Sa ating mga guro, mag-aaral at kapwa ko Pilipino, hayaan nyo po akong magsalita ngayon.
Noon at ngayon, hindi mawawala ang paggalang ng mga Pilipino. Paggalang na ating minana mula sa ating mga ninuno. Paggalang na hindi mawawala saang dako man ng mundo naroon. Paggalang na naging tatak ng mga pilipino.Sa paanong paraan ba naipakikita ang paggalang?
“PO AT OPO.”Ito marahil ang madalas mong sabihin. Hindi matatapos ang maghapon na hindi mo ito masasabi. Simpleng salita na may malalim na pagpapakahulugan. Salitang walang katumbas sa iba. Ang po at opo na madalas banggitin ng mga bata sa matatanda. Ito rin ang sinasagot sa mga tanong na sinasagot ng oo. Sinasambit na may buong respeto sa kausap.
Manong, manang, tatay,nanay at iba pa. ito ang mga pantawag sa mga taong mas matanda sa atin. Ito rin ay isang paraan ng pagrespeto sa ibang tao. Ginagamit din kapag hindi kilala ang kausap. Mga salitang inilalagay sa unahan ng pangalan ng kausap o minsan paghalili.
Kanang kamay sa unahan kapag dadaan sa mga nag-uusap. Ito ay ang paraan ng mga Pilipino upang hindi mabastusan ang mga taong dadaanan mo. Paraan din ito upang hindi mo na sabihin ang salitang “padaan.”sa paraang ito hihinto ang mga taong nag-uusap hanggang sa makadaan ka. Kung minsan sinasabayan din ng pagyuko.
Pagkatok.Ito’y upang ang taong kakausapin mo ay makapaghanda bago ka kausapin.Upang hindi mo sila basta-basta maabala. Paraan din ito upang malaman ng taong kausap mo na nandyan ka na.
Pagtanggal ng sapatos. Karaniwan itong ginagawa bilang paggalang na rin sa may-ari ng bahay. Ginagawa rin upang hindi na sila maglinis kapag umalis ka na. paraan ito upang ipakita na komportable ka sa bahay nila.
Pagbati. Ang pagsasabi ng magandang umaga, hapon, tanghali, at iba pa ay isang paraan ng pagbati. Ito ay karaniwan na sa atin. Paraan ng paggalang sa mga taong makakasama at nakasama natin. Ito’y upang makapag-umpisa ng pakikipag-usap sa ibang tao.
Ilan lamang ito sa paraan ng mga pilipino upang galangin ang iba at galangin din sila. Mga paraan na karaniwan na at nakasanayan ng gawin. Simple pero may paggalang. Paggalang sa kapwa Pilipino at ibang lahi. Ito ang mga bagay na hindi dapat mawala sa atin at dapat pang pagyamanin. Huwag nating kalimutan na ang paggalang ay isang tatak ng mga Pilipino.Paggalang na nagsimula pa noong unang panahon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento