Magandang araw mga kapwa ko Pilipino.
Ang Pilipinas ay bansang maliit lamang ngunit kakikitaan naman napakaraming magagandang likas na yaman na kaakit-akit sa paningin ninoman. Marami sa mga ipinagmamalaki nating yaman ay kilalang-kilala na sa buong mundo at madalas na ring dayuhin ng mga banyaga, kabilang ang ating Boracay na sikat na sikat dahil sa puting-puting buhangin at mala-kristal na tubig, ang Hagdan-hagdang palayan ng Banawe, ang Chocolate hills ng Bohol, ang Tubbataha Reef ng Sulu at ang Underground River ng Puerto Princesa na kabilang sa 7 Wonders of the World at marami pang iba. Labis talaga tayong pinagpala ng Diyos dahil sa mga yamang iyan na kaloob Niya.
Subalit nakalulungkot dahil sa kabila ng lahat ng iyan ay maraming Pilipino pa rin ang hindi masaya sa pagiging Pilipino nila. Marami pa rin tayong kababayan ang pilit na inaalis ang bakas ng lahing Pilipino sa pagkatao nila. Marami pa ring Pinoy ang puro negatibong pahayag ang binabato sa sarili nilang bansa. Marami pa rin ang hindi kuntento, ang nahihiya at ang nagtatakwil sa kanilang pagiging Pilipino.
Kaya naman hindi nakapagtataka na hanggang ngayon ay nananatili pa ring huli at mahirap ang Inag Bayan, dahil mismong mga anak niya ang humihila sa kanya pababa. Ang ibang bansa’y minamaliit lang ang bansa natin at hindi natin ito magawang ipagtanggol, kasi nama’y tayong mga mamamayan pa ang nangungunang magmaliit dito. Paano uunlad ang bansa kung ang lagging bukambibig ay “hindi na uunlad ang Pilipinas, wala nang pag-asa ‘to”. Parati nalang pinapatay ang pag-asa.
Karamihan sa’ting mga Pilipino ang isinisisi sa pamahalaan ang paglugmok ng Pilipinas. Parati nalang sinasabing “kung tapat lang ang pinuno natin…”, “kung hindi lang kurakot ang pamahalaan…” at “kung magaling alng s’yang mamahala…”. Maraming opinyon at suhestyon. Patuloy ang paghahanap ng mga taong bayan ng pagbabagong magagawa ng pamahalaan sa bayan. Subalit tandaan natin na ang bayan ang nagluluklok sa mga pinuno ng bansa, kung binoto lang ng taong bayan ang karapat-dapat, kung hindi lang ang dalas ng paglabas sa telebisyon ng politiko at ang ganda ng jingle nito ang nagiging batayan ng kanilang pagboto, kung hindi lang ang pagiging artista ng politiko ang dahilan ng kanilang pagluklok at kung wala nang pumapayag na bilhin ang kanilang boto… siguro’y maayos ang pagapatakbo ngayon ng pamahalaan.
Marami din sa ating mga Pilipino ang nagsasabing paralisado at wala daw silbi ang batas sa Pilipinas. Siguro nga ganoon, kasi naman kahit sa simpleng pagsunod lang sa mga simpleng batas gaya ng pagtawid sa tamang tawiran at pagtatapon ng basura sa tamang tapunan ay hindi pa masunod ng karamihan. Ang hirap kasi sa atin, ay ang pinapansin lang aay ang mga malalaking kasalanan at pagsuway sa batas, pero ang maliliit lang na kasalanan ay pinagwawalang bahala na. Tandaan natin na lahat ng malaki ay nagsisimula sa maliit. Ang sinasabi nilang maliliit na kasalanan, kung marami naman ang gumagawa ay higit pa sa mga malalaking kasalanan.
Sa bansa natin, mismong magkababayan ang naglalaitan. Tinatawanan ng marami ang mga matitigas ang dila, sila raw ay mga bisaya. Tampulan ng tukso ang mga pango ang ilong at hindi kaputian. At minsan lang matanggap sa trabaho ang mga maliliit. Tinatawanan ng mga pango ang mga maliliit, ng mga maliliit ang mga hindi kaputian, ng mga hindi kaputian ang mga bisaya, ng mga bisaya ang mga pango. Kung tayo-tayo rin ang maglalaitan, sino pa ang pupuri sa atin?
Ayon nga sa nabasa ko sa isang libro, kulang raw ang mga Pilipino sa pagmamahal sa sariling bansa at sa lahi natin. Hindi natin maipagmalaki na tayo ay may bansang biniyayaan ng napakagandang tanawin at likas na yaman. Parati nalang sinisisi ang pamahalaan. Oo nga, malaki rin ang kasalanan ng pamahalaan pero may kasalanan rin ang pamahalaan.
Mga kababayan, panahon na para sa pagbabago. Baguhin ang bulok nating lipunan at pamahalaan. Halina’t ipagmalaki natin ang lahi natin at tayo’y bumangon na. Magtulong-tulong tayo sa kaunlaran. Ipinapangako ko po na maaasahan n’yo ako sa pagbabagong iyon. Panahon na para sumulong!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento