Sabado, Oktubre 8, 2011

WIKANG FILIPINO ating MAHALIN!


NI: Lovely Polyn Espina
                Magandang umaga mga Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya (ABF). Ang araw na ito ay isang daan upang lalo pa nating mahalin ang Wikang Filipino, wikang atin.
                Kayo ABF, kilala niyo bang lubusan ang ating sariling wika? Minsan ba ay naipagmalaki niyo na ang Wikang Filipino o palagi ninyong tinatago ito? Kapag kayo ba ay nakikipag-usap, Wikang Filipino ba ang inyong ginagamit o Wikang Ingles? Naisip niyo bang lubos pang magpakadalubhasa sa Wikang Filipino o mas pinag-eensayuhan pa ninyo ang Wikang Ingles?
                ABF, noong ako ay nag-aaral, naitanong ko din sa aking sarili kung alin ang aking pipiliing pakadalubhasain. Ngunit nakilala ko si Gng. Apigo, guro ko noon sa Filipino I. Ako noon ay nasa unang taon ng kolehiyo ng ipakilala niya ng lubusan ang Wikang Filipino. Noong natapos ang unang semestre ay bumalik na naman sa aking isipan kung alin ang dapat piliin, Wikang Filipino o Wikang Ingles. Papasok na ang pangalawang semsestre nang mapag-isipan kong piliin ang Wikang Filipino.
                Sa tuwing ako ay nakadadalo sa mga talumpati, seminar at iba pang pagdiriwang ay wikang Filipino ang aking winiwika. Bakit? Sapagkat ito ay dapat mahalin. Sa tuwing may nakakausap naman akong Pinoy, dito man o sa ibang bansa, Wikang Filipino parin ang aking ginagamit. Bakit? Dahil naniniwala akong bago natin pag-aralan ang ibang wika ay dapat pagyamanin muna natin ang sariling wika. Gaya ng pagpapaunlad natin sa ating bayan, walang ibang makapagpapayabong sa sariling wika kundi ang sarili nitong mamamayan, tayo mga Pinoy.
                Para sa inyong kaalaman, dapat na ipagmalaki ang Wikang Filipino sapagkat marami sa ating wika ay sariling atin at hindi hiram o salin mula sa wikang dayuhan. Marami ding ibang lahi ang nagnanais mag-aral o matutunan ito partikular na ang mga Amerikano.
                ABF, mapalalago pa nating lubos ang ating wika kung tayo mismo ay mahal ito hindi dahil ito ang inyong “major” kundi dahil nais ninyo.
                Wikang Filipino sariling atin kaya dapat na ipagmalaki at mahalin. Iyon lamang at maraming salamat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento