Sabado, Oktubre 8, 2011

Simulan mo ABF!

ni: Princess Joy C Ragsac


Sa patuloy na pagsayaw ng aking panulat, muling nanumbalik sa akin ang mga simpleng karanasan na nakapagpatunay na isa nga akong Pilipino. Nasasariwa ko ang mga pangyayari kung saan di man sadyain, naipapakita ko ang mga tatak ng bawat Pilipino. Alam ko na hindi ako nag-iisa, naramdaman ko na kayo din, kasama ko kayo sa patuloy na pagsasagawa ng mga kaugalian kung saan kilala tayong mga Pilipino.

Naaalala niyo pa ba yung panahon na nasa hayskul pa lamang tayo? Iyong panahon kung saan kinakailangan na nating maghanap ng mga unibersidad na maaari mapasukan sa pagtungtong natin sa kolehiyo. Nagtiyaga ang bawat isa sa atin na maghanap ng mga iba’t ibang paaralan na maaari nating mapasukan. Hanggang sa dito nga tayo napunta, sa unibersidad na ating kinabibilangan ngayon, ang PUP.

Sino ba naman ang makakalimot sa napakahabang pila na ating napagadaanan. Mula sa pagpasa ng mga kahingian para makakuha ng permit sa pag-eexam o yung tinatawag na PUPCET hanggang sa pagpasa ng mga kahingian na kinakailangan upang ganap na na makapasok sa unibersidad na ito. Ang lahat ay nagsumikap na mag-aral at muling sariwain ang mga napag-aralan sa simula pa lamang na maaaring lumabas sa nasabing exam. Natitiyak ko na ang lahat sa atin ay lubusang natuwa nang malaman na tayo ay maaari ng pumasok sa isa sa pinakapinagmamalaking pamantasan dito sa ating bansa, ang PUP. Napagdaanan natin ang napakahabang pila na tila walang hangganan dahil sa napakaraming mag-aaral ang nagnanais makasama dito. Naaalala ko noong araw na kinakailangan ng ipasa ang mga kahingian upang ganap na mapabilang na sa paaralang ito, napakahabang pila ang napagdaanan ng bawat isa sa atin ngunit nagtiyaga pa din tayo at di natin alintana ang mga paghihirap na ito dahil bawat isa sa atin ay minimithi ang makapasok dito. Yan ang pinoy, may tiyaga at nagsususmikap sa anumang gawain para lng sa inaasam na mithiin.

Naalala ko rin yung araw na tinanggap ko ang kursong ito. Aminado ako na napilitan lang ako sa ginawa ko, kaya sobrang nalungkot ako noong araw na yon sapagkat hindi talaga ito ang nais kong kurso. Maluha-luha akong umuwi sa aming bahay at nang tanungin ako ng aking mga magulang, nalaman nilang di ko nakamit ang nais kong kurso, ngunit nariyan pa rin sila para suportahan ako. Dito ko naramdaman ang matibay na pagbubuklod buklod ng pamilya kung saan nariyan pa din ang ka-pamilya mo, susuportahan at kalian man di ka iiwan. Alam kong ilan sa inyo ganito rin ang naramdaman sa araw na iyon. Ganito na rin ang nananatili sa ating silid. Para na tayong isang pamilya, magkakapatid, at ang mga guro naman ang nagsisislbing mga magulang na nagtuturo ng mga dapat nating taglayin. Sama-samang nating hinaharap ang mga problema na darating. Bagamat di tayo magkaka-dugo, tila pamilya pa rin tayo kung maituturing. Ang ganitong pag-uugali na kilala sa tawag na mahigpit na pagbibigkis ng pamilya ay kilala na sa ating mga Pilipino.

Isa rin sa mga di ko malilimutang pangyayari ang unang araw ng klase. Ang lahat ay maingay masayang nagtatawanan, at tila lahat ay may gusto ng kursong ito. Ngunit, sa tuwing dumarating ang mga guro na nagtatanong kung ito ba talaga ang nais naming kurso, bakas sa mukha ng lahat ang kalungkutan. Nangangahulugan lang ito na talagang masiyahin ang mga pinoy. Anumang pagsubok o problema na darating, nakukuha pa ring ngumiti at magsaya. Isa pa sa mga pangyayaring makapagpapatunay nito ang minsang makakuha ng mabababang marka sa pagsusulit, o di kaya’y mababang marka sa buong semester. Sa umpisa ay lubusang nalulungkot dahil sa pangyayaring ito ngunit maya-maya lamang ay makikita na ang mga ngiti sa bawat labi at sasambitin na lamang ang katagang, “babawi na lang ako sa sususnod”. Talaga nga namang malalakas ang loob ng bawat isa sa atin at kailanman di nawawalan ng pag-asa.

Bilang mag-aaral ng kursong Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya, tayo ang nangungunang magpalaganap ng wikang Filipino, ang ating native language. Darating ang araw at tayo naman ang magtuturo sa ibang henerasyon ng mga ganitong kaugalian, magiging matagumpay gaya ng gurong nagtuturo sa atin ng kursong ito. Sa pagtatapos ng semester, mahihiwalay nanaman tayo sa isang guro na nagbahagi ng kaalaman niya sa atin. Parang isang magulang na hahayang tumayo sa sariling paa ang mga anak niya matapos turuang maglakad.

Yan ang mga simpleng bagay na di man sadyain, naipapakita pa din natin ang mga kaugaliang tumatak sa bawat isa sa atin. Kaya patuloy nating isapuso ang mga kaugaliang ito at gayun na din ang mga itinuro ng ating guro na nagsilbing ating magulang. Dito pa lamang, naipapalaganap na natin ang mga identidad ng ating lahi. Ipinagmamalaki natin ang bagay na mayroon tayo. Nakatutuwang isipin na ang mga mag-aaral na nasa loob ng silid na ito ang siyang nagbibigay daan upang di tuluyang makalimutan ang mga kaugaliang pinoy na nagmarka sa bawat isa. Ipagpatuloy natin ang landas na ito. Ipagmalaki na tayo ay ABF! Mga mag-aaral na kailanman di kalilimuatan ang mga pagkakakilanlan ng pinoy.. ABF, simulan natin! Ang itinuro sa atin ay wag nating kailanman kalimutan. Tayo ang magunguna!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento