Sabado, Oktubre 8, 2011

Simulan natin ang pagbabago!!!

Ni Rodelyn Flores

Pagbati sa inyong lahat.

Isang karangalan ang humarap sainyo ngayon. Ako ay kasapi sa Bantay Kalikasan ng ating bansa.

Sagana sa likas na yaman ang Pilipinas. Tayo’y biniyayaan ng ating Diyos ng mga magagandang kalikasan. Simula Apari hanggang Hulo na mumukadkad ang mga tanawin. Mga tanawin na nakapupukaw ng pansin nino man at maipagmamalaki sa buong mundo.

Sabi nga nila ang anumang nakapaligid sa atin ay sinasalamin nito ang ating pagkatao. Ibig sabihin ang ating kapaligiran ay sumasalamin sa pagkatao nating mga Pinoy. Ito’y nakatatak sa ating pagkaPilipino. Tanong ko lang, nakapupukaw pa rin ba ng pansin ang ilan sa ating mga tanawin na ipinagmamalaki? Sa aking palagay, hindi na ganoon karami ang mga magagandang tanawin dito sa ating bansa. Ito’y marahil sa paglipas ng panahon , ang ating bansa’y na dedebelop. Umunlad ang ating ekonomiya, imprastraktura at nagkaroon ng mga makabagong teknolohiya dala ng ating pakikipag-ugnayan sa mga banyaga. Samakatuwid ang pag-usbong ng ating bansa ay nakaapekto sa ating likas na yaman. Ito’y dahil masyado tayong nasilaw sa mga produkto ng iba hindi na natin binigyan ng pansin ang ating mga likas na yaman. Ngayon ang ating kapaligiran ay puno na ng polusyon. Unti-unti nang nasisira at nauubos ang yaman ng ating kalikasan. Tayo’y nilikha ng Diyos upang sila’y pangalagaan dahil sa kanila rin tayo kumukuha ng ating ikinabubuhay. Sila rin naman ay may buhay kaya nararapat lamang na atin silang protektahan at ingatan, katulad ng pag-iingat natin sa ating mga buhay.

Gaya nga nang nasabi ko kanina na ito’y sumasalamin sa ating pagkatao. Gusto ba natin na dungisan pa ang ating pagkaPilipino? Sa pagkakataong ito huwag na nating hayaan na dungisan pa ang ating lahi. Gumising tayo sa realidad! Kumilos upang hindi tuluyan maubos at masira ang ating kapaligiran ganoon din ang ating lahi. Huwag natin sayangin ang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Simulan natin ang pagbabago sa ating sarili, tahanan, barangay hanggang sa ito’y kumalat. Ito’y magsisilbing inspirasyon sa iba pa nating kababayan at sa buong mundo.

Pangalagaan, pagyamanin at payabungin ang kalikasan ito’y ating kayamanan.

Si Juan Dela Cruz

Ni Rodelyn Flores

Sino nga ba si Juan Dela Cruz? Kilala mo ba sya? Kung hindi ipapakilala ko siya sayo. Wala ka bang ideya tungkol sa kanya?

Si Juan Dela Cruz ay isang Pilipino. Naninirahan sa Pilipinas. Kayumanggi, mabilog ang mga mata at sarat ang ilong. Marami siyang katangian ng sadyang nakabibighani. Si Juan ay mapagmahal. Mapagmahal sa lahat ng bagay: sa pamilya, sa wika, sa kapwa, sa bansang sinilangan at higit sa lahat sa ating Poong Maykapal. Si Juan ay may takot at paniniwala sa Panginoon. Siya ay marunong makisama sa kahit sino. Maging sino ka man hindi ka niya ituturing na iba kahit ika’y isang banyaga. Sabi nga nila si Juan daw ay maasikaso sa bisita. Tintanggap ng mainit ang bisita at pinapakitaan ng maayos. Marunong din makipagbayanihan si Juan siya’y tumutulong sa nangangailangan kahit hindi niya pa iyon kakilala. Tutulungan sa abot ng makakaya. Si Juan ay may delicadeza dahil siya’y kumikilos ng tama at naaayon sa lugar. Palabra de Honor dahil siya’y may isang salita. Tinutupad niya ang kanyang sinasabi dahil siya’y may paninidigan.

Ilan lamang yan sa mga kaugalian ni Juan Dela Cruz . siya’y isang halimbawa ng isang mabuti at mabisang produkto ng Pilipinas.

Identity Crisis

Ni L.C.P.

Bakla? Ako? Sino nga uli ang bakla? Hoy hindi ako bakla noh! Ahitan kaya kita ng kilay dyan?!


Madalas tayong nangungutya ng mga taong nasa third sex.Hindi tinatanggap sa lipunan, syokla,bading! Kung asarin ng  mga kabataan at kung minsan ay dinidisiplina kung nagdudulot na ng kahihiyan. Bakit kami ganito? Ang sagot ko dito’y nalilito lamang po kami sa aming pagkatao. Kayong mga Pilipino, bakit pa ba kayo nalilito sa tunay ninyong pagkatao? Kung gayo’y maaari din ba naming kayong matawag na mga bakla?

Magandang araw po!

Leo—Le- Leonliyn po, ang inyong lingkod!

Ang paksa sa araw na ito ay ukol sa mga kadahilanan kung bakit nalilito pa rin sa sariling identidad ng mga Pilipino. Ang paksang ito ay iuugnay ko sa aking pagkatao. Bukod sa pagiging Pilipino ay bakla din po ako. Naghahanap ng lalaking mababahaginan ng aking kayamanan, nanjo-jombag ng kababaihan kung kinakailangang ipaglaban ang katarungan. Ngunit higit sa mga ito ay ang aking katauhan. Lalaki ang lumabas sa aking kasarian ngunit babae sa puso’t isipan. Gayundin naman ang mga Pilipino na sa Pilipinas isinilang ngunit lumipad sa  europa o amerika ang kaisipan. Napakalayo ng narrating ng pagkalito nila samantalang ako, simpleng bakla, nasa sarili lamang ang pagtitiyak.

Aminado ako na nais kong magbago sa katawan ng isang babae. Sinong bakla ang hindi mangangarap nito? Nagpapahaba ng buhok ,nagpapaliit ng balikat at nagpapalaki ng bewang , nagme-make up , nagpapaturok at iniipit ang dapat ipitin. Panigurado, bakla ka kapag napagtagumpayan mo ang mga ito ! Hindi namin binabago ang aming pagkatao,ginagawa lang naman namin ito upang matanggap kami ng lipunan, na makita nila na may halaga rin kami bilang tao na nilalang ng Panginoon.

Subalit kaming mga bakla , nagpapanggap man ay mula naman sa puso.  Subalit hindi ba't mas malala pa sa amin ang mga Pilipinong mapagpanggap? Nagpapableach ng balat o di kaya'y nagpapaturok ng glutathione sa kamay para lamang magkutis labanos tulad ng mga amerikano o kaya'y kastila. Nasanay na kasi tayong mga Pilipino na ang depinisyon ng kagandahan ay ang kaputian tulad na lamang ng kutis ng mga banyagang Europeo.Nagpapa-Blonde ng buhok , bumibili ng kilalang produkto mula sa ibang bansa . Ngunit para sa kanila? nasaan ang pgkukunwari nila? Upang magkaroon ng sosyal na istatus? Magkaroon ng palaban na pagkatao?Iyan ang dahilan kung bakit nalilito ang ilang Pilipino kung ano ang kultura ang dapat sundin. Napagtibay ko, maaari kong tawaging bakla ang mga Pilipinong nasa ganitong uri ng pagkatao


Mayroon din namang mga Pilipino na nalilito sa sarili nilang pagkatao dahil sa kawalan ng sapat na edukasyon kung paano at bakit pa kailangang tukuyin at paunlarin ito.Hindi nnatin sila masisisi. Para sa ating mga edukado, madaling sabihin na diskarte lamang sa buhay ang kailangan subalit mahirap itong isakatuparan ng taong lugmok sa kahirapan.Tignan niyo na lamang ang mga mahihirap nating kababayan na wala man lang pang martrikula kahit nasa pampublikong paaralan.Ngunit ang ibang Pilipino, patuloy ang walang habas na pagkuha ng mga mahihirap kung kaya't ang mga mahihirap ay lalo pang naghihirap . Sapagkat sa bawat sentimong iyong ikinayayaman ay ipinagkakait mo sa isang mahirap na nilalang pag pagkakataon upang umulad siya sa kinasasadlakan niya sa buhay.

Hindi ako naging bakla para magkaroon ng social status at ipagkait sa kapwa ko Pilipino ang karapatang maaari nilang makamtan.Oo, bakla ako pero hindi ko ikinahihiya ang pagiging Pilipino ko. Maaaring hindi ako tanggap ng ilang sektor ng lipunan dito subalit ipinagmamalaki ko na parte pa rin ako nito at mayroon akong ginagawang aksyon upang mapaunlad ang aking sarili kung saan kaisa rin ako sa paghahatak ng pag unlad ang ating bansa

Samakatuwid, Ang mga kadahilanang aking binaggit upang magkaroon pa ng kalituhan ang mga Pilipino sa ating nasyunalidad ay hindi solusyon sa pagpapalago ng kultura at lahing Pilipino , hindi ang kasagutan upang umunlad ang ekonomiya ng ating bansa.

Ang tagumpay sa pagmamalaki na Pilipino ang lahi natin ay  nakukuha sa pamamagitan ng pagsisikap at sa pagpupunyagi gamit ang mga kasangkapang ipinagkaloob sa atin ng panginoon. 

ni Leonilyn C. Palaran

Walang Tunay na Kalayaan

Ni Leonilyn C. Palaran

Kalayaan, kalayaan ,kalayaan. Isang simpleng salita subalit ilang ulit nang nakapagdulot ng ligaya sa buong sambayanan Pilipino.Bakit nga ba napakahilig ng mga Pilipino sa kalayaan?

Magandang araw po sa mga tagapakinig at sa inampalan!

Kalayaan!

Iyan ang palaging sigaw ng mga Pilipino. Hindi maikakailang mahilig sa kalayaan ang mga mga ito.
Sa pagdaong ng barko ng mga mga dayuhang mananakop at mangangalakal, bitbit ang kanilang lahi, kultura, at paniniwala. Sa ilalim ng tatlong daang taon na pang-aalipin at pangungutya ng mga kastila sa lahing Pilipino, sino nga ba ang hindi magsasawa?

Una pa lang nang mabalitaang dumaong si Magellan sa San Lazarus ay kinagalitan na siya ni Lapu-Lapu. Matalino ang mga ninunong Pilipino, batid ang tunay na hangad ng mga dayuhan sa pagdaong sa ating lupain , na sa kinabukasan ang lahi nati’y gagawing alipin..

Sa Europa sumibol ang kaisipang liberalismo subalit sa Pilipinas naunang ipinakita ang bunga nito, ang nasyonalismo. Nang magbukas ang kanal Suez, higit na napadali ang pagdaong ng mga barko mula sa mga bansang Europeo at napabilis ang komunikasyon mula sa mga kabataang edukado at idealista ang pag-iisip, hindi nakapagtatakang madali nitong nahawaan ang ating matatalinong ninunong kabataang Pilipino kahit pa hindi sila edukado sa paaralan na pinamumunuan ng limang orden  ng simbahan. Inaapi, walang lugar sa Lipunan, iyan ang kinahihinatnan ng mga sawing palad na ninunong Pilipino noong panahon ng mga Kastila sa sariling bansa. Simula nang matutuhan ng mga Pilipino ang salitang kalayaan ay hindi na niya ito pinakawalan. Isang pagkukulong,walang kalayaan.

Ano nga ba ang tunay na depinisyon ng kalayaan? Ang pagkakawala sa gapos ng mga dayuhan?Ang pagkawala sa sentralisadong kaisipan? o ang pagsigaw sa lansangan ?

Walang tunay na kalayaan sapagkat lahat tayo ay may kalayaan na gawin ang lahat ng bagay na nais natin.Lahat tayo ay may karapatan sa bansang ating ginagalawan. Lahat tayo ay binibigyan ng karapatan na mapakinggan.Subalit sa bawat karapatang ating tinatamasa ay mayroong katapat na responsibilidad.OO, hawak natin ang ating buhay at pagtatagumpay subalit kung ang pamamaraan ng pag-abot natin dito ay ang pagtapak sa ngalan ng iba nating kababayan, nababawasan ang ating karapatan at nawawala ang tiwala ng iilan.

Walang tunay na kalayaan sapagkat hindi nakukuntento ang sangkatauhan sa bagay na kanyang nakamtan. Ito ay natural na bilang isang tao na nabubuhay sa mundo ng kasalukuyan kung saan materyal na bagay ang palaging tinatalakay. Lagi natin nararamdamang mayroong kulang kahit wala naman.Nararamdaman nating wala tayong kalayaan sa paggawa ng mga bagay na nais nating gawin.Hindi madaling makuntento ang tao.Kung gayon ay walang tunay na kalayaan.

Paggamit ng alibata sa kasalukuyang panahon, pabor ka ba?

Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat.

Lahat tayo ay tinuruang sumulat nang bata pa lang tayo. Lahat tayo ay nakilala ang Alpabetong Filipino. At ito ang ating naging sandata sa lahat ng aspeto ng buhay magpasahanggang ngayong. Ang kaalamang ito ay kasa-kasama natin sa bawat oras at sandali. Hindi tayo matututong bumasa kung hindi tayo marunong sumulat.

Subalit paano kung ang kinilala nating mga ttik ay biglang baguhin at ang alibata o ang baybayin na sinaunag palatitikan ng mga ninuno nating Pilipino ay ibalik at iutos na ito ang na ang gagamitin, papayag ka ba? Iyan po ang paksa ng aking talumpati ngayon.

Matagal na nating kasa-kasaman ang Alpabetong Filipino. Katuwang natin ito sa pag-aaral. Natutunan natin ang matematika mula sa pinaka simpleng pagbilang hanggang sa paglutas ng mga problema sa algebra, geometry at trigonometry. Natutunan natin ang agham mula sa pagkilala ng ating 5 senses hanggang sa biology, chemistry at physics. Natutunan din nating bumasa ng aralin hanggang sa pagbasa ng mga akdang Pilipino at banyaga. Kasa-kasama natin ito sa pagkatuto.

Malayo na ang narating ng mga Pilipino na kasama ang Romanisadong titik, hindi na kailangan pang ibalik ang dati. Subalit hindi nangangahulugang itatakwil at kalilimutan na ito. Mananatili pa rin itong parte ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Kahit na Alpabetong Filipino ang ginagamit nating titik, mananatiling alibata ang tunay na tatak ng mga Pilipino sapagkat kahit anong mangyari, mananatili pa rin itong ebidensya na ang mga ninuno nating Pilipino ay may sarili nang sistema bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila.

Ang hindi paggamit ng alibata ay hindi nangangahulugang itinatakwil na natin ang pagka-Pilipino natin. Sadyang mahirap lang talagang gamitin ang sistemang pabaybay sa kasalukuyang panahon na patitik na ang sistema. Malaki ang pagbabago nito sa atin.

Sa tingin ko, walang masama sa pagyakap ng titik- Romano. Hindi naman natin kinalilimutan ang sinaunag sistema. Ang kailangan lang ay maitaguyod ang pagbabahagi sa mga bagong henerasyon ng kabataan ang kasaysayan ng ating bansa kabilang na rito ang pagpapakilala sa ating sinaunang sistema ng pagsulat… ang alibata.

100 % Tatak Pinoy

ni Rachelle A. Rangasajo


Isang kagalakan sa isang kabataan noong unang panahon ang pagdating ng pagbilog ng buwan dahil hudyat ito ng isang maliwanag na gabi at ano pa nga ba ang pinakamagandang gawin tuwing gabi kasama ang mga kalaro kundi ang maglibang. Larong pinoy kung tawagin ang mga larong ito na nagiging pampawi ng pagkabugnot ng ilan. Mga larong simple at madaling matutunan na maaaring gawin ng babae man o lalaki. Mga larong unti-unti nang nakalimutan dahil sa pag-usbong ng mga bagong mapagkakaabalahan at maging ng mga bagong kagamitan

Una sa listahang ito ang patintero, isang larong nangangailangan ng apat o higit pang manlalaro bawat pangkat. Maaari itong laruin sa isang maluwag na bakuran o kahit na sa kalsada. Magtatakda ng miyembro sa bawat guhit at kailangan lamang na mahawakan ang mga tumatawid na kalaban upang masabing nataya na ito at panahon na para sa kabilang pangkat maglaro. Magandang pang-ensayo ng katawan at pagpapakita ng maayos na komunikasyon sa mga kakampi at pagpapasensya.

Taguan ang paborito ng mga kalalakihan. Magtatago ang iba habang nakapikit ang taya at pagkatapos ay magbibilang ng hanggang sampu,panahon na para hanapin ang mga ito; ang unang makita ang susunod na magiging taya. Isang laro na nagpapakita ng tiyaga at pagsasabi ng katotohanan.

Piko naman ang para sa mga kababaihan na isinasagawa sa pamamagitan ng paghagis ng pamato na maaaring bato o bakya sa guhit na isinulat sa lupa at paglundag-lundag sa guhit na hindi dapat ito natatapakan.isang halimbawa na magpapatunay a sa pagiging mapamaraan ng mga Pilipino na sa simpleng paraan ng paglilibangay hindi na kailangan ng komplekadong pamamaraan.

Ilan lamang ito sa mga naipasa ng ating mga ninuno sa atin. Mga larong di kailangan ng masyadong maraming kasangkapan at laruan upang magamit panglibang. Di kailangan ng komplekadong pamamaraan at panuto upang mabuo, tama na ang mga alituntuning maaaring matutunan at din a kailangan ng mahabang usapan.

Ang mga larong itoang isa sa mahalagang parte ng ating kultura mga yaman na mula sa ating mga ninuno. Bunga ito ng kanilang malikhaing pag-iisip at mga katawang di mapakali sa tabi. Isang pagpapaalala sa mga katangiang Pilipino tulad ng pagtanggap ng pagkatalo at pagiging malikhain. Isa din itong patunay na ang mga Pinoy kailan man at sa kahit na anong panahon kailan man ay hindi malilimutan ang tumawa at magsaya kahit na sa simpleng paraan.

Di ito kailan man isang pag-alala ng kahapon kundi isang pagpapakita ng isang kulturang natabunan na ng mabilis na pagbabago ng panahon. Huwag nating isipin na ito ay isang bagay na nawala na sa uso o di kaya naman ay pampapawis lamang na aktibidad kundi isang gawain na tatak ng isang kabataang Pilipino.

Modernisado Si Huwan

ni: hazel ann lunas

Si Huwan nga ba’t tuluyan nang nilamon ng pagiging modern? Natabunan na ng pang sariling interes kaya pati kapaligiran ay dinaig ng pagiging makasarili. Matagal na Huwan, o matagal na, matagal nang nasisira ang kalikasan dahil sa iyong pagiging modernisa. O Huwan, patuloy mong pinapaitim ang dati’y bughaw na mga karagatan sa patuloy na pagtapon mo ng mga kemikal na masama sa kalusugan. O Huwan, sampu sampu ang kotse mo, ginagamit mo pa lahat itopag pupunta ka sa kanto, di mo man lang nakita ang epekto ng maitim na usok nito sapagkat sarili mo lang ang iniintindi mo. O Huwan, patuloy mong pinapaputol ang mga puno at pinapapatag nag kabundukanpara lamang pagtayuan ng mala-Kastilyo mong tahanan na ikaw lang naman ang laman. O Huwan, patuloy ka sa paggamit ng plastikpero tinatapon mo lang ito sa kung saan-saan, balak mo atang balutin ng plastic si Inanag Kalikasan.

                O bakait, bakit Huwan, nasisikmura mo ang pagkasira ng kalikasan, ang magandang larawan ay ginagawa mong si kanais-nais sa paningin ninuman. O Huwan, patuloy kang nagiging maunlad at modernisado, pero para saan ang lahat ng ito kung sira na ang mundong tinitirhan mo.