Naka-address sa klase at sa aming guro
Ang mga guro ay itinuturing na pangalawang magulang ng isang tao. Bukod kasi sa mga kaalamang kanilang ibinabahagi sa loob o labas man ng isang paaralan, sila rin ay kumakalinga sa sinuman.
Ang isang guro ay maraming isinasakripisyo. Ang pagpili na lamang sa kanilang propesyon ay masasabi ng isang sakripisyo. Sakripisyong matatawag kung ang tunay na hangarin sa simula pa lamang ay ang yumaman ngunit isang kaligayahan kung talagang hinahangad. Ang pagpupuyat tuwing gabi upang maging handa sa ibabahaging kaalaman sa klase kinabukasan. Ang minsang pagkawala ng kanilang oras na ilalaan sa kanilang pamilya at ang pagsakit ng kanilang katawan at lalamunan sa araw-araw na pagtuturo sa paaralan. Ilan lamang iyan sa mga sakripisyo ng isang guro na hindi madaling isakatuparan. Kaya nararapat lamang na matuto tayong suklian sila kahit sa pinakasimpleng paraang nalalaman natin.
Maraming paraan upang maipakita ng isang estudyante ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng sakripisyong ginagawa para sa kanila ng kanilang mga guro.
Ang pag-aaral ng mabuti. Ang pagpasok sa takdang oras sa klase araw-araw ay tanda na ng kasipagan sa pag-aaral. Samahan pa ng pagiging handa sa loob ng klase dahil sa ginawang takdang-aralin bago natulog kagabi. Ang pagsali sa talakayan at pagsagot sa mga tanong ng guro araw-araw. Idagdag pa ang pagsusumite ng mga kahingian ng guro sa itinakdang araw ng pasahan. Ang simpleng pag-aaral ng mabuti ay siguradong ikasisiya ni titser at ng ating mga magulang.
Ang pakikinig sa lahat ng kaniyang mga itinuturo at pagsasabuhay sa mga ito. Ang boses ang pangunahing puhunan ng isang guro pangalawa lamang ang kanilang mga nalalaman. Kaya nga kung magturo si titser ay tila nakamikropono at kung minsan pa nga ay paulit-ulit. Upang hindi naman masayang ang lahat ng sinabi ni titser ay marapat lamang itong pakinggan , intindihin at isabuhay ng bawat isang estudyante. Tutal naman ang dahilan ng pagtungo natin sa paaralan ay ang pagnanais nating matuto. Saka wala namang guro ang nagtuturo ng mali dahil nga lahat ng itinuturo ni titser ay maaaring gamitin sa pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay.
Ang paggalang at pagrespeto sa kanila. Ang pagbati sa mga guro sa tuwing magsisimula ang klase o kundi man ang pagmamano sa kanila kasabay ng pagbati sa tuwing sila’y nakikita sa labas ng silid-aralan at maging ng paaralan. Ang pagkilala sa kanila kahit saang lugar ka pa makarating. Ang pagbalik sa paaralan pagkalipas ng maraming taon upang muli silang makita. Mga simpleng paraan na magagawa ng isang mag-aaral na magdudulot ng lubusang kasiyahan sa isang guro.
Hindi na kailangan pang maranasan ng isang estudyante ang kalagayan ng kanilang guro sa tuwing sila ay hindi binibigyang- atensyon, pinagsasalitaan kapag nakatalikod o kundi man ay ang sakit sa pakiramdam na magbigay ng mababang marka upang sila ay mahalin at igalang.
Pakatandaan na walang magiging isang abogado, doktor, arkitekto, piloto at inhinyero kung wala ang mga guro na sa kanila’y nagbigay kaalaman at humubog.
Dahil tunay na dakila si titser na nararapat lamang na ipagmalaki sa buong mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento