko ang aking mga mata, ngunit hindi pa rin mawaglit sa aking isipan ang mga pangyayari, lalo na sa mga taong kakilala ko noon ngunit ngayon ay hindi na. Ipinikit ko ang aking mga mata at humiling na sana bukas ay bumalik na sa dati ang lahat, na sana isang panaginip lamang ang lahat ng ito at sa pagsigaw ko ng HOY GISING!!! ay magising na ang mga Pilipino sa katotohanan.


Huwebes, Setyembre 29, 2011

Juan dela Cruz

Ni Jamaica V. Furaque

Magandang araw po.

Isang malaking karangalan po ang maging tagapagsalita sa araw na ito. Sadyang napakalawak po ng sakop ng paksang “Filipino identity”, kaya naman po nais kong ipabatid sa inyo na ang pokus lamang po ng papel na ito ay ang pagkilala kay Juan dela Cruz na simbolo ng mamamayang Pilipino.

Kung may Uncle Sam ang Amerika, mayroon naman Juan dela Cruz ang Pilipinas. Ang lalaking nakasalakot, nakabarong at nakatsinelas. Sigurado ako na lahat tayo’y kilala siya dahil madalas siyang bumida sa mga editoryal ng pahayagan, plakards ng mga aktibista, islogan ng mga politiko tuwing eleksyon at ng mga estudyante tuwing Buwan ng wika.

Subalit alam n’yo ba ang kasaysayan ni Juan dela Cruz? Narito ang maiksing pagtalakay sa kasaysayang ihahain ko sa inyo. Kasabay ng pananakop ng mga kastila ay ang pagbibigay ng mga pangalan sa mga Pilipino ng pangalang mula sa Biblia. Talamak ang pangalang Juan dela Cruz at napansin ito ni Robert McCulloch Dick, isang Scottish na mamamahayag sa Philippines Free Press. Napuna niya na ang karaniwang pangalan sa mga talaan ng korte at pulisya ay Juan dela Cruz, naging laman ng mga artikulo niya ang mga nagawang krimen ni Juan; kaya naman ikinabit na niya ang pangalang Juan dela Cruz bilang simbolo ng mamamayang Pilipino. Ibigsabihin, isinilang ang simbolo ng mamamayang Pilipinong Juan dela Cruz dahil sa pagiging kriminal nila.

Gayunpaman, sa paglipas ng panahon ay nabago ang pagkakakilanlan kay Juan. Napalitan na ang kanyang imahen at naging isang taong masayahin, dahil sa kabila ng maraming problema ay nagagawa pa ring ngumiti at tumawa. Patunay dito ang mga eksena sa balita na tuwing may nagaganap na sakuna, habang kinapapanayam ng mamamahayag ang isang biktima ay mapapansing ang mga tao sa likod niya ay ngiting-ngiting kumakaway pa at hindi alintana ang sakunang nangyari. Nakatatawa pero totoo. Naniniwala ako na tanda ito ng pagiging matatag at masayahin ng mga Pilipino.

Napalitan na rin ang pagkakakilanlan ni Juan ng isang taong magiliw sa bisita dahil sa pagiging maasikaso niya. Hindi na bago ang sitwasyon sa tahanan ng mga Pilipino na sa tuwing may darating na bisita ay labis ang pagsisilbing ginagawa nila. Nariyan ang ipaghahain nila sila ng pinakamasarap na pakaing mayroon sila, ipagtitimpla ng kung ano-anong inumin at handa ring ipagamit ang kanilang pinakamagandang higaan, unan at kumot maging komportable lang sila. Tanda na rin ito ng pagiging palakaibihan ni Juan. Kakaiba ang makitungo si Juan hindi ba?

Mula sa pagiging kriminal, ‘di na lingind sa ating nabago na ang pagkakakilanlan ni Juan sa pagiging masayahin, matatag at palakaibigan. Mula sa negatbong imahen napalitan na ito ng positibo. Umusbong na at nakilala na ang tunay na katangian ni Juan. Isinilang na ang bagong Juan dela Cruz.



BAYANIHANG PINOY

ni Karen Fababeir


Isang magandang umaga ang aking pagbati sa inyong lahat. Isang prebilehiyo ang tumayo ngayon sa inyong harapan upang gumanap bilang inyong ispiker ng porum na ito.


Likas sa ating mga Pilipino ang pagtutulungan at pagdadamayan sa oras na ang ating mga kababayan ay nangangailangan.

Sa katunayan nga, mayroon akong isang bagay na hinahangaan sa mga kababayan nating Pilipino pagdating sa pagtutulungan at pagdadamayan o sa mas madaling sabi ay ang BAYANIHAN.

Alam nyo ba na isang sikat na senaryo na nagpapakita ng bayanihan ng mga Pilipino ay ang pagbubuhat ng bahay mula sa isang lugar patungo sa isa pang lugar. Dito, nagtutulungan ang mga maka-kapitbahay upang buhatin ang isang bahay-kubo. Kung inyong maaalala, ang mga bahay noon ay kaiba sa mga istruktura ng bahay ngayon. Ito ay gawa sa mga kawayan, sawali, kugon at nipa. Karamihan sa mga bahay noon ay mayroong apat na kawayan sa bawat sulok ng tahanan at iyon ang magsisilbing kapitan ng mga tao sa panahon na kinakailangan ng maglipat ng mag-anak. Hindi permanente, hindi sementado at hindi kalakihan, ito'y sapat lang upang tirhan ng isang mag-anak. Kung kaya't madali lamang itong dalhin kung kinakailangan nang lumikas sa isang lugar.

May isang pinuno na magdidikta ng lugar. Siya ang susundan ng mga nagbubuhat. Sa panahon ng pagbubuhat ay nagkukwentuhan at nagkakasayahan ang mga tao upang maiwasan o makalimutan ang pagod.

Nakalulungkot nga lang isipin dahil hindi na ako nakakakita ng ganitong senaryo sa ating bansa. Tanging sa mga lumang palabas na lamang sapagkat ang mga bahay ngayon ay modernisado na. Gayon pa man alam ko, na mayroon pa din namang mga Pilipino na nagsasagawa ng ganitong klase ng bayanihan.

Naniniwala ako na dapat nating pahalagahan ang mga bagay na mayroon tayo . Ang mga bagay na nagsisilbing identidad ng ating pagiging tunay na Pilipino. Ang magagandang katangian tulad ng pagiging matulungin ay dapat nating ipamuhay hindi lamang sa paraan ng BAYANIHAN kundi kahit sa simpleng mga pamamaraan.

MARAMING SALAMAT!