Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Makatutugon sa talumpati ( hal. seminar o ispiker ). Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Makatutugon sa talumpati ( hal. seminar o ispiker ). Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Oktubre 8, 2011

WIKANG FILIPINO ating MAHALIN!


NI: Lovely Polyn Espina
                Magandang umaga mga Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya (ABF). Ang araw na ito ay isang daan upang lalo pa nating mahalin ang Wikang Filipino, wikang atin.
                Kayo ABF, kilala niyo bang lubusan ang ating sariling wika? Minsan ba ay naipagmalaki niyo na ang Wikang Filipino o palagi ninyong tinatago ito? Kapag kayo ba ay nakikipag-usap, Wikang Filipino ba ang inyong ginagamit o Wikang Ingles? Naisip niyo bang lubos pang magpakadalubhasa sa Wikang Filipino o mas pinag-eensayuhan pa ninyo ang Wikang Ingles?
                ABF, noong ako ay nag-aaral, naitanong ko din sa aking sarili kung alin ang aking pipiliing pakadalubhasain. Ngunit nakilala ko si Gng. Apigo, guro ko noon sa Filipino I. Ako noon ay nasa unang taon ng kolehiyo ng ipakilala niya ng lubusan ang Wikang Filipino. Noong natapos ang unang semestre ay bumalik na naman sa aking isipan kung alin ang dapat piliin, Wikang Filipino o Wikang Ingles. Papasok na ang pangalawang semsestre nang mapag-isipan kong piliin ang Wikang Filipino.
                Sa tuwing ako ay nakadadalo sa mga talumpati, seminar at iba pang pagdiriwang ay wikang Filipino ang aking winiwika. Bakit? Sapagkat ito ay dapat mahalin. Sa tuwing may nakakausap naman akong Pinoy, dito man o sa ibang bansa, Wikang Filipino parin ang aking ginagamit. Bakit? Dahil naniniwala akong bago natin pag-aralan ang ibang wika ay dapat pagyamanin muna natin ang sariling wika. Gaya ng pagpapaunlad natin sa ating bayan, walang ibang makapagpapayabong sa sariling wika kundi ang sarili nitong mamamayan, tayo mga Pinoy.
                Para sa inyong kaalaman, dapat na ipagmalaki ang Wikang Filipino sapagkat marami sa ating wika ay sariling atin at hindi hiram o salin mula sa wikang dayuhan. Marami ding ibang lahi ang nagnanais mag-aral o matutunan ito partikular na ang mga Amerikano.
                ABF, mapalalago pa nating lubos ang ating wika kung tayo mismo ay mahal ito hindi dahil ito ang inyong “major” kundi dahil nais ninyo.
                Wikang Filipino sariling atin kaya dapat na ipagmalaki at mahalin. Iyon lamang at maraming salamat.

Tunay na Lakas ng Kababaihan

ni Rachelle A. Rangasajo


Hayaan niyo po akong magsalita sa harap ninyo hindi dahil sa nakatataas ako sa inyo. Hindi dahil sa iginagalang niyo ako kundi dahil sa isa akong tulad niyo, isang babae; isang Pilipina.

Pasisimulan ko ang aking pananalita sa isang kasabihang “Sa tagumpay ng bawat kalalakihan ay mayroong babae sa likod nito”. Marahil nakasasawang pakinggan dahil sa paulit-ulit na lang ngunit sa pamamagitan nito ay simpleng nailalarawan amg tunay na lakas ng kababaihan lalo na kapag Pilipina.

Mayroon po akong nabasang akda na nasa wikang ingles, isinulat po ito ni Carmen Guerrero-Nakpil at pinamagatan niya po itong The Filipino Women. Sa akdang ito, una niyang inilarawan ang pisikal na anyo ng kababaihang Pilipino. Sinabi niya na sa tuwing magpupunta ang isang Pilipina sa ibang bansa ay lagi na lamang napagkakamalang isang Chinese, Siamese, Indones, Indian, isang Mesikano o di kaya naman ay isang taga- South America. Hindi ito nakapagtataka dahil sa napakaraming dayuhan na ang sinubukang manirahan dito sa atin.

