Biyernes, Setyembre 30, 2011
Pilipino po
Ako
Magiliw si Juan
Huwebes, Setyembre 29, 2011
Isang Kalabaw ang Larawan ng Tunay na Pilipino
Ang mga Pilipino sa ABAKADA Nito
Juan dela Cruz
Ni Jamaica V. Furaque
Magandang araw po.
Isang malaking karangalan po ang maging tagapagsalita sa araw na ito. Sadyang napakalawak po ng sakop ng paksang “Filipino identity”, kaya naman po nais kong ipabatid sa inyo na ang pokus lamang po ng papel na ito ay ang pagkilala kay Juan dela Cruz na simbolo ng mamamayang Pilipino.
Kung may Uncle Sam ang Amerika, mayroon naman Juan dela Cruz ang Pilipinas. Ang lalaking nakasalakot, nakabarong at nakatsinelas. Sigurado ako na lahat tayo’y kilala siya dahil madalas siyang bumida sa mga editoryal ng pahayagan, plakards ng mga aktibista, islogan ng mga politiko tuwing eleksyon at ng mga estudyante tuwing Buwan ng wika.
Subalit alam n’yo ba ang kasaysayan ni Juan dela Cruz? Narito ang maiksing pagtalakay sa kasaysayang ihahain ko sa inyo. Kasabay ng pananakop ng mga kastila ay ang pagbibigay ng mga pangalan sa mga Pilipino ng pangalang mula sa Biblia. Talamak ang pangalang Juan dela Cruz at napansin ito ni Robert McCulloch Dick, isang Scottish na mamamahayag sa Philippines Free Press. Napuna niya na ang karaniwang pangalan sa mga talaan ng korte at pulisya ay Juan dela Cruz, naging laman ng mga artikulo niya ang mga nagawang krimen ni Juan; kaya naman ikinabit na niya ang pangalang Juan dela Cruz bilang simbolo ng mamamayang Pilipino. Ibigsabihin, isinilang ang simbolo ng mamamayang Pilipinong Juan dela Cruz dahil sa pagiging kriminal nila.
Gayunpaman, sa paglipas ng panahon ay nabago ang pagkakakilanlan kay Juan. Napalitan na ang kanyang imahen at naging isang taong masayahin, dahil sa kabila ng maraming problema ay nagagawa pa ring ngumiti at tumawa. Patunay dito ang mga eksena sa balita na tuwing may nagaganap na sakuna, habang kinapapanayam ng mamamahayag ang isang biktima ay mapapansing ang mga tao sa likod niya ay ngiting-ngiting kumakaway pa at hindi alintana ang sakunang nangyari. Nakatatawa pero totoo. Naniniwala ako na tanda ito ng pagiging matatag at masayahin ng mga Pilipino.
Napalitan na rin ang pagkakakilanlan ni Juan ng isang taong magiliw sa bisita dahil sa pagiging maasikaso niya. Hindi na bago ang sitwasyon sa tahanan ng mga Pilipino na sa tuwing may darating na bisita ay labis ang pagsisilbing ginagawa nila. Nariyan ang ipaghahain nila sila ng pinakamasarap na pakaing mayroon sila, ipagtitimpla ng kung ano-anong inumin at handa ring ipagamit ang kanilang pinakamagandang higaan, unan at kumot maging komportable lang sila. Tanda na rin ito ng pagiging palakaibihan ni Juan. Kakaiba ang makitungo si Juan hindi ba?
Mula sa pagiging kriminal, ‘di na lingind sa ating nabago na ang pagkakakilanlan ni Juan sa pagiging masayahin, matatag at palakaibigan. Mula sa negatbong imahen napalitan na ito ng positibo. Umusbong na at nakilala na ang tunay na katangian ni Juan. Isinilang na ang bagong Juan dela Cruz.
ABF: Isang Pamilya
Ni Rodelyn A. Flores
Sanaysay na inaalay sa klase
Isa sa mga katangian nating mga Pilipino ang pagbuklod-buklod ng ating pamilya ika nga sa Ingles tayo’y “family oriented”. Ano nga ba ang pamilya? Pamilya bang maituturing ang ama, ina at anak o mga anak na nakatira sa isang bahay. Oo, sa konseptong iyon pero sa bahay na iyon kailangan na nanaig ang pagmamahalan sa bawat miyembro ng pamilya.
Kaming ABF ay maituturing na isang pamilya. Ang nagsisilbing naming tahanan ay ang sintang paaralan. Pamilyang maituturing dahil ang aming turingan ay kapatidan. Ang anumang problemang hinaharap ay hindi naming inilalabas sa apat na sulok n gaming silid, sama-sama naming iyong nilulutas. Kapag may problema kami’y nagdadamayan. Sa aming mga gawain iyon ay aming pinagtutulungan. Wari’y kami’y nagbabayanihan sa mga gawain na nakalatag sa amin. Iniintindi namin ang kahinaan o kakulangan ng isa dahil alam naming na lahat kami ay may kahinaan o kakulangan. Panatay - pantay ang tingin sa bawat isa.
Sa aming pagsasama, marami na kaming napagdaanan at marami na rin kaming napagsaluhan. Isa sa mga proyektong aming pinagsahan at pinagtulungan ay ang proyekto taon-taong n gaming tagapangulo ay ang SATULAWITAN. Sa paggawa naming ng proyektong ito mas lalong lumalim ang aming samahan. Ang lahat ay nagbuhos ng panahon at atensyon upang mapagtagumpyan naming ang aming proyekto. Tulong-tulong kami sa lahat ng gawain. Ang lahat ay nag-ambag ng lakas at talino. Syempre hindi naming iyon pagtatagumpayan kung wala ang aming mga guro na siyang nagsilbi naming magulang sa paaralan. Hindi lamang pang-akademiko ang kanilang itinuro sa amin. Hinuhubog din nila an gaming pagakatao gaya n gaming mga tunay na magulang. Sila ang gumabay at umalalay sa amin. Nagmamahalan at nagtutulungan ang bawat isa, yan ang ABF isang modelo ng pamilya.
Isang mahalagang sangkap ng lipunan ang pamilya. Ang pamilyang nagbubuklod-buklod at nagmamahalan ay siguradong nasa tuwid na landas. Hindi talaga matatawaran ang mga katangian nating mga Pilipino.
Ang salakot ni Juan
ni Jamaica V. Furaque
Ako ay hugis apa
Patusok ang aking gitna
Gawa ako sa rattan
at sa tambo naman kung minsan
... ako ang salakot ni Juan
Ipinantatakip ako sa ulo
Para proteksyunan ang aking amo
Laban sa matinding sikat ng araw
Na kayang sumunog ng balat nino man
... ako ang salakot ni Juan
Maging ang buhos ng ulan
Kaya ko ring labanan
Isuot mo lang ako
pagkabasa ay maiiwasan
... ako ang salakot ni Juan
Kung ikaw naman ay init na init
At 'di na kaya ang pawis na kay lagkit
Narito lang ako sa tabi-tabi
Handang paypayan ka sa bawat sandali
... ako ang salakot ni Juan
Tulad ni Juan
Na kayang kayang gawin kahit na ano
Kayang magtrabaho kahit saan
Kyang makipagkapwa kanino man
...ako ang kanyang salakot, ang salakot ni Juan
Paskong Pinoy
ni Jamaica V. Furaque
Tuwing araw ng pasko inaalala ng maraming bansa ang pagsilang ni Hesukristo, ang mesias, at kabilang ang Pilipinas sa mga bansang ito. Bilang isang kristiyanong bansa, labis ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa araw na ito. Kaya nga iba ang saya sa paskong Pinoy dahil labis ang paghahandang isinasagawa ng mga Pilipino dito.
Patunay dito ang kaugalian ng mga Pilipino na pagsapit pa lang ng Setyembre, ang una sa "Ber Months", ay sinisimulan na ang paglalagay ng mga makukulay na "Christmas decoration" sa kani-kaniyang tahanan. Mga parol na iba't iba ang hugis, kulay at laki. Nagkalat na rin ang mga nagtitinda ng nasabing dekorasyon at dagsa na rin ang mga mamimili nito. Maririnig na rin kahit saan ang mga awiting pampasko na nakapagpapangiti sa kahit na sino. At sa buwan ding ito sinisimulan ang "countdown" sa pasko.
Kaugalian na rin ng mga Pilipino na kapag sapit ng Disyembre 16 ay umpisa na ng simbang gabi. Siyam na araw gumigising nang maaga ang mga Pilipino, bata man o matanda para makapakinig ng salita ng Diyos. Ang sabi nila, maaari ka raw humuling kapag nabuo mo ang simbang gabi. Hindi mapagkakailang isa ito sa mga dahilan kung bakit pursigidong kinukumpleto ng karamihan higit ang kabataan ang simbang gabi, idagdag mo pa ang laganap na mga kakaning Pinoy higit sa lahat ang bibingka at puto-bumbong na gustong-gusto ng mga Pilipino.
Sa pagsapit rin ng Disyembre 16 nag-uumpisa na sa pagkanta ng mga "Christmas song" sa bawat bahay kapalit ng kahit magkanong halaga na kung tawagin ay "caroling". Karaniwang kabataan ang nagsasagawa nito. Nakatutuwa nga dahil makikita ang pagiging malikhain ng mga Pilipino dahil nakagagawa sila ng tambourine gamit lamang ang mga pinitpit na tansan at maiksing alambre. Nakagagawa rin sila ng tambol gamit ang lata ng gatas na binutasanat binalutang ng plastik. Gamit ang mga sariling gawang instrumentong ito nagagawa na nilang mangaroling nang masaya kahit saan.
At pagpatak ng Disyembre 25, alas-dose ng madaling araw, noche buena na. Nagsasalo-salo ang mga pamilyang Pilipino sa handaan. Maraming masasarap na pagkain ang nakahain. Naryan ang mga ninong at ninang na nagbibigay ng regalo sa mga inaanak nila at mga batang tuwang-tuwa na binubiksan ang mga regalong natanggap. Lahat masaya. Lahat nakangiti. Ramdam ang pagmamahalan at pagbibigayan na tunay na diwa ng pasko.
Handang gawin ng mga Pilipino ang kahit na ano maipagdiwang lang ang pasko. Minsan lang naman kasi sumapit ang araw na ito; at hindi lang naman ito simpleng araw, ito ay mahalagang araw dahil ginugunita dito ang pagsilang ni birheng Maria sa tagapagligtas, si Hesukristo.