Miyerkules, Setyembre 28, 2011

Nararapat lamang na Ipagmalaki!

Ni: Carina G. Nocillado
Pasok sa talumpati ng pulitikong nangangampanya

            Pinagpala ang mga Pilipino pagdating sa talento. Mga talentong tunay na natural at kinawiwilihan ng lahat ng tao sa buong mundo. Kakayahang nakapag-aangat sa kanilang sarili at maging sa kanilang bayang Sinilangan.

            Sinong hindi nakakikilala sa tinaguriang Miss Saigon na si Lea Salonga. Pinalakpakan , kinilala ng buong mundo.

            Maaaring sabihin ninyo na matagal na itong nangyari, ito ang bago.

            Pagdating sa kantahan at pakikipagsabayan sa iba pang sikat na mang-aawit, walang hindi nakakikilala kay Bruno Mars na isang Fil-Am at sa kaniyang awiting “Just the Way You Are”.

            Idagdag pa pagdating sa biritan ang labinwalong taong gulang na Pilipina na si Charice Pempengco na nakalibot na din sa buong mundo at nakasama pa sa sikat na palabas na Glee.

            Sa usapin ng pampalakasan, si Manny Pacquio na isang Pilipino ang unang maiisip. Buong mundo ba naman ang nakatutok sa tuwing siya ay may laban sa boksing.

Bukod sa boksing naging kilala din ang mga Pilipino sa isports na “football” dahil sa Team Azkals.

Higit sa lahat, sinong hindi nakaaalam sa isports na “basketball”?, wala naman siguro. Eric Spoelstra isang Fil-Am na naging coach ng sikat na basketball team na Miami Heat na mayroon lang naman na 148 na panalo.

At ngayon lang, may imbensyong kinokontrata ang Europa ang State of the Art Electric Sports Car, kotseng hindi kailangang i-recharge dahil self- charging na tila may buhay. Sinong lumikha? Si Jan Kierulf, isang Pinoy lang naman!

Naniniwala ako na lahat ng tao ay nagnanais na maging sikat at matagumpay na tulad nila. Ngunit paano ito magaganap?

Simple, magtiwala sa sarili at tumanggap ng tulong, huwag maging makasarili.

Kailangan ng mga programa na makatutulong sa paghubog ng mga talento at gisingin ang mga natutulog pang kakayahan ng mga Pilipino na ipinagkaloob ng Maykapal.

Mga programang magbibigay daan sa tagumpay ng bawat isa dahil ito ay sinusuportahan.

Una, ang pagpapatayo ng mas marami pang gusali na magiging “workshop center” ng lahat ng taong gustong magpakita ng kanilang mga natatanging talento. Ito ay   may  pagkakatulad din sa  mga “workshop center” ng mga naglalakihang istasyon sa telebisyon, ABS-CBN, Studio 23, GMA at TV 5 ang ikinaiba nga lang nito ay mas abot kaya ang pagpasok dito. Ang gusali sa unang palapag ang magiging “dance workshop”, ang ikalawa ay para sa “singing workshop” at ang ikatlo ay inihahandog para sa mga mahuhusay sa pag-arte at nagnanais na maging mas mahusay pa dahil sa “acting workshop”.  Ang sinumang magtatapos sa nasabing “workshop center” ay pagkakalooban ng katibayan ng pagtatapos at tutulungan ding magkaroong ng trabahong naaayon sa kanilang pinag-aralan. Sa ganitong paraan ay unti-unti silang makikilala sa ating bansa at kung maglaon ay maging ng ibang bansa.     

Ikalawa, ang paglalaan ng pondo para sa mga pambatong atletang lumalaban sa mga palaro lokal man o internasyunal. Ang suporta at pondong ito ang magbibigay sa kanila ng pag-asa at dedikasyong gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang maipanalo ang kanilang laban. Ito kasi ang kulang at halos nga wala ng pondong nakalaan dahil sa dami ng problemang kinahaharap ng bansa kaya’t nalilimutan. Sa simpleng pagpapatayo ng mga “basketball court” sa bawat barangay ay malaking tulong na sa paghasa ng kakayahan ng Pilipino pagdating sa usapin ng pampalakasan.

Sa pagdami ng matatalinong Pilipino ay dumadami din ang mga bagong imbensyon na kanilang nalilikha. Dahil dito, bakit hindi magkaroon ng mas marami pang ahensya na magpaparangal sa mga imbensyon ng Pinoy bukod sa ahensyang  mayroon na sa ating pamahalaan?

Ikatlo, ang pagpapatayo ng mga ahensyang magbibigay pansin sa mga likhang bagay ng mga Pilipino. Kailangan ang mga imbensyon sapagkat makatutulong ang mga ito sa ating bansa dahil sa maaari itong i-export sa ibang bansa upang mapagkakitaan.

Katulad ng Coco Water na ini-export sa Amerika at sa marami pang bansa. Kailan lamang ito natuklasan gayong sinaunang panahon pa ang mga puno ng buko sa ating bansa. Dulot ito ng kakulangan ng mga ahensya na papansin sa mga brilyanteng ideya ng mga Pinoy. Kung marami ang ahensyang magbibigay pansin sa mga kakayahan ng Pinoy, hindi na nila kailangan pang ibenta sa ibang bansa ang kanilang kakayahan at imbensyon.

Hindi ibig sabihin ng pagpapatayo ng mga simpleng mamamayan na nais maglingkod sa kapwa ng mga gusali na magbibigay  pansin sa mga kakayahan ng mga Pilipino ay dahil sa hindi na ito tinutugunan ng gobyerno ng Pilipinas gayong sila ang may responsibilidad dito. Marami din silang nagawa upang ipakilala ang mga Pilipino sa ibang bansa iyon nga lang ay tila hindi pa sapat.

Sabihin na lang natin, na hindi lahat ay kailangang iasa sa pamahalaan. Kailangan din nating kumilos at ang pagkilos na magagawa ng bawat isang mamamayan ay hindi ang bumatikos kundi ang mag-isip ng mga bagay na makatutulong sa pag-angat ng kabuhayan ng bawat isa at saka ito isigaw sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga opisyal nito. Dahil alam naman natin na lahat ng katulong ng pamahalaan sa pamamahala ay sa puno pa rin umaasa sa lahat ng bagay prtikular na sa usapin ng pinansyal.

Ang kailangan nating tanggalin sa umpisa pa lamang ay ang anumang pagdududang nabubuo sa ating isipan. Kailangan nating magtiwala na tayo ay sinusuportahan ng mga taong pinili nating maglingkod sa atin, na tinutugunan ng pamahalaan ang ating mga pangangailangan.

Sa pamamagitan ng mga programang mailulunsad ay unti-unting babangon mula sa pagkakatulog ang mga Pilipino. Lalo silang magkakaroon ng dedikasyong umangat dahil sa alam nilang sila’y sinusuportahan at hindi pinababayaan.

Magkaisa tayong ipakilala ang talento ng mga Pilipino. Suportahan natin ang bawat isa para sa pagbabago.  




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento