Huwebes, Setyembre 29, 2011

Paskong Pinoy

ni Jamaica V. Furaque

Tuwing araw ng pasko inaalala ng maraming bansa ang pagsilang ni Hesukristo, ang mesias, at kabilang ang Pilipinas sa mga bansang ito. Bilang isang kristiyanong bansa, labis ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa araw na ito. Kaya nga iba ang saya sa paskong Pinoy dahil labis ang paghahandang isinasagawa ng mga Pilipino dito.

Patunay dito ang kaugalian ng mga Pilipino na pagsapit pa lang ng Setyembre, ang una sa "Ber Months", ay sinisimulan na ang paglalagay ng mga makukulay na "Christmas decoration" sa kani-kaniyang tahanan. Mga parol na iba't iba ang hugis, kulay at laki. Nagkalat na rin ang mga nagtitinda ng nasabing dekorasyon at dagsa na rin ang mga mamimili nito. Maririnig na rin kahit saan ang mga awiting pampasko na nakapagpapangiti sa kahit na sino. At sa buwan ding ito sinisimulan ang "countdown" sa pasko.

Kaugalian na rin ng mga Pilipino na kapag sapit ng Disyembre 16 ay umpisa na ng simbang gabi. Siyam na araw gumigising nang maaga ang mga Pilipino, bata man o matanda para makapakinig ng salita ng Diyos. Ang sabi nila, maaari ka raw humuling kapag nabuo mo ang simbang gabi. Hindi mapagkakailang isa ito sa mga dahilan kung bakit pursigidong kinukumpleto ng karamihan higit ang kabataan ang simbang gabi, idagdag mo pa ang laganap na mga kakaning Pinoy higit sa lahat ang bibingka at puto-bumbong na gustong-gusto ng mga Pilipino.

Sa pagsapit rin ng Disyembre 16 nag-uumpisa na sa pagkanta ng mga "Christmas song" sa bawat bahay kapalit ng kahit magkanong halaga na kung tawagin ay "caroling". Karaniwang kabataan ang nagsasagawa nito. Nakatutuwa nga dahil makikita ang pagiging malikhain ng mga Pilipino dahil nakagagawa sila ng tambourine gamit lamang ang mga pinitpit na tansan at maiksing alambre. Nakagagawa rin sila ng tambol gamit ang lata ng gatas na binutasanat binalutang ng plastik. Gamit ang mga sariling gawang instrumentong ito nagagawa na nilang mangaroling nang masaya kahit saan.

At pagpatak ng Disyembre 25, alas-dose ng madaling araw, noche buena na. Nagsasalo-salo ang mga pamilyang Pilipino sa handaan. Maraming masasarap na pagkain ang nakahain. Naryan ang mga ninong at ninang na nagbibigay ng regalo sa mga inaanak nila at mga batang tuwang-tuwa na binubiksan ang mga regalong natanggap. Lahat masaya. Lahat nakangiti. Ramdam ang pagmamahalan at pagbibigayan na tunay na diwa ng pasko.

Handang gawin ng mga Pilipino ang kahit na ano maipagdiwang lang ang pasko. Minsan lang naman kasi sumapit ang araw na ito; at hindi lang naman ito simpleng araw, ito ay mahalagang araw dahil ginugunita dito ang pagsilang ni birheng Maria sa tagapagligtas, si Hesukristo.



2 komento:

  1. Bagamat malaya ang sanaysay na ito, hindi ko ito nakitaan ng eksistensyalidad ng gumawa, sabagay istilo mo ito.

    maayos ang pagkakasalansan ng diwa sa pagitan ng mga salita, maayos rin ang kronolohiya nito, simula sa Dec. 16 hanggang sa dec 25.

    ... at tumpak na tumpak ang pamagat sa akda!

    mahusay!

    -- Jimson Buenaobra
    obra obrero 2011

    TumugonBurahin
  2. matapos kong basahin ang akda mo .. nkaramdam ako ng kakaibang saya .. kc iba tlga ang pasko sa PINAS .. nanabik akong bigla sa pagsapit ng pasko .. MAGALING !! ipagpatuloy

    TumugonBurahin