Miyerkules, Setyembre 28, 2011

Minamahal Kong Kababayan...

J. A. Luis

Isang magandang araw sa inyo, aking mga kababayan.

Unang-una, ako’y nagpapasalamat sa pagpapatuloy ninyo sa akin dito. Maraming salamat, dahil binigyan niyo ko ng karapatan na magsalita ngayon.

Batid ko na marami sa inyo ang may alam kung bakit ako narito. Para sa mga hindi nakakaalam, ako po ay nangangampanya para sa pagka-Mayor dito sa ating lugar.

Ang pagiging Mayor ay isang mahirap na tungkulin. Hindi lamang dahil kailangan mong paunlarin ang isang lugar, kung hindi kailangan mong timbangin ang mga bagay-bagay kung ito ay makakasama o makakabuti para sa nakararami.

Alam ko, na marami sa inyo ang nagdududa sa aking kakayahan na pamunuan kayo. Hindi lamang dahil ito’y unang beses na ako’y tatakbo, kung hindi dahil ako’y babae. Ito ang mga madalas kong marinig.

Para sa akin ang isang babae ay parang isang bamboo. Alam niyo ba kung bakit? Dahil ang bamboo, dumaan man sa maraming bagyo ay nanatili pa rin itong nakatayo. Dahil sumasabay lamang ito sa ihip ng hangin at pagkatapos ng unos ay nakatayo pa rin. Hindi tulad ng mga punong santol, kapag dumaan ang malakas na ihip ng hangin, hindi ito sumasabay. Kaya pagkatapos ng unos ay nakatumba na.Ang nais kong iparating ay ang babae, kaya nilang lampasan ang mga pagsubok sa sarili nilang paraan. Kaya nilang bumangon pagkatapos ng unos.

Nais kong ihalintulad ang pinuno ng komunidad sa isang ina. Sa isang pamilya, ang ina ang nakaaalm ng makabubuti para sa kanyang mga anak. Ang ina ang nag-aalaga sa buong pamilya. Ano nga ba ang kasarian ng ina? hindi ba’t babae? Kaya naniniwala ako na dapat isang babae ang mamuno sa ating lugar.Dahil mas alam nila ang makabubuti para sa nakararami.

Ako’y representante ng mga kababaihan na naghahangad lamang ng kabutihan para sa ating lugar. Gusto kong maging Mayor dahil gusto kong mapanatili ang mga kaugaling Pilipino na mapagmahal sa pamilya at higit na respeto sa mga kababaihan. Mga pagkakakilanlan ng mga Pilipino na itinuro sa atin ng ating mga ina. Mga kaugalian na ating kinamulatan.

Muli, maraming salamat sa inyong pakikinig. Nawa’y iboto ninyo ako. Ang taong nais mapanatili ang mga kaugaliang Pilipino na isa sa mga pagkakakilanlang Pilipino.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento