Huwebes, Setyembre 29, 2011

Juan dela Cruz

Ni Jamaica V. Furaque

Magandang araw po.

Isang malaking karangalan po ang maging tagapagsalita sa araw na ito. Sadyang napakalawak po ng sakop ng paksang “Filipino identity”, kaya naman po nais kong ipabatid sa inyo na ang pokus lamang po ng papel na ito ay ang pagkilala kay Juan dela Cruz na simbolo ng mamamayang Pilipino.

Kung may Uncle Sam ang Amerika, mayroon naman Juan dela Cruz ang Pilipinas. Ang lalaking nakasalakot, nakabarong at nakatsinelas. Sigurado ako na lahat tayo’y kilala siya dahil madalas siyang bumida sa mga editoryal ng pahayagan, plakards ng mga aktibista, islogan ng mga politiko tuwing eleksyon at ng mga estudyante tuwing Buwan ng wika.

Subalit alam n’yo ba ang kasaysayan ni Juan dela Cruz? Narito ang maiksing pagtalakay sa kasaysayang ihahain ko sa inyo. Kasabay ng pananakop ng mga kastila ay ang pagbibigay ng mga pangalan sa mga Pilipino ng pangalang mula sa Biblia. Talamak ang pangalang Juan dela Cruz at napansin ito ni Robert McCulloch Dick, isang Scottish na mamamahayag sa Philippines Free Press. Napuna niya na ang karaniwang pangalan sa mga talaan ng korte at pulisya ay Juan dela Cruz, naging laman ng mga artikulo niya ang mga nagawang krimen ni Juan; kaya naman ikinabit na niya ang pangalang Juan dela Cruz bilang simbolo ng mamamayang Pilipino. Ibigsabihin, isinilang ang simbolo ng mamamayang Pilipinong Juan dela Cruz dahil sa pagiging kriminal nila.

Gayunpaman, sa paglipas ng panahon ay nabago ang pagkakakilanlan kay Juan. Napalitan na ang kanyang imahen at naging isang taong masayahin, dahil sa kabila ng maraming problema ay nagagawa pa ring ngumiti at tumawa. Patunay dito ang mga eksena sa balita na tuwing may nagaganap na sakuna, habang kinapapanayam ng mamamahayag ang isang biktima ay mapapansing ang mga tao sa likod niya ay ngiting-ngiting kumakaway pa at hindi alintana ang sakunang nangyari. Nakatatawa pero totoo. Naniniwala ako na tanda ito ng pagiging matatag at masayahin ng mga Pilipino.

Napalitan na rin ang pagkakakilanlan ni Juan ng isang taong magiliw sa bisita dahil sa pagiging maasikaso niya. Hindi na bago ang sitwasyon sa tahanan ng mga Pilipino na sa tuwing may darating na bisita ay labis ang pagsisilbing ginagawa nila. Nariyan ang ipaghahain nila sila ng pinakamasarap na pakaing mayroon sila, ipagtitimpla ng kung ano-anong inumin at handa ring ipagamit ang kanilang pinakamagandang higaan, unan at kumot maging komportable lang sila. Tanda na rin ito ng pagiging palakaibihan ni Juan. Kakaiba ang makitungo si Juan hindi ba?

Mula sa pagiging kriminal, ‘di na lingind sa ating nabago na ang pagkakakilanlan ni Juan sa pagiging masayahin, matatag at palakaibigan. Mula sa negatbong imahen napalitan na ito ng positibo. Umusbong na at nakilala na ang tunay na katangian ni Juan. Isinilang na ang bagong Juan dela Cruz.



2 komento:

  1. Maganda po ang nilikha mong akda, puno ng impormasyong tunay na makatutulong upang umusbong ang ating kaalaman, ganun pa man mayroon lamang akong napuna sa paglalathala ng iyong akda, medyo may kaunting typographical error. ayun, edit-edit lang maganda na. :) - EARDON JAN V. REYES

    TumugonBurahin
  2. MABUHAY ! ka JUAN ! :)) malinaw na naiparating ang mensahe sa mambabasa... sang ayon din ako sa sinabi ni eardon mdyo linisin nlng para mas maging mabisa .. pero sa kabuohan ay mganda nmn .. pagyamanin pa ang kaalaman s pgsulat ! ;)

    TumugonBurahin