Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Talumpati para sa Patimpalak. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Talumpati para sa Patimpalak. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Oktubre 8, 2011

Walang Tunay na Kalayaan

Ni Leonilyn C. Palaran

Kalayaan, kalayaan ,kalayaan. Isang simpleng salita subalit ilang ulit nang nakapagdulot ng ligaya sa buong sambayanan Pilipino.Bakit nga ba napakahilig ng mga Pilipino sa kalayaan?

Magandang araw po sa mga tagapakinig at sa inampalan!

Kalayaan!

Iyan ang palaging sigaw ng mga Pilipino. Hindi maikakailang mahilig sa kalayaan ang mga mga ito.
Sa pagdaong ng barko ng mga mga dayuhang mananakop at mangangalakal, bitbit ang kanilang lahi, kultura, at paniniwala. Sa ilalim ng tatlong daang taon na pang-aalipin at pangungutya ng mga kastila sa lahing Pilipino, sino nga ba ang hindi magsasawa?

Una pa lang nang mabalitaang dumaong si Magellan sa San Lazarus ay kinagalitan na siya ni Lapu-Lapu. Matalino ang mga ninunong Pilipino, batid ang tunay na hangad ng mga dayuhan sa pagdaong sa ating lupain , na sa kinabukasan ang lahi nati’y gagawing alipin..

Sa Europa sumibol ang kaisipang liberalismo subalit sa Pilipinas naunang ipinakita ang bunga nito, ang nasyonalismo. Nang magbukas ang kanal Suez, higit na napadali ang pagdaong ng mga barko mula sa mga bansang Europeo at napabilis ang komunikasyon mula sa mga kabataang edukado at idealista ang pag-iisip, hindi nakapagtatakang madali nitong nahawaan ang ating matatalinong ninunong kabataang Pilipino kahit pa hindi sila edukado sa paaralan na pinamumunuan ng limang orden  ng simbahan. Inaapi, walang lugar sa Lipunan, iyan ang kinahihinatnan ng mga sawing palad na ninunong Pilipino noong panahon ng mga Kastila sa sariling bansa. Simula nang matutuhan ng mga Pilipino ang salitang kalayaan ay hindi na niya ito pinakawalan. Isang pagkukulong,walang kalayaan.

Ano nga ba ang tunay na depinisyon ng kalayaan? Ang pagkakawala sa gapos ng mga dayuhan?Ang pagkawala sa sentralisadong kaisipan? o ang pagsigaw sa lansangan ?

Walang tunay na kalayaan sapagkat lahat tayo ay may kalayaan na gawin ang lahat ng bagay na nais natin.Lahat tayo ay may karapatan sa bansang ating ginagalawan. Lahat tayo ay binibigyan ng karapatan na mapakinggan.Subalit sa bawat karapatang ating tinatamasa ay mayroong katapat na responsibilidad.OO, hawak natin ang ating buhay at pagtatagumpay subalit kung ang pamamaraan ng pag-abot natin dito ay ang pagtapak sa ngalan ng iba nating kababayan, nababawasan ang ating karapatan at nawawala ang tiwala ng iilan.

Walang tunay na kalayaan sapagkat hindi nakukuntento ang sangkatauhan sa bagay na kanyang nakamtan. Ito ay natural na bilang isang tao na nabubuhay sa mundo ng kasalukuyan kung saan materyal na bagay ang palaging tinatalakay. Lagi natin nararamdamang mayroong kulang kahit wala naman.Nararamdaman nating wala tayong kalayaan sa paggawa ng mga bagay na nais nating gawin.Hindi madaling makuntento ang tao.Kung gayon ay walang tunay na kalayaan.

Paggamit ng alibata sa kasalukuyang panahon, pabor ka ba?

Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat.

Lahat tayo ay tinuruang sumulat nang bata pa lang tayo. Lahat tayo ay nakilala ang Alpabetong Filipino. At ito ang ating naging sandata sa lahat ng aspeto ng buhay magpasahanggang ngayong. Ang kaalamang ito ay kasa-kasama natin sa bawat oras at sandali. Hindi tayo matututong bumasa kung hindi tayo marunong sumulat.

Subalit paano kung ang kinilala nating mga ttik ay biglang baguhin at ang alibata o ang baybayin na sinaunag palatitikan ng mga ninuno nating Pilipino ay ibalik at iutos na ito ang na ang gagamitin, papayag ka ba? Iyan po ang paksa ng aking talumpati ngayon.

Matagal na nating kasa-kasaman ang Alpabetong Filipino. Katuwang natin ito sa pag-aaral. Natutunan natin ang matematika mula sa pinaka simpleng pagbilang hanggang sa paglutas ng mga problema sa algebra, geometry at trigonometry. Natutunan natin ang agham mula sa pagkilala ng ating 5 senses hanggang sa biology, chemistry at physics. Natutunan din nating bumasa ng aralin hanggang sa pagbasa ng mga akdang Pilipino at banyaga. Kasa-kasama natin ito sa pagkatuto.

Malayo na ang narating ng mga Pilipino na kasama ang Romanisadong titik, hindi na kailangan pang ibalik ang dati. Subalit hindi nangangahulugang itatakwil at kalilimutan na ito. Mananatili pa rin itong parte ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Kahit na Alpabetong Filipino ang ginagamit nating titik, mananatiling alibata ang tunay na tatak ng mga Pilipino sapagkat kahit anong mangyari, mananatili pa rin itong ebidensya na ang mga ninuno nating Pilipino ay may sarili nang sistema bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila.

Ang hindi paggamit ng alibata ay hindi nangangahulugang itinatakwil na natin ang pagka-Pilipino natin. Sadyang mahirap lang talagang gamitin ang sistemang pabaybay sa kasalukuyang panahon na patitik na ang sistema. Malaki ang pagbabago nito sa atin.

Sa tingin ko, walang masama sa pagyakap ng titik- Romano. Hindi naman natin kinalilimutan ang sinaunag sistema. Ang kailangan lang ay maitaguyod ang pagbabahagi sa mga bagong henerasyon ng kabataan ang kasaysayan ng ating bansa kabilang na rito ang pagpapakilala sa ating sinaunang sistema ng pagsulat… ang alibata.

Biyernes, Oktubre 7, 2011

Balikan. Sariwain ang dating mga Pilipino

Ni : Janica L. Ruiz

“Ating mga kultura ay balikan at huwag kalimutan, ating identidad ay kilalanin”

Ang atin pong tema sa patimpalak ng talumpating ito ay bagay sa panahon ngayon. Ngunit bago po ang lahat, binabati ko muna kayong lahat ng magandang araw. Ang atin pong tema ay napapanahon at babagay sa ating lahat. Sa ating mga Pilipino. Ngunit teka, Pilipino ka bang talaga ? Ang talumpati ko pong ito ay para sa ating lahat. Bata man o matanda. Pilipino nga ba tayong lahat ? siguro noon, ngayon ay hindi na. Tutal ang atin pong paksa ay tungkol sa identidad, nais kop o sanang sariwain natin ang nakaraan. Kung sino ang mga Pilipino noon.

Sa aking pagkakaalam, ang mga Pilipino noon ay masisipag. Mano mano ang pagtatrabaho. Pero ngayong nauso ang teknolohiya, kulang na lamang ay mga kompyuter ang magtrabaho. Totoo ngang napabilis at napagaan ng teknolohiya ang ating mga trabaho ngunit, tinuruan rin nito tayong maging tamad. Tinuruang umasa sa teknolohiya. Halimbawa na lang nito ang paggigiling ng bigas noon. Dati ay mano-mano ngunit ngayon, hayun teknolohiya na naman. Dahil rin sa teknolohiya, hindi na tayo marunong maghintay. Gusto natin ngayon,lahat ay mabilis yun tipong ora mismo.

Noon,ang mga Pilipino ay maginoo ngayon, karamihan ay hindi na. Dati rati, pinupuntahan pa sa bahay ng kanyang iniirog at doon ay liligawan pati ang mga magulang nagyon naman, sa text na lamang. Isa pang halimbawa ay mga pampasaherong sasakyan. Ang mga babae ngayon, kasingtibay na ng mga lalaki. Paano ba naman, kahit na nakatayo ang babae halimbawa sa bus ay hahayaan na lamang itong mangawit kakatayo. Hindi na sila maginoo gaya dati na papaupuin pa nila at ipagbibitbit pa ng gamit.

Ang Pinoy dati ay mas madasalin. Tuwing lingo, mapa’dalaga, binata at matanda, mataimtim silang nagdarasal sa bahay dasalan. Ngayon naman, minsan ginagawa pang tagpuan ang simbahan. Nakakalimutan na nga ring magdasal minsan.

Likas na matulungin. Hindi ka papabayaan. Tutulungan ka sa abot na makakaya. Ngayon, kahit nakikita kang naghihirap ayos lang basta hindi siya.

Likas na magiliw sa mga bisita. Diyan tayong mga Pinoy kilalang-kilala. Kahit walang pera, gagawa ng paraan para lamang may maihain. Hindi ka itataboy. Kahit utang, ayos lang basta komportable mga bisita nila. Ngayon naman, ang mga kabataan, hindi na tumatanggap o nagyayaya ng bisita.

Kahit walang pera, nakukuha pa ring tumawa. Eh saan ka nga ba makakakita na puro problema na nga, nakakatawa parin ? Pinoy talaga. Ang mga pasanin sa buhay ay idinadaan na lamang sa pagngiti. Kilang kilala sa bagay na iyan ang Pilipino.

Ang mga nabanggit ko pong iyan ay ilan lamang sa mga kaugaliang bihira ng taglayin ng mga Pilipino ngayon. Bagamat nakakalimutan, hindi parin ito mabubura sa isipan. Siguro nga ay nakakalimutan, pero dahil tayo ay puso at isip na Pinoy,naniniwala akong kusa itong babalik sa atin. Kahit ito ay mga kulturang nakalimutan, hindi ito maiaalis satin dahil naging malaki ang parte nito sa ating mga Pilipino.

Kaugaliang Pilipino at Kulturang atin, huwag nating kalimutan sa halip ay pagyamanin at ating balikan. Kaysarap isipin na nagbabago ang Pinoy na hindi nakakalimutan ang nakaraan sa halip gagamitin itong sangkap para mas mapabuti ang ating buhay. Maraming maraming salamat po sa pakikinig. Mabuhay ang Pilipinas. Pinoy tayo !

Sabado, Setyembre 17, 2011

UGALING PINOY

ni: Jean A. Luis

Sa mga guro, mag-aaral, at kapwa ko Pilipino, hayaan niyong makasama kayo.

Kilala ang mga Pilipino dahil sa maraming bagay. Isa na rito ang kanilang kagandahang asal. Kagandahang asal na nagpatayag sa kanila sa buong mundo.

Alam naman natin na gaano man kalaki ang problema ang mga Pilipino nakangiti pa rin. Sabi nga nila, huwag mong problemahin ang problema, hayaan mong ito ang mamroblema sa’yo. Ngitian mo na lamang at bahala na ang Diyos. Ang pagiging malapit sa Diyos ay isa ring dahilan kung bakit kaya nating lampasan ang mga pagsubok. Ang pagmamahal sa kanya ay nagbibigay sa atin ng lakas. Tipong kung minsan kala mo ikaw nalang pero maaalala mo na nadyan ang Diyos sa tabi mo na hindi ka iiwan.

Ang mga Pilipino, mapagmahal sa pamilya. Pamilya na siyang nag-aruga at unang nagmahal sa atin. Kaya nga mahirap para sa atin ang mapahiwalay sa ating pamilya. Tipong kahit may mga asawa’t anak na, nakatira pa rin sa mga magulang. Kahit anong galit man ang mayroon, mabilis na nawawala dahil mahal ang bawat isa. Sila ang unang magtatanggol sa iyo. Maaasahan sa panahon na kailangang-kailangan mo. Kahit gaano man kahirap ang buhay titiisin para sa pamilya.

Likas din sa mga Pilipino ang pagiging matulungin. Binibigyan ng tinapay o barya ang mga namamalimos. Tutulungang tumawid ang mga buntis o matatanda. Pinapatuloy sa bahay kahit na hindi gaanong kakilala. Bumibili sa mga naglalako, mabawasan lang ang mga paninda ng mga ito. Kapag nasa ibang bansa kapwa mo Pilipino ang tutulong sa’yo. Ipapasyal sa sa bago mong napuntahan, patitirahin, pakakainin at marami pang iba.

Isa pa sa kilala ang mga Pilipino ay ang magiliw na pagtanggap sa bisita.pinatutuloy kahit wala kang pasabi. Panapakain nang masasarap. Pinahihiga sa kama ang bisita at ang may-ari ng bahay sa banig. Hindi pinapakilos sa bahay at pinagsisilbihan. Hindi ka hahayaan na walang kasama at pinagagamit ang mga bagay na tinatago lang. dahil sa mainit na pagtanggap sa bisita, natutuwa ang mga dayuhan na pumunta dito sa ating bansa.
Ilan lamang ito sa mga ugaling nagpatanyag sa lahing Pilipino. Mga ugali na nais tularan ng ibang lahi. Mga ugali na ipinamamalas kahit saang dako man ng mundo mapunta. Kaya madaling makilala kung Pilipino ang kasama mo. Ipagmalaki na ika’y Pilipino na may ugaling makikita sa anumang paraan.