Sa akda ring ito niya inilarawan ang kalagayan ng mga kababaihan sa lipunan sa pagdaaan ng panahon. Sinimulan niya ito sa panahon kung saan hindi pa tayo nasasakop ng mga Kastla. Ipinakikita sa akdang ito ang isang Pilipina na tila isang babasaging kristal kung pangalagaan. Pantay ang tingin sa mga lalaki at babae di dahil sa kapangyarihan kundi sa respeong ibinibigay sa kanila. Di man binigyan ng pagkakataon na mamuno ngunit katulong ng asawa dahil maging ito man ay isang timawa o datu hinihingi muna ang opinion ng asawang babae bago pa man gumawa ng aksyon. Noon pa man ay mayroon ng mga miyembro ng TAKUSA (isang organisayon ng mga lalaking takot sa asawa) nakikita ito sa panahon na nagkaroon pag-aaway ang pamilya ng babae at lalaki dahil sa sobrang pagmamahal ay pinapanigan ng lalaki ang pamilya ng asawa.

Isang nakalulungkot na pangyayari ang pagdating ng mga Espanyol sa bansa dahil ang dating kakarampot na karapatan ng mga kababaihan ay lalo pang kumipot. Isinama nila sa agenda nila ang pagbabagong bihis ng mag babae sa Pilipinas kung dati-rati ay tinitingala ngayon ay nakayukong pinagsisilbihan ang mga asawa. Naging maliit ang mundong kanilang ginagalawan. Ang mga Pinay ang naging alipin na lamang ng tahanan. Ang kanilang boses ay unti-unting humina hanggang sa mawala na lang nang tuluyan.

Ang mga Amerikano ang nagbigay ng tunay na ideya ng kalayaan at ito ang higit na pinasalamatan ng mga kaabaihan. Dahil ang dating talentong itinatago sa kusina ay muling nailabas at nagamit. Nakuhang ilabas ang saloobin at makawala sa rehas ng pang-aalipi at higit sa lahat ay muling naging parte ng lipunang kinabibilangan. Naging kabahagi ng pagtulong sa kapwa, nagkaroon ng kalayaang bumoto at sa pamamagitan nito naipakita ang tunay na galling ng mga Pilipina.

Sa pagdating ng mga Hapones mas nakita ang tapang ng Pilipina. Hindi lingid sa ating kaalaman ang paggamit sa kanila bilang kasangkapan na parausan ng mga sundalong Hapones. Ito ang gumising sa mga natutulog na diwa ng mga babae na higit sa lahat sa sarili sila dapat na dumipende.

Marahil nagtataka kayo kung baki tna kailangan ko pang magbalik sa nakaraan upang ipakita ang tunay na lakas ng kababaihang Pilipina. Ito po kasi ang humubog ng isang tulad natin natin ngayon. Isang malalakas, mahuhusay, matatalino, matapang, maipagmamalaki, isang babae at isang Pilipina.

At sa patuloy pang pag-andar ng panahon ay ang patuloy na pagpapakitang gilas ng mga Pilipina. May makalilimot ba kay Gng. Corazon Aquino, unang presidenteng babae ng Pilipinas na sa kabila ng kaniyang pagiging biyuda ay pinagpatuloy ang naisin ng asawa. Kay Gng. Gloria Arroyo na nanatili sa pinakamataas na pwesto ng bansa ng siyam na taon. Sa musika, nakilala sina Lea Salonga at Charice Pempengco, kamakailan lamang ay si Shamcey Supsup na pinakita ang ganda ng Pilipina sa larangan ng pagandahan at Ana Julaton na nagkamit ng titulo sa palakasan. Sila’y mga babae, mga Pilipina at ilan lamang sila.

Dahil di man gumamit ng kampilan upang makpaglaban ngunit sa pamamagitan ngkanilang salita, talino at paggawa ng desisyon, hindi na lamang sila tatawaging ilaw ng tahanan, instrument sa pagpaparami ng angkan at tagapagsilbi ng kalalakihan ngunit idang lider,pinuno at isa sa tinitingala sa mundo ngayon.

Tatapusin ko naman ang pananalitang ito sa pamamagitan ng isang pahayag mula kay Gng. Susan Roces na kilala sa larangan ng telebisyon na nasabi niya sa isang komersyal. Hindi ako ang makapagsasabi, hindi ang pananalitang ito kundi ikaw at ikaw lamang ditto direkta sa puso kung ano nga ba ang tunay na lakas nating kababahang Pilipino.

Biyernes, Oktubre 7, 2011

Bayanihan : Simbolo ng Pakikipagtulungan

Ni : Janica L. Ruiz

Pagbati ng isang magandang umaga sa inyo mga kaibigan. Tayo po ay natipon dito para balikan kahit sandali lamang ang isa sa mahalagang identidad ng mga Pilipino. Gaya nga ng tema n gating seminar na ito na : “Pakikipagtulungan, daan patungo sa tagumpay”. Naniniwala ba kayo sa tema ng ating seminar ? Ako, oo. Kapag may gusto kang gawing isang bagay, magiging determinado kang gawin ito at matatapos mo ito, ngunit kung ikaw ay may katulong at pareho ninyong gusto ang ginagawa nyo, mas madali nyo itong matatapos.

Tayong mga Pilipino ay likas na matutulungin sa ating kapwa. Bata man o matanda. Hindi tayo pumipili ng ating bibigyan ng tulong. Pamilyar pa ba kayo sa Bayanihan ? Alam kong bihira na lamang sa inyo ang nakakaalam nang katagang iyon. Alam nga sa salita pero hindi ang mas malalim na ibig sabihin nito. Bihira na lang kasi ang gumagawa nito. kahit ako, tanging sa telibisyon ko na lamang ito nakikita. Paano pa malalalaman ng mga susunod pang henerasyon ang bagay na ito kung ngayon pa lang ay kinakalimutan na natin ito ? Nakakalungkot isipin na ang dating gawain ay ngayon ay limot na.

Mga kaibigan, hindi lang ang pagbubuhat ng bahay ang ibig sabihin ng bayanihan. Simbolo ito na ang Pilipinas ay mayaman sa kultura noon. Para sa akin, mayroon itong mas malilim na kahulugan. Ito ang pakikisama o pakikipagtulungan sa kapwa. Ang sarap panoorin ang mga taong may pagkakaisa. Nagkakapit-bisig ang lahat para sa isa. Yung tipong hindi lang ang pagbubuhat ng bahay ng bahay ang masaya kundi iyong samahan na mabubuo nyo sa sandaling oras ng bayanihan at syempre, yung pakiramdam mo na maluwag sa dibdib dahil nakatulong ka sa nangangailangan.

Ang nakakalungkot lang pong isipin ay ang kakaunti na lamang talaga ang gumagawa nito. Sa iilang probinsya na lamang may ganito. Unti-unti ng nakakalimutan ang bayanihan. Patuloy itong ibinabaon sa limot. Nakakaawa ang susunod na henerasyon. Baka nga hindi na sila makasaksi ng ganitong klase ng kulturang Pinoy e. puro teknolohiya na lamang ang malaman nila at tuluyang makalimutan ang mga kultura natin.

Hayun po mga kaibigan. Nasabi ko na ang mga gusto kong sabihin. Samahan nyo akong maglakbay sa sinasabi nilang tuwid na landas na hindi at walang kinakalimutan na alinmang kultura. Ating ibalik ang Bayanihan. Bayanihan : simbolo ng kabutihang loob ng mga Pilipino. Ako’y naniniwala na kung tayo ay magtutulunagn, makakamit natin an gating mga mithiin. Halina kayo ! Maraming salamat mga kaibigan sa pagdalo at pakikinig sa Seminar na ito. Sa uulitin po. Inaasahan ko muli ang inyong pakikinig.