Sabado, Oktubre 8, 2011

Makabagong Panahon

ni: Princess Joy C Ragsac


Mapagpalang umaga sa lahat ng naririto ngayon, masaya ako at naging isa kayo sa aking mga tagapagpakinig sa araw na ito. Ang paksang nais kong talakayin sa araw na ito ay tungkol sa mga kabataan. Kabataan sa makabagong panahon ngayon.

Ang kahapon ay bahagi ng ngayon at ang ngayon ay karugtong ng bukas na darating kung kaya’t ang kahapon ay di natin dapat ipagwalang bahala, itapon at kalimutan, sapagkat ito ay bahagi ng ating kasysayan. Bilang mga kabataan, responsibilidad niyong alamin ang anumang naganap sa nakaraan. Kung mapapansin ng bawat isa, may mga pagbabago ng nagaganap habang ang panahon ay umuusad. Bagamat may mga nananatili pa rin, di na maitatanggi na may malaki ng pagbabago na atin lalo na sa mga kabataan.

Pamilyar pa ba kayo sa paliligaw? Mga Ginoo, ang panliligaw ay isang malaking paraan ng pagpapakita ng sinseridad ng sinuman. Noon, kinakailangang pagsilbihan ng mga lalaki ang mga babae sa tahanan upang ipakita ang kanilang sinseridad at pagsusumikapna makamit ang inaasam na oo mula sa mga dalagang kanilang iniibig, ngunit, ngayon, nasaan na ito? Lubusan na ngang nagbago ang panahon kasabay ng mga kaugaliang ating nakasanayan. Hindi ba nakalulungkot isipin na sa modernong panahon ay tila moderno na rin ang lahat ng bagay. Kung tutuusin gamit lamang ang iba’t ibang teknolohiya gaya ng cellphone, internet at kung anu-anu pa, nagagawa ng manligaw ng mga lalaki sa sinumang kanyang maiibigan. Tila sa isang iglap lamang ay nawala at nakalimutan na ang mga ganitong kaugalian na dapat ay pinakakaingatan.

Sa mga babae dito sa ating bansa, sa inyong pagdadalaga, napag-alaman ninyo na noong unang panahon ay tila balot na balot sa damit ang buong pangangatawan ng mga kababaihan. Ngayon, sa kasalukuyan, nakakakita pa ba kayo ng ganito? Hindi na maitatanggi na kahit saan ka man lumingon ay makakakita ka ng mga babaeng may maiikling kasuotan na pambaba at mga pantaas na tila gusto ng ipakita ang buong katawan. Nakakalungkot isipin na waring nawala na ang pagiging konserbatibo sa inyong mga pagkatao. Taliwas na ang kaugaliang ito sa dating kaugaliang kinikilala ninuman. Ang dating mga konserbatibo ay tila mga liberated na. Nasaan na ang dating mga Pilipina?

Mga kabataan, oo alam ko na alam ninyong nasa makabagong panahon na tayo. Panahon na kung saan angat ang teknolohiya, at may mga bago ng kabihasnan ngunit di ito sapat upang kalimutan ang ating mga lumang tradisyon. Nararanasan na natin ang ebolusyong cultural o “cultural evolution” kung saan nakasalig na sa debelopment ng ating teknolohiya ang mga tradisyong ating gigawa. Sinu ba naman ang di makakarinig ng mga salitang “din na uso yan!” “luma na yan!” sapagkat nariyan na ang mga makabagong teknolohiya na maaari ng magamit sa kung saang bagay. Nalulungkot akong isipin na sa inyong mga kabataan pa nagsisimula ang ganyang mga salita na nagnanais kalimutan at isantabi ang lumang kaugalian na ating pagkakakilanlan. Ang mga tradisyon na dapat ipagmalaki ngunit pilit kinakalimutan.

Hindi po ba pumasok sa isip niyo na napakasarap sariwain ang mga ganitong kaugalian? Yung tipong gagawin ng lalaki ang lahat ng kanyang makakaya makuha lamang ang matamis na oo ng babaeng kanyang sinisinta? O di kaya’y maging konserbatibo sa pananamit upang di maging dahilan upang mabastos? Di man ito maibalik sa ating kaugalian, bakit di man lang natin sariwain at pag isipan na ang mga ganitong kaugalian ay di kailanman makakapanira sa atin. Ang mga simpleng tradisyon na ito ang siyang nagtulak sa atin upang makilala tayo. Tatak na natin ang mga kaugaliang ito kaya dapat lang na di natin ito makalimutan at ipagsawalang bahala. Sikapin nating pangalagaan ang mga tradisyong ito, sapagkat sa mga ito naging tatak natin ang pagiging isang Pilipino.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento