Miyerkules, Setyembre 28, 2011

Ipinagbibili: IMPORTED NA IDENTIDAD

Ni: Judy A. Belleza


Tayong mga Pilipino, hindi natin maipagkakaila na
mahilig tayo sa mga bagay na imported. Mapa-damit
man yan , sapatos, mga gamit na pampaganda ng mukha
at katawan, mga gamit na de kuryente, mga gamit na de
baterya, mga aksesorya at pangkolorete, pabango,
alahas, pagkain, maging sa ating mga sipilyo at toothpaste.
gusto natin brand new, gusto natin branded at higit sa
lahat yung Imported.


Imported, yung mga bagay na gawa sa ibang bansa at may
pangalan, yung bang puwedeng ipagmayabang sa iba na
kapag sinabi mong made in U.S.A, made in Japan, made in
London, made in.... etc. ay biglang mapabubulalas ng
"WOW" ang mga taong kausap mo. Iyan ang alam at gasgas
na pakahulugan nating mga Pilipino sa mga Imported na
bagay.


Pero bakit nga ba? Bakit nga ba tayong mga Pilipino ay
mahilig sa mga bagay na Imported? Para sa ano?
Para masabing sosyal ka kapag nakita ng iba na
Imported ang gamit mo? Para ipangalandakan na
marami kang pera at kaya mong bilhin ang mga bagay
na mahal tulad ng branded at Imported na gamit?
O para lamang magmayabang? O baka naman may mas
malalim pang dahilan?


Lingid sa ating kaalaman na habang tinatangkilik natin
ang mga Imported na bagay, habanng ginagamit natin
ito sa ating katawan mula ulo hanggang paa ay tinatabunan
natin ang ating tunay na pagkatao, inililibing natin ang ating
tunay na Identidad. Habang bumibili tayo ng mga Imported
na bagay ay bumibili rin tayo ng bagong pagkatao at Identidad
na pamalit sa ating tunay na Identidad.


Ang mga Locally made na gamit, na sinasabi ng karamihan sa atin
na "Cheap" at ang iba naman ay diring-diri na parang may dalang
epidemya ang mga bagay na ito, na kung dustahin natin ay ganoon
na lamang. Parang hindi pinaghirapan ng kapwa natin Pilipino, parang
hindi galing sa atin. Ang mga bagay na ito ay SARILING ATIN. Hindi
ba natin maisip na habang dinudusta natin ang mga produkto na
SARILING ATIN ay parang dinusta na rin natin ang ating mga sarili,
kaya nga tinawag natin itong SARILING ATIN, dahil ito ang represen-
tasyon ng ating mga sarili, ng ating pagkatao, ng ating katalinuhan, ng
ating kagalingan at higit sa lahat ang mga bagay na ito na tinatawag nating
"cheap" ay representasyon ng ating sariling Identidad. Kaya ang resulta
ng walang humpay na pagdusta at 'di pagtangkilik sa mga produktong
sariling atin ay... Presto!.. ang patuloy na paglaho nito... ang patuloy
na paglaho ng ating Identidad.


Sadyang napakalaki ng naging impluwensya ng mga Imported
na bagay. Nilalason nito ang ating mga pag-iisip, nililinlang nito
ang ating mga mata, nilalamon nito ang ating mga sarili, nginu-
nguya, tinutunaw ang bawat himaymay ng ating pagkatao at
isinusuka tayo.
Isinuka tayo na iba na ang ating pagkatao, iba na ang ating Identidad,
iba na ang ating mga sarili. Iba na dahil, kapag humarap ka sa
salamin , hindi na natin kilala ang repleksyon na ating nakikita, at
wala man lang maaninag na pagaalinlangan sa mukha ng repleksyon
na iyon, dahil ginusto nating magiba, ginusto nating maging katulad
nila, ginusto natin bumili ng Imported na Identidad.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento